h a b i l i n

5.1K 339 176
                                    

Pahimakas after three hours.
Official song for TDWDAM: Samson by Regina Spektor.

Tweet with #TDWDAM so I can see.
No need to tag/follow me.

xxx

habilin

(n.) anything given to somebody for safekeeping

xxx


May mga bagay na talagang natural na tumatanggi sa atin. Sa akin. Katulad ng mga bus na talagang hindi ka titigilan kahit dalawang oras ka na sa istasyon at sampung minuto lamang ang byahe mo, at idagdag mo pa ang mga pasaherong kung makasiko'y akala mo manhid ka.

Sabagay, ano nga ba ang pisikal na sakit kumpara sa nararamdaman ko ngayon? Napabuntong-hininga ako. Wala namang sasakit pa.

Wala namang sasakit pa sa huling tatlong buwan ng semestre. Maayos naman ang naging pag-aaral ko at bumalik sa dati ang tahimik kong buhay. Walang utos sa faculty, walang paghahawak-kamay papunta sa arcade, walang mga nakaw na sandali at halik sa kwarto.

Lumalaking tiyan lang at nag-aalagang ama, iyon lang naman.

Iyon lang siguro ang magiging hinanakit ng anak ko sa akin, kung malalaman nya ang mga nalalaman ko at makikita nya ang mga nakikita ko at mararamdaman nya ang mga mararamdaman ko. Matagal na akong sinukuan ng buwan, sa totoo lang; masyadong tanga, masyadong mapanakit ang mga pinipili kong gawin sa buhay ko. Ngayon, sa tala na lang ako humihingi ng tawad, kung maari sana'y pagkatapos ng ilang taon ay patawarin nya ang kanyang ina na ilang beses lumihis ng landas.

Napansin iyon ni Dusk, ni Rea. Silang dalawa lang naman ang palagi kong kinakausap. Pinuna nila ang mga balikat kong tila mas bagsak kaysa sa nakasanayan at ang mga mata kong mas malamlam sa nakagawian. Your eyes are dropping than the usual, Ate. Sabi sa akin ni Dusk. Did something happen at home?

Marami, maraming nangyari, ngunit syempre, pipiliin kong sumagot ng: Wala naman.

Nakatabi lang iyong sobre sa tokador malapit sa kama. Binabagabag ako tuwing gabi. Minsan, bago ako matulog, kahit nakapikit ako, nakikita ko ang pag-aalalay ng mundo sa buwan. Hindi naman kasi maiwasan ang pagdaan ko sa faculty, dahil nagpapasa rin naman ako ng papeles sa iba ko pang guro ngayong nalalapit na ang pagtatapos.

Pagtatapos ng ano – hindi ko rin alam.

Huwebes iyon, tandang-tanda ko. Biyernes ang pinakahuli kong pagsusulit at babalik na lamang kami sa unibersidad para kunin ang mga grado, para kunin ang naging resulta ng ilang buwan naming paghihirap.

Hindi ko alam kung may makukuha ba ako sa kanya.

Tumigil na rin ang pagbanggit sa buwan sa mga asignatura sa Literatura. Panaka-nakang nababanggit ang araw, tanda ng tunay na pag-ibig, at hindi ko na lang naman iniinda ang mabilis na pagkirot ng puso ko sa tuwing nakikita ko iyon sa mga pahina ng bawat maikling pagsusulit at ang mahinang bulong ng isang sulok ng puso ko na sana, ako iyon, na sana, buwan pa rin iyon, na sana, buwan pa rin ang lumiliwanag kahit gabi, na sana, sana, bumalik ang kung ano mang naiwan kahit malayo sa katotohanan, na sana, sana... Sana.

Biyernes ng umaga. Bumaling ako sa talang mahimbing pa rin ang tulog. Hinagkan ko ang noo nya, paunang ritwal sa umaga. Hindi ko alam na posible pala ang magmahal ng ganito, na posible palang magbigay ng walang hanggang pagmamahal kahit alam mong walang kapalit kagaya ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. Gusto ko ring magpasalamat ngayon sa mga magulang ko, kahit papaano, para sa mapait na pagsasamang nakalakhan ko na naging dahilan upang huwag kong iparanas sa anak ko ang gayon.

The Devil Who Danced At MidnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon