Dahil napakainit pa rin ng klima kahit na sabihing dapat ay tag-ulan na, ay hindi nagtitigil si Deanne sa apartment ni Angel. Ayaw niyang maaksaya ang kuryente at lumaki ang babayaran nito kapag binuhay niya ang aircon. Kaya habang nagpapalipas siya ng oras ay doon siya tumatambay sa Trinidad City Mall o kaya ay sa malawak na parke malapit sa kanila.
Kaninang umaga ay nagtungo siya sa isang review center na nag-aalok ng Math review sa mga bata. Kaagad naman siyang natanggap dahil sa maganda niyang credentials, ngunit sa isang Lunes pa siya magsisimula. Tuwing hapon ang kanyang pasok kapag weekdays at maghapon naman kapag Sabado. Hindi masyadong malaki ang sahod ngunit ayos na rin sa kanya iyon dahil kapagkuwan ay babalik na rin siya sa Victoria. Kapag umaga ay maaari pa rin siyang tumulong sa negosyong buy-and-sell ng kotse na pinagsososyohan nila nina Jessa at Angel.
Ngayon ay nasa parke siya at nakaupo sa isang bench doon. Dala niya ang bagong volume ng paborito niyang manga na binili niya kanina sa mall. Tutok na tutok siya sa pagbabasa kaya hindi na niya pinansin ang umupo sa tabi niya. Tutal ay hindi siya naaabala at mukhang hindi gagawa ng masama ang katabi niya dahil kaharap lamang ng parke ang istasyon ng pulis. Nagpatuloy lamang siya sa pagbabasa.
Nang umisod palapit sa kanya ang katabi niya ay umisod din siya palayo rito. Ginaya siya nito kaya umisod siyang muli. Umisod itong lalo palapit sa kanya at inilagay pa ang braso sa sandalan sa likuran niya. Mukha tuloy itong nakaakbay sa kanya. Akmang tatayo na siya nang hawakan siya nito sa baywang. Napaupo tuloy siya sa kandungan nito.
“Ano bang—” Natigilan siya nang masilayan ang abuhing mga matang iyon na tila maiiyak lagi. Ngayon lang niya napagtanto kung gaano siya kasabik masilayan ang mga iyon. “Francis,” aniya.
“Hello, wife,” nakangising bati nito.
“A-Anong ginagawa mo rito?” Kung alam lamang niya na ito ang katabi niya ay aalis na kaagad siya roon. Namula ang mga pisngi niya sa pag-iisip na baka pinagtatawanan siya nito habang nagbabasa siya ng manga.
“Namamasyal lang ako nang makita kita rito. Naupo ako sa tabi mo pagkatapos,” paliwanag nito.
Pinagtaasan niya ito ng kilay. “Sigurado ka ba?”
Napakamot ito sa ulo. “Fine. Sinundan kita mula sa bahay ni Angel papunta sa mall hanggang sa pag-upo mo rito sa park. Satisfied?”
“Bakit mo ako sinusundan?” nagpa-panic na tanong niya. Hindi pa rin siya sanay na makaharap ang asawa niya na iniwasan niya sa loob ng dalawang taon.
“I feel like being a stalker, that’s why,” pasupladong sagot nito. Kung may isang katangian ito na ibang-iba kay Franco ay ang kasupladuhan nito. Pinigilan niya ang mapangiti.
“Wala ka bang matinong sasabihin sa’kin? Aalis na ako.” Akmang aalis siya mula sa pagkakaupo sa kandungan nito nang hapitin siya nito. Kaagad na nag-init ang mukha niya sa isiping mukha silang nagpi-PDA, at sa parke pa kung saan maraming bata!
“No, please stay.” Napabuntong-hininga ito. “You know that sooner or later we will still have to talk, right?”
Natigilan siya. Siya ang muling nagparamdam dito. Siya ang may gusto na makipaghiwalay ng tuluyan. Pero siya rin ang takot na pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa relasyon nila.
"M-Maybe we can talk some other time," aniya.
Tiningnan siya nito nang mataman. Kapagkuwan ay pinakawalan na siya nito. Kaagad siyang tumayo na siya ring ginawa nito. "T-Thank you."
Nagkibit-balikat ito. "Walang anuman."
"I have to go." Lihim niyang pinagalitan ang sarili dahil nagmukha siyang tanga sa harap ni Francis.
BINABASA MO ANG
Men in Love 2: The Stranger in Disguise
RomanceDalawang taong ipinahanap ni Francis ang asawang nawala na parang bula. Kung kailan balak na niyang sumuko sa paghahanap ay saka ito biglang nagparamdam; pinadalhan siya nito ng isang bungkos na divorce papers! Bumalik sa Pilipinas si Deanne matapos...