p a g s a m o

5.1K 364 201
                                    

pagsamo

(n.) the act of pleading

- Laureta, Isabelle

xxx

Maraming uri ng pag-ibig. 

May pag-ibig na umaabot hanggang Disyembre at may pag-ibig na hindi nakatatapos ng Lunes. May pag-ibig na iniuukit pa sa puno para matandaan, at may pag-ibig kung saan gusto mong humiram ng pala sa pinakamalapit na construction site para ipaghukay ng libingan. May pag-ibig na iinom ka ng tubig sa sobrang tamis at may pag-ibig na isusuka mo dahil tinalo pa ang ampalaya sa pait. May pag-ibig na itataas ka at may pag-ibig din na aalipinin ka hanggang sa maging hilahod na ang dila mo at maging isa kayo ng sahig.

At sa dami ng uri ng pag-ibig... meron din itong iba't-ibang itsura. Mukha. Katauhan.

May pangit na pag-ibig. May magandang pag-ibig. May gwapong pag-ibig. May pag-ibig na kulot, sungki. May pag-ibig na maraming lubak sa mukha. May pag-ibig na makinis. May pag-ibig na tomboy, bakla, 'di tiyak. May pag-ibig na nakasuot ng magarbong damit at may pag-ibig na butas-butas ang kamiseta. May pag-ibig na puti at may pag-ibig na itim. Meron ding bughaw, luntian, kahel. May pengk (rosas). May perpel (kahit lila rin iyong maituturing para sa akin).

Sa kaduluhan ng listahan, mayroon silang iisang pagkakapare-pareho.

Lahat sila...

...pag-ibig.

Sa kaso ng buwan, ang pag-ibig ay may malalim na biloy at dalawang puting pakpak na itinatago ang mahabang buntot sa likuran. Ayaw nga lang nya aminin, dahil masakit masyado. Nakakaubos, nakakatuyot ng lalamunan kung aaminin nyang may mukha ang pag-ibig. Mas mabuti na lamang pumikit at tanggapin ang lahat ng tahimik. Mas maiging lunukin na lamang ang pag-ibig na may biloy (kahit tuyot) at isiping isa lamang itong... ilusyon.

Alalay. Katulong. Sunud-sunuran. Chimay.

Iyon ako.

Palagi na nga akong tinutukso ni Rea kung nag-apply daw ba akong Student Assistant dahil mas marami ang mga oras na nasa faculty ako kaysa loob ng silid-aralan. Halos kilala na rin ako ng lahat ng nasa photocopy-han dahil pabalik-balik ako.

Nakakapagod, oo, pero ayos na rin. Ito pala ang ibig sabihin ng pagpayag. Ito pala ang ibig sabihin ng oo. Kung naguguluhan pa rin kayo, ito na iyon. Kapag sinabi nyang dalhin ko ang mga papeles na ito sa ikalimang palapag ng bagong gusali kahit galing ako sa una, gagawin ko, dahil wala akong karapatang humindi. 

Ngunit sa likod ng lahat ng pagod at pawis na ginugugol ko para sa oo-ng hindi ko naman binigay ng diretso, kapalit niyon ay mga nakapangliliit na tingin na para bang wala kang ginagawang maganda; katahimikan, na para bang nagkasala ka sa ilalim ng buwan; iilang bulyaw kapag walang nakatingin at walang nakikinig kundi ang iyong mga tenga dahil sumobra ng dalawang kopya iyong pina-photocopy mo.

At wala kang magagawa kundi tumungo, dahil nga, um-oo ka.

Na parang hindi ko naman naaalala.

Kagaya ng nabanggit, pikit-mata ko na lang na sinunod ang lahat. Minsan ay gusto na ring sumuko ng buwan. Masakit daw, ang magtrabaho ng ganito. Wala raw mapapala, ang magpagod ng ganito. Bumuka man raw ang langit at sumuka ng milyon-milyong tala at isang libo pang buwan na kapalit ay dito pa rin ang hahantungan; sa mga mapaniil na bisig ng mundo na gustung-gustong sakupin at ubusin lahat ng natitira.

Ten copies, Mendoza? Nakikinig ka ba?

S-sir sabi nyo naman po kanina sampu lang -

The Devil Who Danced At MidnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon