t i n a t a n g i

5.1K 353 138
                                    


tinatangi

(n.) special someone

- Laureta, Isabelle

xxx

Miyerkules, ikalabing-tatlong araw sa buwan ng Hulyo, taong dalawampung libo at labing-anim. Nagkaroon ng pingas ang kinabukasan ng buwan.

Medyo balikan natin ang mga pangyayari... ulit. Umaga, at naglalambing masyado si Caius. Palagi nya itong ginagawa kapag magustuhan nya. Iyon bang ayaw nya akong paalisin sa kama at pumapalahaw sya ng iyak kahit anong gawin ko, at ayoko namang gambalain ang mga kapitbahay ng alas-sais ng umaga. Iyon nga lang, alas-otso ang pasok ko at kalahating oras ang byahe. Baka hindi ako umabot sa Film - at hindi iyon pwedeng mangyari dahil ngayon kami hahatiin sa apat na grupo at bubunot kung anong genre ang dapat gawin.

Naalala ko tuloy na sa RomCom ako napunta noon at halos lumampas ng langit ang ngiti ko dahil matatakutin akong bata at ikababagsak kong tunay kung sa Horror o Suspense ako napunta.

Ngayon, alam kong mas maraming bagay akong katakutan kaysa mga multo na hindi ko pa nakikita.

Limang minuto na akong huli sa klase. Dali-dali akong tumakbo papunta sa silid-aralan at nagdasal sa dalawampu't dalawang santo na hindi pa sana dumarating si Ma'am Atienza, iyong guro namin sa Film. Nagdadalang-tao ito, at kung bibigyan ako ng isang hiling sa segundong ito ay hihilingin kong tumaas ng tatlong baitang ang hagdang nilalakaran nya ngayon -

- kaya naman nakipagtakbuhan sa akin si Mareng Karma at nauna pa sa akin dahil nakita ko ang mundo.

Wala. Nakatayo lang sa unahan. Nagsasalita. Ako naman itong parang tuod na natigilan sa dulo ng classroom.

Running is prohibited especially in hallways, Mendoza.

S-sorry, Sir.

Dumiretso ako sa tabi ni Rea, iyong kaklase ko sa Film na parang si Dusk. Sya lang naman ang kinakausap ko sa buong klase maliban na lang kung may kailangan pang pag-usapan kapag grupo-han. Nagpalinga-linga ako dahil may naramdaman akong kakaiba na para bang may nakatingin sa akin - at tama ako. Lahat sila ay nakatingin sa akin, dahil nakatingin din sa akin ang guro.

Agad kong napagtanto na may mali, kaya naman tumayo ako para makipag-usap ng maayos. 

B-bakit po, Sir?

Hindi ko alam kung napapansin nya na sa tuwing kinakausap ko sya, kinakain ko rin ang mga salitang lumalabas sa bibig ko. Hindi ako makatingin ng diretso sa mga mata ng mundo kaya naman humanap ako kung saan pwede akong tumitig habang nakikipagtalastasan, at napagdesisyunan kong ang whiteboard marker na hawak nya na lang ang titigan. Whiteboard marker. Marker. Marker. Marker -

Just what are you staring at, Miss Mendoza?

Agad na napatunghay ang ulo ko pabalik sa mukha nya at nakita ang mga tumatawang kadalagahan sa may bintana. Hindi katulad ng mga kaklase ko sa literatura, nasa huling taon na nila sa unibersidad ang mga kaklase ko, at malapit ang edad sa akin. Maging si Rea ay naawa sa sitwasyon ko dahil wala akong kaalam-alam.

Nanlaki ang mga mata ko noong naalala kong katapat ng marker na iyon ang gitnang bahagi ng pantalon nya, at hindi ko masisisi ang guro at ang ilan kung iisipin nilang nakatingin ako roon. Halos mamula akong parang kamatis sa hiya at agad na iniiwas ang tingin ko sa kanya.

The Devil Who Danced At MidnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon