Kumain akong mag-isa ngayong lunch dahil sa mga nangyare kanina sa practice. Galit ako kay Lordjimms, ayaw na 'kong makita ni Divine, at sa aksidenteng nakita kong halikan nina Gwen at Mat. Kung ano man ang pesteng nararamdaman ko ngayon dahil sa mga pangyayare kanina, alam kong dadalhin ko 'to hanggang sa pagtulog.
Sampung minuto na lang, magsisimula na naman ang practice namin. Makikita ko na naman si Lordjimms, si Mat, at lalong-lalo na si Divine. Hindi ko alam kung kaya ko pa bang humawak sa kamay niya sa harap ng mga kaklase namin pagkatapos ng mga nangyare kanina. Ang kapal naman ng mukha ko kung pagkatapos ng lahat, magpapakita pa 'ko sa kanya. Kaya imbes na tahakin ko ang landas patungong gate ng paaralan namin, lumiko na lang ako sa isang kanto, at pinuntahan ang nag-iisang lugar kapag may malalim akong iniisip.
Walang katao-tao sa park ngayon. Agad akong umupo at gamit ang aking pwersa, malakas kong dinuyan ang aking sarili. Kapag ganitong nag-iisa ako dito sa park, parati kong iniisip ang mga nangyayare sa paligid ko. Lahat ng problema, sama ng loob sa tao, at mga taong nagawan ko ng mali ay dito 'ko pinaglilinayan ang lahat. Mula pa lang kasi pagkabata, ang park na ang naging kakampi ko sa lahat ng bagay. Kahit hindi naman ako nito nakakausap o nayayakap man lang, palagay ko nakakabawas ng problema at sama sa damdamin ang presensya ng lugar na 'to. Sino ba ang aayaw sa lugar na malinis, walang masyadong maririnig na ingay ng sasakyan, at sariwa ang hangin? Kung ako nga ang tatanungin, mas gugustuhin ko pa ang lugar na 'to kesa sa bahay namin.
Biglang nag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa. Agad kong binasa ang text. At ang walang hiyang Lordjimms ay hinahanap ako.
Lordjimms: 091789.....
Pre, san k? Wlang kpartner c Divine...
Re-reply-an ko na sana. Kaso naisip ko, ayaw ko muna siyang makausap ngayon. At isa pa, mahabang kwento ang nangyareng pag-uusap namin ni Divine kanina. Hindi ko alam kung pa'no ko iki-kwento sa kanya ang lahat na nangyare, at ang isipin na siya ang may pakana kung pa'no kami naging magka-partner sa sayaw ni Divine ay ang pinakanakaka-badtrip sa lahat. Kung pwede lang sanang ipa-salvage si Lordjimms ay kanina ko pa sana ginawa. Kaso siya 'yan, e. Ganyan talaga siya. At kahit ilang beses pa kaming mag-away, wala pa ring magbabago sa ugali niya.
Napabuntong-hininga ako habang malakas akong dinuduyan ng sarili kong pwersa. Pa'no nga ba kami naging ganito ni Divine?
Nagsimula lang naman 'yon no'ng 2nd year High School kami. Malapit nang magbakasyon, at ilang araw na lang, hindi na naman kami magkikita-kita ng mga kaklase ko.
Hapon no'n. Lahat ng mga kaklase ko ay walang magawa kundi ang mag-tsismisan, manood ng movie kung sino ang may dalang laptop, at kami naman nina Raul ay nag-uusap-usap tungkol sa mga kaklase kong babae – Kung sino ang maganda, matalino, at bukod kay Erica at Gwen, sino na ang nakama. Tawang-tawa kami nang magbigay si Joel ng pangalan. Hanggang sa ang mga napag-usapan naming nakakatawa ay napunta sa personalan na usapan.
"Ikaw, Ran. Nagka-shota ka na ba?" tanong sa'kin ni Raul. Bigla akong napahinto sa kakatawa. Hindi ako nakasagot agad. Nang mga sandaling iyon, natanong ko rin ang sarili ko. Bakit nga ba hindi pa ako nagkakashota? Gwapo naman ako kung ikukumpara sa mga kaklase kong lalake. Kaya kung may magugustuhan man akong babae, alam kong hindi ako mababasted.
"'Wag mong sabihing natatakot kang manligaw?"
Napatingin ako sa tanong ni Lordjimms. Agad ko siyang sinuntok sa braso dahil sa sinabi niya. Nagtawanan sina Raul dahil do'n.
"Hindi naman sa natatakot. Hindi ko lang kasi alam kung pa'no," sabi ko.
Biglang natawa si Raul sa sinabi ko. "Hindi ka marunong? Paturo ka kaya sa kakambal mo?" sabi niya habang natatawa. Nainis ako sa sinabi niya. Alam ko naman na biruan lang naman ang usapang ito pero sa tingin ko, sobra na siya.
"Ang sabihin mo, sa lalake ka na nagkakagusto," gatong naman ni Joel sa usapan habang tinatapik-tapik niya ang balikat ko. Tumawa sila, at wala na rin akong nagawa kundi ang tumawa na rin. Sa loob-loob ko, parang ang sasarap nilang suntukin sa sikmura at gitilan sa leeg.
"Teka, teka, teka," sabat naman ni Lordjimms. "Wag mong sabihing ako ang gusto mo?" Mahinang bulong ni Lordjimms sa tenga ko. Pero ang mga hinayupak, dinig na dinig ang sinabi niya kaya mas lalong umingay ang tawanan nila.
Tinawanan ko na lang ang sinabi niya at muling nagsalita. "'Wow, ha! Sino kaya sa atin ang umiyak no'ng-" Biglang tinapalan ng kamay ni Lordjimms ang bibig ko kaya hindi ko na natapos ang sasabihin ko. Totoo naman kasi. Sa aming dalawa ni Lordjimms, siya ang umiyak no'ng nagpatuli kami sa barangay hall. At habang pilit kong inaalis ang kamay niya sa bibig ko, saka naman biglang pumasok ang pinakamagandang babaeng nakita ko sa buong buhay ko.
Napatigil ako sa pag-alis ng kamay niya sa bibig ko. Natulala ako sa kanya, kay Divine. At sa hindi ko malamang dahilan, nginitian niya ako. Kahit pa nga natatakpan ng kamay ni Lordjimms ang bibig ko, alam ko sa sarili ko na nakangiti na rin ako. Nang malaman nila kung sino ang tinitignan ko, saka pa lang inalis ni Lordjimms ang kamay niya sa aking bibig. Natigil rin ang tawanan, ang ingay, at ng mga sandaling iyon, parang may dumaan na anghel. Hindi naming magawang magsalita, o tumawa man lang. Kahit nga si Raul ay parang natameme sa nakikita niya. Sino ba ang hindi? Sino ba ang hindi magagandahan kay Divine?
"Pinamimigay pala ni Sir Orea," sabi ni Divine habang kami naman nina Raul ay hindi pa rin makapagsalita.
Kahit ni isa sa mga kaklase ko ay walang pumansin sa kanya. Napakamot siya sa ulo, at parang hindi siya mapakali. "Uhm, sige po mga Kuya. Iwan ko na lang po 'to sa inyo. Salamat,"
Pagkasabi niya no'n, saka kami nakapagsalita nina Lordjimms. At ang masasabi ko lang, isa siyang... anghel na nahulog sa mundong ibabaw. Tandang-tanda ko pa kung pa'no namin siya sundan ng tingin habang naglalakad siya nang mag-isa sa corridor. Kulang na lang nga, maglaway kami sa kakatingin sa kanya.
Kinuha ko ang papel na nilagay niya sa mesa ng upuan ni Raul. Muntikan pang mapunit dahil sa biglaang pag-agaw ni Lordjimms sa kamay ko.
"Divine A. Constantino. II – Mars" basa ko sa nakasulat sa papel. Bigla akong inakbayan ni Lordjimms. Pati sina Raul ay nakatingin na rin sa tinitignan ko.
"'Yan na ang pagkakataon mo..." sambit ni Lordjimms habang nakaakbay pa rin sa'kin. Bigla akong napatingin sa kanya. Ano ba ang ibig sabihin niya sa sinabi niya? Wala naman akong kailangang patunayan.
At sa isang akbay lang sa'kin ni Raul, lahat ng tanong ko sa sinabi ni Lordjimms ay may kasagutan na.
"Para patunayan sa'min na tunay ka nga talagang lalake," Napatingin ako kay Raul at nang kumindat siya, alam ko na kagad kung ano ang pinupunto niya.
Nang sumunod ang mga araw, hindi pumayag sina Lordjimms na wala akong ginagawa para makilala si Divine. Bakasyon na. Pero araw-araw pa rin kaming bumabalik sa paaralan para matapos na namin ang clearance.
"Ang hina-hina mo naman dumiskarte. Kung ako sa'yo, kanina ko pa 'yan pinormahan. Balita ko single 'yan, kaya panigurado, solong-solo mo siya," sabi sa'kin ni Lordjimms habang nakapila kami sa library. Mahaba ang pila, pero gayumpaman, kitang-kita pa rin namin si Divine mula unahan.
Siniko ko si Lordjimms. "Madali pala sa'yo, edi ikaw na lng," sabi ko sabay blik ng tingin ky Divine na busy sa pagtulong kay Ma'am Boncodin.
"Gamitin mo nga ulo mo. 'Di ba gusto mo siya?" Tumango na lang ako. "E di gawin mo ang lahat para mapansin ka niya. Sige ka. Malay mo, sa iba pa siya mapunta,"
Sabagay, nang mga panahong 'yon, parang ang tingin ko kay Divine ay parang isang bagay na bago, maganda, nasa kanya na ang lahat, at walang katulad. Sa madaling salita, nagustuhan ko siya. Gusto ko siya dahil maganda siya. Walang ibang rason at sa tingin ko, 'yon ang pag-ibig na tinatawag nila.
Napakamot na lang ako ng ulo sa sinabi ni Lordjimms. Tama siya. Ang hina ko nga talagang dumiskarte sa babae. Ni hindi ko man lang siya mgawang kausapin o kahit magpapansin man lang. Hindi ko man aminin sa sarili ko, pero isa nga talaga akong torpe. Ang torpeng pinaka torpe sa lahat. Kaya minsan, ang mga gago kong kaibigan, napagkakamalan akong alanganin. Tangna na lang nila.
"O, sige. Bukas. Asahan niyong ipapakilala ko na siya sa inyo," sabi ko sa gitna ng pagtingin namin ni Lordjimms kay Divine. Biglang hinawakan ng gagong Lordjimms ang balikat ko na parang may sinabi ako hindi kapanipaniwala.
" Talaga? Bilang girlfriend?!"
Muli akong tumingin sa unahan. "Hindi. Bilang kaibigan muna,"
BINABASA MO ANG
Loving Him (Bisexual Lovestory)
Teen FictionLalake siya. Alam niya 'yon. Pero dahil sa isang pangyayareng hindi niya inaasahan, nagbago ang nalalaman niya sa kanyang sarili. "Ang Pag-ibig ay hindi pinipilit, kusa itong nararamdaman. At kapag nangyare na, wala ka nang kawala. Mali man o tama,"