2. Mga Babaing Dapat (at Maaaring) Ligawan at Paibigin

1.2K 0 1
                                    

DALAWA lamang ang uri ng pagligaw: totohanan at di-totohanan.

Ang totohanang pagligaw ay maaring mauwi sa di-totohanan, at ang di-totohanan ay maari rin namang mauwi sa totohanan.

Sa ating mga Pilipino, karaniwang sagrado ang pagligaw. Bago pa man manligaw ang lalaki, alam na kung sino ang liligawan. At kapag lumigaw na'y isa-isa lang, tutok sa isang babae, at ang dahila'y totohanan --- para pakasalan. Kung ganito kang lalaki, maari mo nang huwag basahin ang kabanatang ito. Kung buo na nga sa iyong isip kung sino ang iyong liligawan, ang problema mo na lang ay ang mismong pagligaw.

Ngayon, kung gusto mong maging mangingibig --- ibig sabihi'y gusto mong maraming mapaibig, maging maligaya at magpaligaya sa marami --- kailangan mong malaman kung sino ang iyong mga liligawan. At hindi basta liligawan, kundi mga liligawang mapapaibig. Sakali mang wala kang balak ngayon na manligaw ng totohanan (yung para pakasalan), sa bandang huli ay baka ipasya mong gawin na itong totohanan. Ang importante, makakapili ka.

Babae, siempre pa, ang iyong paiibigin. Saan mo sila matatagpuan? Sa lahat ng dako. Hindi ito ang problema. Ang talagang problema'y ang pagpili ng babaing (a) maaaring mapaibig, at (b) karapat-dapat paibigin.

Kahit saan ay makakatagpo ka ng babaing maaring mapaibig, ngunit hindi karapat-dapat paibigin. Kung gusto mong magpaibig at ibigin ng kahit sino lang, walang pipigil sa iyo. Pero, masisiyahan ka kaya sa ganoon? Gusto mo mang kumain ng mansanas, hindi ka rin masisiyahan sa kahit ano lang na mansanas. Mas masarap pa rin siempre yung malaki, matamis, malutong at makatas.

Sinong babae ang dapat ligawan? Lahat ng karapat-dapat paibigin na hindi imposibleng mapaibig. Paano mo malalaman? Para madali mo silang makita, pag-aralan mo ang mga dapat iwasan para malaman mo kung sino ang mga lalapitan.

1.       Iwasan mo ang babaing pala-gayak, yung todo-todong magpustura na tila laging pupunta sa malalaking kasayahan kahit hindi naman. Mas interesado siya sa kanyang sarili, sa tindi ng pagpapayanig sa kapwa niya babae, kaysa sa iyo.

2.       Huwag kang magkamali sa babaing halata nang mataba ay itinatago pa ang kanyang katabaan sa paggamit ng paha o girdle. Alin sa dalawa: malamig siya sa pag-ibig o sobrang init. Kung malamig, di ka masisiyahan. At kung mainit, sa sandaling mapaibig mo siya'y posibleng hindi ka niya pakawalan. Buti kung talagang gusto mo nang magpatali.

3.       Iwasan mo ang babaing laging nakadamit ng puti. Seryoso ang ganitong tipo. Posibleng mapaibig mo siya, ngunit malamang humantong ka sa hukuman sa sandaling gusto mo na siyang palitan ng iba.

4.       Layuan mo ang babaing palasali sa iba't ibang kilusan --- sa pagpaplano sa pag-aasawa, sa pag-e-eherisyo, sa pagtatanim ng halaman o anuman --- pagkat ipagsasabi niya ang inyong relasyon, lalo na sa mga inaakala niyang makakaagaw sa iyo mula sa kanya. At kung ikaw ay may-asawa, bago ka pa man nagsisimula sa pagligaw sa kanya, malamang na ikinakalat na niya ito sa iba.

5.       Iwasan mo ang babaing mahilig sa alak, sa mga bawal na gamot, o mga tulad nito. Hindi sila mangingiming gamitin ang sarili, hindi lang sa iyo kundi sa iba rin, para tustusan ang kanilang pangangailangan. Ang iyong kasiyahan sa kanila ay di sapat na katumbas ng prublemang idudulot sa iyo. Bilang mangingibig, dapat mong tandaan: maging magalang, maging maginoo, ngunit huwag kang magpaka-kabalyero.

Ang dapat mong iwasan, iwasan mo na bago mo ligawan, hindi kapag nililigawan mo na.

-----

Ang Mga Babaing Maaring Mapaibig

Pagligaw at PagpapaibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon