HWPS 6

3K 7 0
                                    


"BISITA"
ni Juan Miguel Severo

Ngumiti ka. Sige, ngiti pa.
Ibigay mo sa kanya ang ngiti ng isang taong buo.
Ng isang taong puno. Tandaan mo:
Sanay ka nang wala siya.
Kaya sige, ngitian mo siya.
'Wag mong pansinin ang mga lubid na nagbubuhol- buhol sa sikmura mo.
Hindi ka dapat bumigay sa gulat nang makita siyang muli. Matatag ka na.
Hindi kana mayayanig nito.
Hindi ka dapat mayanig nito.

Bakit hindi mo siya alukin ng mauupuan?
Bakit hindi mo siya ipagtimpla ng kape?
At huwag mong ipapahalata na kabisado mo pa ang timpla niya; na ayaw niya ng gatas,
At ang asukal dapat dalawang kutsarita .
At habang hinahalo mo ito,
'Wag mong bibilangin ang dami ng beses na ginawa mo ito at marami pang bagay para sa kanya.
Para sa kanya.
Hindi ito ang oras para maging mahina.

Susubukan niyang kausapin ka.
Pakinggan mo. Ipagpapaliban ang libo-libong tanong na nakapila sa isipan mo.
Matatag ka na, hindi ba?
Kapag ngumiti siya,
Ibaling mo ang tingin mo sa iba.
Ibaling mo ang tingin mo sa iba.
Tumingin ka sa kisame. Sa sahig. Sa mga linya sa mukha niyang wala naman dati roon.

'Wag mong sasabihin na noon,
Noong mawala siya, ilang beses kang naging haliging asin dahil sa iyong paglingon.
Na may galos ka pa rin sa 'yong mga kamay
Hanggang ngayon kasusubok na hilahin siya pabalik .
Na ang kanyang halik ay bumisita pa rin paminsan minsan sa 'yong panaginip.

Tatanungin niya kung kamusta ka na.
Sabihin mo,"mabuti ako."
'Wag mong sasabihin na "Ito, gumuguho na naman ako nang dahil sa pagbabalik mo."
Na "mas kilala ko pa rin kung sino ako sa tabi mo.

"Ako ay isang lihim na tanging ikaw lang ang may alam.
At ano'ng silbi ng sikretong nalimutan?"

'Wag kang madudurog sa harap niya.
Pero ngitian mo siya.
Kumapit ka sa kaslukuyan hanggat may makakapitan ka pa.
Ngitian mo siya.
At kapag nagpaalam na siya,
'Wag mong ibagsak ang pinto.
Marahan mo itong isara.
At sana matagpuan mong malinis ang silid.
At kung anu mang bahagi mo ang napilas at nabaklas, sana tinangay na niya.
Siya naman ang magdala.

"Habang Wala Pa Sila"Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon