p a h i m a k a s

5K 304 90
                                    

pahimakas 

(n.) last farewell

xxx

Minsan tinatanong ko sa sarili ko kung bakit kailangan ng araw, ng buwan, ng mga tala... at kung bakit magkaibang bagay pa ang mga tala at ang araw ngayong parehas naman silang uri ng mga bituin. Ngayon, alam ko na kung bakit. Kukuwentuhan ko kayo tungkol sa malungkot na buwan.

Pinaghiwa-hiwalay sila ng Diyos para maraming magamit ang mga manunulat. Kapag gasgas na ang paggamit sa araw, tala naman ang gamitin sa literatura. Kapag ubos na ang magagandang bagay na pwedeng ihalintulad sa dalawa, buwan naman.

Pero meron lang talagang mga bagay na hindi mo maipaliwanag tungkol sa buwan at kung paano nito hinahatak ang mga alon tuwing gabi papunta sa kanya.

Napakalakas ng buwan, kung tutuusin. Kaya nyang mag-isa, kahit pa napapalibutan sya ng dilim. Kaya nyang mag-isa kahit wala ang mga tala. Kaya nyang mag-isa, kahit takpan sya ng mga ulap.

Kaya kong maging buwan.

Iyon nga lang, darating ang panahon na hindi na lubos kakailanganin ang buwan dahil may araw naman para sa init. May mga tala para sa kagandahan ng itim na langit tuwing gabi. Darating ang panahon na kahit mga manunulat... hindi na pipiliin ang buwan, kahit gaano pa ito kaganda sa malayo.

Parang ang mundo.

Parang ang mundong hindi na kailangan ang buwan.

Halata naman, 'di ba? Ang mundo, umiikot sa araw. Ang buwan, umiikot sa mundo. Alam na kung sinong mas nangangailangan dito sa isa.

Ang sakit lang isipin na hindi ganoon kalaki ang maiiwang epekto sa mundo kapag binitawan nya ang buwan, hindi gaya ng pagbitaw nya sa araw.

Masakit sa dibdib, pero wala namang magagawa ang buwan kundi hiramin ang liwanag ng araw at tahimik na gabayan ang mga manlalakbay na nakikipagsapalaran tuwing gabi. Wala namang magagawa ang buwan kundi tumahimik.

Wala talaga.

You may now kiss the bride.

Nagpalakpakan ang mga tao. Hindi kaya masunog ang mundo noong naging isa sila ng araw?

Ewan ko. Basta ang buwan, tahimik lang na nanonood, pumapalakpak, nagiging masaya para sa mundo at sa araw.

Sanay na naman syang hindi kailangan.

Sanay na naman syang naisasantabi.

Kaya ngayong araw, lalaki ang distansya ng buwan sa mundo, kasama ng mga anak-anakan nyang tala. Ang alam ko, hahatakin nya ang batang tala palayo sa mundo para raw hindi masakit. 'Di ba ganu'n naman 'yun? Kagaya ng mga dinosaurs dati, na-apektuhan sila noong may tumamang kung ano sa mundo. Ayaw mangyari ng buwan 'yon sa mundo at sa batang tala...

... kaya sila na lang ang lalayo.

May isang mundo na gusto ring umampon sa buwan ng mundo. Kaso nga lang, iba ang mundong ito sa mundong nakasanayan ng buwan kaya... patuloy ang pag-iling ng buwan. Patuloy sa pagtanggi sa kawanggawang inihahain ng ibang mundo.

At mananatili lang sya dati nyang pwesto, kasama ang batang tala...

... kasama ang mga yapak na iniwan ng mundo dati sa puso nya.

Ano? Tinatanong nyo kung nalaman ng mundo na resulta ang tala ng pag-iibigan nila dati ng buwan?

Hindi. Hindi ang sagot, dahil hindi naman nagtanong ang mundo.

Hindi na rin naman nakita ng buwan ang pagbabago, kung sakaling sasabihin nya. Basta, nasa tabi nya raw ang batang tala, masaya na sya. Basta, malapit sa kanya ang batang talang masiglang nagningning, kuntento na sya.

Kahit malayo sila parehas sa mundo.

Nakasalalay lang basta ang lahat sa araw, sa araw, sa araw.


Kaya't sa pagtapos ko sa kwentong ito, maraming salamat, mga kaibigan, sa pagtanggap ng mga kakulangan, sa pag-intindi sa mga katangahan, at sa pagsubaybay sa hindi natapos na pag-iibigan.

At para sa mga pinag-aalayan ko ng kwentong ito,
sa balde-balde ng umaapaw na pag-ibig na hindi naman nasuklian noon,
sa mga nakaw na halik at sandali,
sa kasalanang parehas kinunsinti,
sa mga puting rosas na naibigay noon,
sa mga pulang rosas na natuyot na kasama ng panahon,
sa mga bagay na hindi natin nagawa at sa mga katotohanang hindi naisiwalat,
sa mga librong isinara ngunit binuksan ulit,
sa mga tulang mapait ngunit pilit isinusulat ng ilang beses pa ulit hanggang maubos ang tinta ng pluma,
sa mundong nangako at sa buwang napako,
sa araw na nadamay at nagpatawad ng ilang ulit,
sa talang hindi alintana ang mga nagaganap,
sa literaturang tanda ng hindi paglimot sa kasaysayan
sa mga ilang araw ng hiram na pag-iisa,
sa ilang na umaalingasaw sa gabi ng mga patay,
at sa'yo, na minahal ko ng ilang taon, ilang buhay, at ilang beses,

Salamat.

Salamat sa ilang araw na pinagsaluhan ng mga pusong uhaw sa pag-ibig.




w a k a s

The Devil Who Danced At MidnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon