Nginitian niya nang pagkatamis-tamis si Francis. Ngalingaling kalmutin niya ang maamong mukha nito nang gumanti ito ng katulad na ngiti.
Inilahad niya ang kanyang kamay. "Give me the keys," aniya.
"No way," anito.
Unti-unti nang nauubos ang pasensya niya ngunit hindi niya iyon ipinahalata rito. "Akina ang mga susi! Maglilinis ako."
Pinagtaasan siya nito ng kilay. "Bukas ko na lang ibibigay. Gabi na, bukas ka na lang maglinis, okay?"
Pinamaywangan niya ito. "Bakit ba ayaw mong ibigay sa'kin ang mga susi? Siguro, may itinatago ka 'no?"
"Wala akong itinatago!" sabi nito. "Ikaw, bakit gusto mong makuha ang mga susi? Gano'n ba ako kasama at ayaw mo akong makatabi sa pagtulog?"
Iniiwas niya ang tingin dito. Totoo na ayaw niya itong makasama sa masters' bedroom. Hangga't maaari ay nais niyang iwasan ito. Ayaw niyang mahulog na muli rito, na siyang nangyayari lalo na at magkasama sila sa iisang bubong. Ngunit tila alam nito ang nasa isipan niya dahil lahat ng silid-tulugan sa bahay maliban lamang sa silid nila ay nakakandado.
Napabuntong-hininga siya. "Francis, we may be a couple but we are a peculiar one. Huwag kang umarte na parang normal ang relasyon nating dalawa."
Tila gumaan ang pakiramdam niya nang masabi iyon. Ngunit agad ding bumigat ang pakiramdam niya nang lumarawan ang sakit sa mukha nito. Tila nasaktan din siya.
"We may be a peculiar couple but we still have 'couple' as the operative word." Dinukot nito sa bulsa ng pantalon ang susi ng mga silid saka iniabot sa kanya. "Maaaring nagbago na ang mga bagay, Deanne, pero may isang bagay na hindi nagbabago sa'kin."
Nais pa sana niya itong tanungin ngunit tinalikuran na siya nito. Siya naman ay nagtatakbo patungo sa hardin kung saan siya tahimik na lumuha.
Bakit hindi maging tama ang mga pangyayari? Bakit sa bawat desisyon ay isa sa kanila ang nahihirapan?
Paggising niya kinaumagahan ay agad niyang kinapa ang espasyo sa tabi niya. Gaya ng inaasahan ay malamig iyon, tanda na hindi roon natulog si Francis nang nagdaang gabi. Nagpasya siya na doon pa rin matulog sa masters' bedroom. Ang isang bahagi ng isipan niya ay natuwa sa nangyari, ngunit ang puso niya ay hindi. Pilit niyang inilalayo ang sarili niya kay Francis dahil sa mga pangamba niya. Paano kung hindi pala sinsero ito sa mga ipinapakita nito? Paano kung bigla niyang marinig dito na isang pagkakamali lang ang lahat? Hindi niya kakayanin kung sa muling pagkakataon ay babasagin ng tadhana ang puso niya.
Sinulyapan niya ang alarm clock sa bedside table dahil bigla iyong tumunog. Wala siyang natatandaan na isinet niya iyon noong nagdaang gabi. Hindi na lamang niya pinagtuunan iyon ng pansin. Ang nakakuha ng atensiyon niya ay ang pink na sobre na nasa tabi ng alarm clock. Binuksan niya iyon at kinuha ang sulat sa loob.
Meet me by the gate at 7. I love you. - F
Pagkatapos niyang mag-ayos ng kama at maligo ay lumabas na siya ng silid. May nakita siyang mga talulot ng bulaklak sa sahig at iyon ang sinundan niya. Dinala siya ng mga talulot na iyon sa tapat ng gate nila.
Nagpalinga-linga siya. Napapitlag siya nang may mga kamay na magtakip sa mga mata niya. Kahit hindi nito sabihin ay alam niya kung sino iyon.
"Francis..."
Naramdaman niya ang paglapit ng mga labi nito sa punong tainga niya. "Good morning, babe. You look ravishing today."
Nag-init ang mga pisngi niya. Paano nito nasasabi iyon gayong napakasimple ng suot niyang lavender floral dress? Pakiramdam niya ay nakatikwas pa ang kanyang kulot na buhok.
BINABASA MO ANG
Men in Love 2: The Stranger in Disguise
RomanceDalawang taong ipinahanap ni Francis ang asawang nawala na parang bula. Kung kailan balak na niyang sumuko sa paghahanap ay saka ito biglang nagparamdam; pinadalhan siya nito ng isang bungkos na divorce papers! Bumalik sa Pilipinas si Deanne matapos...