Isang linggo na ang nakakaraan nang mangyare ang suntukan nina Lordjimms at Mat. Marami na namang nagbago sa paligid, lalo na sa mga kilos ni Mat. Pagkatapos ng araw na 'yon, kagaya ng hindi ko inaasahan, hindi na nagreklamo pa si Tita para kay Lordjimms. Nakapagtataka dahil hindi naman ganyan si Tita kapag galit. Sa totoo nga lang, nagmana sa kanya si Lordjimms. Pareho nilang pinaglalaban ang sa tingin nila ay tama.
Kapag nadadapo ang tingin ko kay Mat nang hindi sinasadya, may parte sa akin na hindi ko na naman maintindihan. Parang kailan lang no'ng una ko siyang nahuling nakatitig sa'kin. Pero ngayon, kahit isang sulyap man lang o kahit isang sorry man lang sa mga ginawa o mga paliwanag niya man lang sa lahat ng nangyare, kahit ni isang dada ay wala. Ano ba ang dapat na maging reaksyon ko? 'Di ba dapat maging masaya na lang ako dahil bumabalik na nang paunti-unti ang lahat kagaya no'ng wala pa siya?
At isa pa, katabi ko na naman ng upuan si Lordjimms. Si Ma'am Ramos ang nagdesisyon nito. Samantalang si Mat naman, parang mas naging magaan ang pakiramdam niya simula nang malipat siya sa tabi ng grupo ni Raul. Palagi silang magkakasama sa lunch, sa uwian, at minsan kapag hindi pumapasok ang ilang guro namin, nagka-cutting classes sila. Okay lang naman siguro 'yon, pero sa palagay ko, kung si Ma'am Ramos ang tatanunging, malaking HINDI ang isasagot niya.
Ngayong araw na 'to, wala kaming ibang ginawa kundi ang magpraktis ng sweet dance para sa P.E. Day. Absent ang ka-partner ko na si Trisha kaya mag-isa akong sumasayaw na parang tanga.
"Hoy, De Vera, ayusin mo naman ang galaw mo! Parati na lang tayong umuulit dahil sa'yo!" sigaw ni Grace, ang kaklase kong lider-lideran sa mukhang tangang sayaw na 'to.
"Sorry na, o!" sabi ko na lang habang natatawa, dahil sa totoo lang, bagot na bagot na 'ko sa lahat ng 'to. Wala naman akong hilig sa pagsayaw. Hindi naman parehong kaliwa ang paa ko pero sadyang ayaw ko lang.
Nakita kong tinarayan ako ni Grace kaya mas lalong natawa ako kahit matatalim na titig na ang pinupukol nila sa'kin. Katabi ko si Lordjimms kaya narinig ko kung ano ang sinabi niya. "Pare, ayusin mo na lang para matapos na," bulong niya.
"Sige," sabi ko na lang sabay tango kay Grace para magsimula na ulit.
Nang matapos ang isang kanta, ayon sina Grace, muling nakatitig sa'kin. Mabilis niya 'kong nilapitan kasabay ng mukhang parang pikon na pikon na sa mga pinaggagawa ko. Kasalanan ko ba kung hindi ako marunong sumayaw?
"Putcha naman, De Vera! Ano bang gusto mong gawin namin para tumino ka? Ang dali-dali na nga lang ng step, hindi mo pa magawa!"
Bahagya akong napaatras dahil sa sigaw niya sa mukha ko. Hindi ako nakapagsalita. Tinanguan ko lang si Lordjimms, at eksakto, si Mat ang natanguan ko. Nasa'n na ba si Lordjimms?
Nakita kong mabilis na iniwas ni Mat ang titig niya sa'kin sabay balik sa pakikipag-usap kay Gwen.
At nang ibalik ko ang titig ko kay Grace, bigla na lamang akong nagulat. Nasa harap ko na ngayon si Divine, at namumula ang mukha niya.
Napatingin ako kay Grace na ngayon ay binubulungan ni Lordjimms ng kung ano. Sa titig pa lang ng mga kaklase ko, alam ko na ang iniisip nila. Mga walang hiya, mali ang mga iniisip niyo!
"Muling ibalik ang tamis ng pag-ibig.... Muling pagbigyan ang pusong nagmamahal..." Narinig ko pa ang kanta ni Lordjimms sa'min habang bumabalik siya sa pwesto nila ng ka-partner niya. Tangna talaga! Parang ang sarap sapakin ni Lordjimms habang sumasayaw siya at nanggigil akong dagdagan ang papagaling niya ng sugat sa mukha.
Nagsimula na ang tugtog. Wala kaming choice ni Divine kundi ang maghawak ng kamay. Tinitigan ko siya sa mata kaya agad niyang iniwas ang kanyang mata. At habang gumagalaw ang mga paa namin, ramdam ko sa kanyang kamay ang kabang kanina niya pang pinipigilan. Nginitian ko siya, pero ngiting alanganin lang ang ginawad niya sa'kin. Kung may kakayahan lang sana akong alisin ang nararamdaman niya sa'kin, siguro nagawa ko na.
BINABASA MO ANG
Loving Him (Bisexual Lovestory)
Teen FictionLalake siya. Alam niya 'yon. Pero dahil sa isang pangyayareng hindi niya inaasahan, nagbago ang nalalaman niya sa kanyang sarili. "Ang Pag-ibig ay hindi pinipilit, kusa itong nararamdaman. At kapag nangyare na, wala ka nang kawala. Mali man o tama,"