Gustung-gusto niyang habulin si Francis at pabalikin ito, ngunit nauunhan siya ng galit, ng pagdududa, ng pangamba.
Ganoon ba niya kamahal si Francis para hindi na siya magtira para sa sarili niya? Kahit may karaptan siyang magalit sa panloloko nito sa kanya noon ay hindi niya nagawa. Ngayon ay siya ang nahihirapan sa sitwasyon nila.
Ang marinig mula rito na hindi sila maghihiwalay dahil sa kompanya nito ay masakit para sa kanya. Iyon lamang ba ang halaga niya? Iyon lamang ba ang dahilan kung bakit nagtitiyaga ito na makisama sa kanya?
Hindi na siya nag-abala pang habulin ang asawa. Nang makita niyang lumabas ang kotse nito sa tarangkahan ng bahay nila ay umakyat kaagad siya sa silid nila. Inempake niya ang mga gamit niya. Kahit mahal na mahal niya si Francis ay hindi niya ito ikukulong sa isang relasyon dahil lang sa takot nito na humingi siya ng alimony kapag naghiwalay sila. Hihintayin niyang dumating ito para pag-usapan nila ang diborsyo. Sasabihin niya rito na hindi sia hihingi ng kahit na ano, maski ang makihati sa mga ari-arian nito ay hindi niya gagawin. May pera siya sa bangko, may sarili siyang bahay, at may kahati siya sa negosyo nilang magkakaibigan. Isa pa ay hindi siya komportable na makihati sa mga ari-arian ng asawa niya dahil pinaghirapan nitong lahat iyon. Hindi b at iyon din ang dahilan kung bakit ayaw sa kanya ng ina nito para kay Franco? Inisip ng matndng babae na interesado siya sa yaman ng mga Sandoval.
Inilabas niya ang mga maleta sa sala at naupo roon para hintayin si Francis. Magpapaalam lamang siya rito at aalis na siya. Ang isiping hindi na sila magkakasama pang muli ay nagdadala ng sakit sa dibdib niya, ngunit kung magsasama sila sa relasyong puno ng kasinungalingan ay mabuti pang maghiwalay na lamang sila gaya noong umpisa.
Nagmulat siya ng mga mata nang tumunog ang doorbell. Madilim na sa buong kabahayan at nang tingnan niya ang oras sa digital clock na nasa sulok ay nalaman niya na alas-onse na pala ng gabi. Hindi niya namalayan na nakatulugan na pala niya ang paghihintay sa asawa. Nagpasya siyang ipagpabukas na lang ang pag-alis.
Nang magsunud-sunod ang alingawngaw ng doorbell sa kabahayan ay nainis siya. Sino ba ang tao sa labas na walang pakundangan kung pumindot ng doorbell? Mukhang nagising na rin ang dalawa nilang katulong dahil sa paulit-ulit na tunog. Agad na tumakbo palabas ang isa sa dalawang katulong upang pagbuksan kung sino man ang hindi makahintay na bisita sa labas.
Nang magbalik ang katulong ay agad siyang tumayo para salubungin ito. “Sino ba’ng—Franco?” gulat na tanong niya nang makita ang dating nobyo sa may pintuan.
Humihingal na lumapit ito sa kanya. Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat. “Deanne, I thought something bad happened to you!”
“May problema ba? Bakit ka napasugod dito? Wala rito si Francis,” aniya.
“Yes, I know. Ang totoo niyan, siya ang dahilan kung bakit ako nagpunta rito.” Tiningnan siya nito sa mga mata. “Listen, Deanne, Francis is in the hospital. He had a car accident. No’ng tumawag sa’kin ang ospital ay tinawagan agad kita. Kanina pa ako tumatawag sa’yo pero naka-off ang cellphone mo.”
“H-Ha?” Tila nanigas siya sa kinatatayuan pagkarinig sa masamang balita ni Franco. Nasa ospital si Francis, at kahit hindi sabihin ay alam niyang kasalanan niya iyon. “Bakit ikaw ang tinawagan ng ospital? Galit ba si Francis? Ayaw ba niya akong makita?”
Naihilamos ni Franco ang mga kamay sa mukha nito. “Oh God, Deanne! I have no time for this. Kailangan na nating umalis.” Basta na lang siya nitong hinila patungo sa kinapaparadahan ng kotse nito.
Nang dumating sila sa ospital kung saan naka-confine si Francis ay kaagad silang dumiretso sa operating room. Nadatnan nila sa labas ng operating room sina Theo, Ran at maging ang may kaarawan na si Luigi. Nakasuot pa ang mga ito ng amerikana at halatang galing sa birthday party.
Napatayo ang tatlong lalaki nang lumabas ang ilang medical personnel sa operating room. Agad silang lumapit sa doktor.
“Sino ang kamag-anak ng pasyente?”
Agad siyang lumapit. “A-Ako po, Doc. I-I’m his w-wife.”
Tinanguan siya nito. “He has a few bruised ribs as well as a broken arm. Wala siyang pinsala sa mga internal organs niya ngunit hindi pa natin sigurado kung ano ang naging pinsala niya sa ulo dahil kailangan pa niya ng CT scan.” May sinabi pang iba ang doktor nang magtanong si Franco. Nagpaalam na rin ito kapagkuwan.
Inalalayan siya ni Franco na maupo sa mga nakahilerang upuan sa labas ng operating room. Isinubsob niya ang mukha sa mga palad niya. “My goodness. This is my fault!”
Hinaplos ni Franco ang likod niya. “’Wag mong sisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan. Hindi mo ginusto na maaksidente si Francis,” pang-aalo nito.
“That’s bullshit!” ani Luigi. “’Wag mo na siyang pagtakpan, Franco. You know what, this is all her fault! Kung hindi dahil sa kanya, hindi aalis si Francis ng bahay. Kaya kung may dapat sisihin sa mga nangyari, walang iba kundi siya.” Nasabunutan nito ang sarili. Sinuntok muna nito ang pinto ng operating room saka umalis doon. Sumunod dito si Theo na halatang masama rin ang loob sa kanya.
Matapos ang halos isang buong araw na paghihintay hanggang sa mailipat si Francis mula sa recovery room patungo sa private suite nito ay ngayon pa lang niya ito makikita. Umuwi muna si Franco upang ayusin ang ilang gamit ni Franco habang siya ay naiwan sa ospital kasama si Ran. Sa palagay niya ay hindi pa umuuwi sina Luigi at Theo ngunit hindi na lamang pumasok sa silid upang hindi siya makita. Panay ang hingi ng paumanhin ni Ran sa inasal ng dalawang kaibigan.
Kahit antok na antok na siya ay pilit niyang nilalabanan ang pagsara ng talukap ng kanyang mga mata dahil nais niyang siya ang unang makita ni Francis kapag nagkamalay ito.
Nang gumalaw nang bahagya ang mga labi nito ay kaagad niya itong nilapitan. “Francis? Francis, can you hear me?”
Inilibot nito ang tingin sa paligid. “Nasaan ako?”
“Nasa ospital ka. Naaksidente ka. Car accident.”
Tumingin itong muli sa kanya bago lumagpas ang tingin sa kanyang likuran. “Ran, brod,” bati nito kay Ran.
“Brod,” ganti ni Ran. “Kamusta? May masakit ba sa’yo?”
Umiling lamang ito. “I feel sleepy, that’s all.”
“Nagugutom ka ba?” tanong niya.
Muli itong tumingin sa kanyang bago napakunot-noo. “Who are you?”
Retrograde amnesia, iyon ang sabi ng doktor na sakit ng asawa niya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya nito maalala. Nais niyang magalit. Karaniwan sa mga taong may retrograde amnesia na ang nakakalimutan lang ay ang mga pangyayari na may kinalaman sa aksidente, ngunit sa kaso ni Francis, ang mga pangyayari hanggang dalawang taong ang nakakaraan ay nakalimutan nito. Ang mga pangyayaring nakalimutan nito ay nagsimula noong dumating siya sa buhay nito.
Hindi niya mapigilang manlumo. Ayon sa mga doktor ay malaki ang posibilidad na bumalik ang nawalang alaala ni Francis, ngunit may posibilidad din na hindi na. Paano kung habangbuhay nang mabaon sa limot ang pinagsamahan nila? Paano kung hindi na siya nito tanggapin pa bilang asawa? Habangbuhay na siyang hindi magiging masaya.
“Deanne.”
Napapitlag siya nang tawagin siya ni Franco. “B-Bakit?”
“Gusto kang makausap ni Francis.”
Mabilis pa sa alas-kuwatro na tumayo siya saka nilapitan ang asawa. “You want to talk to me?”
Tinanguan lamang siya nito. Naupo siya sa silya na malapit sa hospital bed.
“Sa totoo lang, hindi kita matandaan kahit kaunti,” anito. “Kung hindi pa kinumpirma ni Franco na talagang kasal tayo ay hindi ako maniniwala. Kaya tinanong ko ang mga kaibigan ko kung anong klaseng relasyon ang mayroon tayo, at sinabi nga nila na may problema na ang pagsasama natin noon pa man. I can’t remember anything about you and since you are filling for a divorce before, then there’s no need to prolong our agonies. I’m setting you free.”
BINABASA MO ANG
Men in Love 2: The Stranger in Disguise
RomanceDalawang taong ipinahanap ni Francis ang asawang nawala na parang bula. Kung kailan balak na niyang sumuko sa paghahanap ay saka ito biglang nagparamdam; pinadalhan siya nito ng isang bungkos na divorce papers! Bumalik sa Pilipinas si Deanne matapos...