4. Pakikipag-usap Sa Nililigawan

4.1K 1 0
                                    

ANG mga babae, alam nating lahat, ay mahilig sa pakikipag-usap. Ang isang mabuting mangingibig, kung gayon, ay kailangang maging isang masarap na kausap.

Nabanggit na natin ang importansya ng tono ng iyong boses. Iyon, kumbaga, ang hugis, ang porma. Ang kailangan mo namang malaman ngayon ay ang mismong laman.

Ano ang mga dapat mong sabihin sa mga babae para maakit sila at mahaling sa iyo?

Tandaan mo na ang mga babae ay karaniwang may tatlong kategorya ng paksa pag nakikipag-usap:

a.       Mga bagay na pinag-usapan nila ng mga kapwa babae: kalusugan, pera, mga katulong nila, ang kani-kaniyang asawa, mga anak, mga problema sa bahay at ng pamilya, mga damit, mga alahas, mga tsismis.

b.      Mga bagay na pinapaksa nila sa kausap na mga lalaki: sining, mga libro, musika, pulitika, pag-ibig, di-totoong mga pilosopya, pangkalahatang mga paksa na nakakatawag ng pansin, relihiyon, mga biro, mga alahas, mga tsismis.

c.       Mga bagay na pinapaksa nila sa kausap na mga bakla, na kapwa matatagpuan sa (a.) at (b.), bagaman ang mga paksa sa (a.) ay tinatrato nilang nasa (b.) at ang pagksa sa (b.) ay trinatrato nilang nasa (a.).

Kulang pa, siempre, ang mga nabanggit na paksa. Ngunit sapat na ang mga naturan para magkaroon ka ng ideya tungkol dito.

Iwasan mo ang mga paksa sa (a.). Bilang lalaki, mababagot ka rito. Maging sa babae man, ang pansin at interes niya rito ay pansamantala lamang. Maaaring magawa mong makipag-usap nang tuluy-tuloy sa mga naturang paksa, pero hindi ito makabubuti sa iyo. Ang lalaking gustong ibigin ng babae ay yung romantiko, hindi yung basta-basta, at lalong hindi yung maikukumpara niya sa isang kapitbahay na babae. Hindi mo dapat pababain ang iyong katayuan bilang mangingibig.

Ang pakikipag-usap sa mga paksa sa (c.) ay mahirap gawin at masalimuot para sa isang lalaki. Sa ibang babae ay maaring maging kapaki-pakinabang na magpanggap kang bakla. Maaring tulungan ka ng isang babae na patunayan sa iyong sarili na hindi ka ganoon. Pero, kapag walang nangyari sa iyong pagpapanggap ay lalabas kang kahiya-hiya, at maaaring kumalat pa sa iba na bakla ka nga.

Ang paksa sa (b.) ang pagtuunan mo ng pansin.

Sa simula ng iyong pakikipag-usap, itaas mo agad ang paksa ng inyong usapan. Gustong isipin ng mga babae na ang lalaking kanilang iniibig o maaring ibigin ay matalino, maraming alam at kawili-wiling kausap. Gusto nilang ang lalaki ay maalam sa pulitika, literatura, relihiyon, sining, atbp.

Mas gusto ng mga babae na matalino kaysa kanila ang kanilang iniibig at iibigin. At kung hindi man yon totoo, nagkukunwa sila. Mapapatunayan mo ito sa mga sinasabi ng mga babaing malapit nang magtaksil o nagtataksil sa kanilang asawa o nobyo. Sinasabi nilang ang lalaki'y salbahe, walang kunsiderasyon, mahigpit, seloso, nananakit. Pero hindi nila kailanman sinasabi na ang lalaki'y tanga. (Liban kung ang lalaki ang nagtaksil at naunang ipagpalit siya sa iba.)

Makakatagpo ka ng matatalinong babae na kasal sa mga lalaking tanga, ngunit minsan man ay hindi nila aamining ganoon nga ang kanilang asawa. Sa halip, sila ang gumagawa ng mga paraan na mapagtakpan iyon. Iba't ibang dahilan ang ibinibigay nila: "Talaga lang mahiyain siya, pero pag nakilala mo nang husto'y saka mo malalamang matalino rin siya." "Mas maramin siyang alam kaysa kanyang ipinakikita." "Matalino siya sa kanyang trabaho." "Tahimik lang siya, pero nakapag-aral." Paulit-ulit mong maririnig ang mga ito sa mga babaing nagtatanggol sa kanilang mga lalaki.

Ang totoo, maaring ang nagustuhan ng isang babae sa lalaki'y ang kanyang kulot na buhok, ang kanyang pagngiti o pagtawa, ang kanyang masel o anuman. Ngunit ikakaila niya ito.

Sa pagsasabi ng babae na matalino ang kanyang lalaki, itinataas niya ang antas ng kanyang pagkatao. Ayaw niyang masabi, maging sa kanyang sarili, na pumatol siya sa tanga.

Pagligaw at PagpapaibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon