7. Mga Paraan Para Manatiling Hawak Ang Babae

558 1 0
                                    

NAPAG-ARALAN mo na siya, nalapitan, napaibig at naangkin. Ano pa ang iyong balak? Gusto mo ba siyang manatiling iyo?

Kung ayaw mo na, laktawan mo na ng basa ang kabanatang ito.

Pero kung gusto mo pa, sige lang ang pagbasa.

Ang pag-ibig ay madalas na ikinukumpara sa giyera, sa labanan, sa duwelo. Totoo, sapagkat ang pag-ibig ay isang uri ng labanan. Bagaman ang hangarin sa pag-ibig ay pag-isahin ang dalawang nilalang, ang hangad ng dalawa ay mangibabaw sa isa't isa.

May isang kasabihan ang mga Italyano: "Sa digmaan ng pag-ibig, ang tumatakas ang nananalo."

Sa biglang malas ay may kontradiksiyon ito. Paano makakamit ang tagumpay sa pagtakas?

Narito ang halimbawa ng pananalo sa pagtakas.

Ipagpalagay na nagustuhan mo ang isang babae, at nagustuhan ka rin niya. Sa mabilis na pangingibig ay napasuko mo siya, naangkin. Haling na haling siya sa iyo, sinasamba ka, lagi na'y gustong kasama ka, wala siyang hinihintay kundi sundin ang lahat ng ibig mo. Ano ang iyong magiging reaksiyon?

Siempre, tataas ang pagpapahalaga mo sa sarili. At sa simula, tutugunin mo ang kanyang pag-ibig nang may paggalang, pag-aalala at pagpapasalamat. Ngunit, kung laging ganitong nangingibabaw ka, magsisimulang madarama mong mababa siya sa iyo. Bandang huli, magsasawa ka na, mababagot, at ipagwawalambahala mo siya.

Ganito rin ang magiging damdamin sa iyo ng babae kung magpapalit kayo ng kalagayan, kung ikaw ang makita niyang haling na haling sa kanya.

Kaya dapat, pag napasuko mo na ang babae ay hindi ka na dapat sumuko nang ganap sa kanya. Para lagi kang panalo, "tatakas" ka kapag kailangan.

Gamitin mo ang taktikang "kulang ng isa." Ang taktikang ito ay napakasimple: ibigin mo siya, o magkunwa kang iniibig mo siya, nang isang antas na mababa kaysa pag-ibig na iniuukol niya sa iyo. Ibig sabihin, kung gusto mo na siya, dapat mas malaki ang gusto niya sa iyo. Sa gayon, hindi siya makatitiyak sa iyong pag-ibig. Maaantig mo ang kanyang pagmamataas sa sarili at magiging isa kang palagiang hamon sa kanya. Gugustuhin niyang ganap na mapasuko ka, paaamuin. At alam mo na kung ano ang gagawin niyang pagpapaamo.

Simple ang taktika, pero hindi madaling gawin. Hindi sapat na basta huwag mo siyang pansinin, na basta iwasan mo siyang makita, o basta pagpakitaan ng di-mabuti. Magagawa mo ang lahat ng ito, ngunit minsan-minsan lang at sa mga wastong pagkakataon, at yung tamang-tama lang. Huwag sosobra. Pag lumabis ang pagiging mailap mo, baka ayawan ka na.

Para siya mailang, maging pabagu-bago ka. Puntahan mo siya, dalawin mo, kung kailan niya hindi inaasahan. Tawagan mo siya sa telepono sa mga dis-oras ng gabi. Paminsan-minsan, basta ka na lang mawawala nang mga ilang araw nang hindi nagsasabi sa kanya. Sikapin mong maging iba sa karaniwan. Bigyan mo siya ng kagulat-gulat na regalo sa mga hindi niya inaasahang okasyon.

Ang pagreregalo ay may malaki't mahalagang papel sa pag-ibig. Napapanatili nitong nagdiringas ang apoy ng pag-ibig. Gayunman, bilang isang mangingibig ay hindi ka dapat magbigay ng mga regalong mamahalin. Kung iibigin ka ng babae, dapat ay hindi dahil sa iyong mga regalo, kundi dahil sa ikaw ay ikaw.

Ang isang regalo, kahit hindi magastos, ay konkretong katibayan na mahal mo ang babae. Nangangahulugang naiisip mo siya at sinisikap mong bigyan ng kasiyahan.

Anong mga regalo? Ang pinakamabuting regalo ay yung hindi ginagamit. Mga bulaklak, halimbawa. Pero puwede rin yung mga nagagamit, depende sa klase. Mga suot panloob, halimbawa. Magugustuhan niya ang mga ito pagkat maaantig mo ang kanyang damdamin na nag-iingat ng inyong sabwatan sa pag-ibig. Mabuti ring panregalo ang mga bagay na di-tuwirang pumupuri sa kanyang talino at panlasa, tulad ng libro, plakang klasikal, istatwa at mga pampalamuti sa kanyang kuwarto.

Ang pagiging misteryoso ay isa ring sangkap para manatiling hawak mo ang babae. Sikapin mong maitago sa kanya ang ibang bahagi ng iyong personal na buhay, gawain, at personalidad. Huwag yung pati likaw ng bituka mo ay alam niya. Hindi niya kailangang malaman kung ano talaga ang iyong ginagawa o kung saan ka matatagpuan sa anumang sandali sa maghapon, kung ano ang iyong iniisip at nadarama, o kung sinu-sino ang iyong mga kaibigan. May mga pagkakataong kailangan mo siyang pag-isipin kung nasaan ka o kung ano ang iyong ginagawa, kahit ang totoo'y nasa bahay ka lamang at nanonood ng telebisyon.

Pagselosin mo siya, pero huwag mong pagtaksilan ng lantaran. Sapat nang ipahiwatig mong may iba pang iibig sa iyo sakaling maputol man ang inyong relasyon. Sa gayon, sisigla ang kanyang pakikipagkumpetisyon sa iyong pag-ibig. Pagkat hindi niya mapapayagang maagaw ka sa kanya ng iba, makaaasa kang mananatili siyang "mainit" sa iyo.

Pagligaw at PagpapaibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon