3. Mga Taktika Sa Paglapit at Pagpapakilala

1.6K 2 1
                                    

SA panahon ngayon ay mabilis ang takbo ng lahat ng bagay. Dapat lang na maging ganito rin sa pagligaw.

Kung gusto mong makatipid ng panahon at magtagumpay sa pagligaw, kailangang pag-aralan mo ang tamang paglapit sa babae. Iisa lang ang paraan: Lumikha ka Ng Impresyoon.

Hindi mahalaga kung anuman ang impresyong maikikintal mo sa kanya. Ang tanging mahalaga’y mapansin ka niya at matandaan. Ang isang babae na alam na nagkatagpo na kayo ngunit walang maalala tungkol sa iyo ay hindi mo na dapat ligawan.

Paano kung wala kang alam na dapat gawin sa unang pagkatagpo mo sa isang babaing naramdaman mong gusto mo? Galitin mo siya. (Lilinawin natin ito sa mga susunod na pahina.)

Ang una mong dapat pag-aralan ay ang tamang paglapit sa isang kumpletong istranghero. Salungat ito sa prinsipyo sa binanggit sa sinundang kabanata --- ngunit pagkarami-raming babae ang iyong makikita na kumpletong istranghero sa iyo at walang masama kung pagtangkaan mo man silang lapitan at ligawan.

Iisang paalala: Huwag kang magpakaabala sa babaing hindi mo nakikita ng harapan. Ang isang pagkaganda-gandang babae sa bintana ng tumatakbong sasakyan, halimbawa, ay isa lamang repleksyon. Ang Pangarap Na Babae ng lahat ng lalaki’y madaling Makita sa repleksyon. Ngunit ang repleksyon ay repleksyon lamang. Ang babae sa repleksyon ay perpekto, tama ng edad sa iyong gusto, at gayon din sa ugali. Kapag nakaharap mo siya’y maaring magulat ka, masorpresa, at kakailanganin mo pa ang umatras. Totoo din ito sa babaing nakatalikod sa iyo. Huwag kang magpadalus-dalos.

Ang tamang paglapit sa isang istranghero ay iyong kakatwa, naiiba at personal. Iwasan mo ang gasgas nang paraan ng paglapit tulad ng “Maaari ba akong makipagkilala sa iyo?” “Pwede bang sumabay sa iyong paglakad?” “Pwede bang magtanong?” “Hello” “Hi” at mga katulad nito. Ilang daang beses na niyang narinig ang ganyang pakikipaglapit at ang uukilkil agad sa kanyang isip ay pagkainis. Ibibilang ka niya sa kategorya ng mga lalaking walang kaima-imahinasyon at buwisit. Kaya, umisip ka ng ibang paraan.

Paano ka makikipaglapit sa isang kumpletong istranghero sa paraang personal? Maging mapansinin ka. Obserbahan mo siya at humanap ka ng mga clue o palatandaan na magagamit mo sa pakikipaglapit. Ang mga clue na makikita mo sa iba’t ibang babae ay iba-iba rin, kaya’t pabago-bago ang mga paraan ng pakikipaglapit.

(At isang paalala: Huwag kang makikipaglapit sa isang babae sa harap ng ibang tao --- sa siksikang bus, sa isang department store, sa restawran o sa kalsada. Wala kang mapapala sa ganito, pagkat halos lahat ng babae ay naniniwalang di-tama para sa kanila ang basta makipag-usap sa isang istranghero. Maaring gawin din niya ito, ngunit hindi sa harap ng ibang nakakita at nakakarinig. Mangingibabaw ang hiya sa kanya, kahit kasiya-siya para sa kanya ng iyong pakikipaglapit.)

Narito ang ilang halimbawa.

Paglapit na Kultural. Nakita mong ang babaing gusto mong makilala’y may hawak na libro. Alamin mo agad ang titulo nito at ang sumulat. Sundan mo siya hanggang sa mapalayu-layo sa iba at saka mo kausapin:

Excuse me, kung hindi ako nagkakamali’y Gone With The Wind ang iyong binabasa”

Bago siya makapagsalita ng anuman ay sundan mo agad ang iyong sinasabi:

“Magandang pagkakataon ito para sa akin. May bibilhin sana akong libro para sa nanay ko, at isa iyan sa pinagpipilian kong bilhin. Sa palagay mo kaya’y bagay iyan sa kanya? Magustuhan kaya niya?”

Walo sa sampu at sasagot siya sa iyo, hanggang sa humaba ang inyong pag-uusap sa mga pagtatanung-tanong sa kanya tunkol sa naturang libro. Ang mahalaga’y gawin mo ang paglapit at pakikipag-usap sa paraang kaswal at normal, yung parang naghuhuntahan lang kayo.

Pagligaw at PagpapaibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon