6. unseen

2.3K 54 8
                                    


Isang mapayapa't bagong araw ang iyong pinagmamasdan sa labas ng tagpi-tagping dampang inyong tinutuluyan mag-iina, kung saan nakikitaan mo ang langit na unti-unting napipintahan ng gintong sinag at dumadampi sa berdeng dahon ng mga matatayog na punong-kahoy. Sa pagkakataong iyon ay nagsimula na ring humina ang musikang gawa ng mga insekto at napalitan ng bagong himig ng mga ibon na ikinagagalak mong pakinggan.

Nag-unat-unat ka muna ng braso at binti saka tinungo ang kalapit na ilog upang makapaghilamos at makapagsalok ng tubig sa dala mong lumang kaserola. Pagbalik mo'y agad kang nagpaningas ng panggatong na kahoy gamit ang mga tuyong dahon at posporo upang ika'y makapagpainit ng tubig. At habang hinihintay ang pagkulo nito'y sinimulan mong buklatin ang isang lumang klasikong libro mula sa tuping parte nito.

Napangiti ka't napatingala saka muling sinariwa ang ilang masasayang alaala noong normal pa ang takbo ng buhay niyong kaanak. Mga simpleng pagkakataong kay bilis naglaho't inagaw sa'yo ng sapilitan at walang pakundangan.

Apat na taon na ang nakakalipas sa iyong sapantaha mula ng ika'y mabuhay sa isang masamang bangungot habang gising na ni minsa'y di inarok ng iyong murang kaisipan.

Tandang-tanda mo pa rin kung papaanong nasawi ang ilan sa iyong kaibigan at kamag-anak sa naganap na ingkwentro ng mga rebelde't sundalo sa inyong bayan.

Pakiramdam mo ng mga oras na iyon ay masasawi ka na rin ngunit isang may mabuting kaloobang estranghero ang tumulong sa'yo at inilikas kayo sa lugar.

"Magandang umaga anak."

Sa ginawang pagbati ng iyong ina'y napabalik ka sa wisyo at pinilit mong sumukli ng ngiti sa kanya, kahit sa loob-loob mo'y kabaligtaran.

"Magandang umaga rin po nay. Kumusta na po si Jun-jun?" tugon mo.

"Maayos na siya, bumaba na ang kanyang lagnat."

Napapikit ka't saka pabulong na sinabi, "Salamat sa Diyos."

"Nakatulong ang gamot na binili mo sa bayan. Pero anak..." Napahawak ang iyong ina sa 'yong braso't kitang-kita mo ang nangingilid niyang luha. Hinawakan mo ang kamay ng ina't tumugon nang may kasiguraduhan, "Huwag po kayong mag-alala, nag-iingat po ako."

Hindi man sapat ay bahagyang napawi mo ang lungkot sa mukha ng ina at nakangiti na siyang nakatitig sa'yo.

"Lagi kong pinagdarasal na patnubayan ka palagi ng Panginoon," malumanay na saad ng iyong ina kasabay ng pagkulong niya sa'yo sa kanyang bisig.

Sa sitwasyong iyon ay ramdam mo ang init ng kanyang yakap sa gitna ng malamig na umaga. Nasabi mo sa sarili na lahat ay kaya niyong lagpasan at tiisin basta't buo ang inyong pamilya kahit pa sadyang malupit ang tadhana.

Sa pagkulo ng tubig sa lumang kaldero'y sinalok mo ang isang baso't ipinasa sa iyong ina. Kumuha ka ulit ng isa pang baso't isinalok muli sa kaldero. At gaya ng dati'y pinagtimpla ka ng iyong ina ng kape.

Ang natirang tubig ay ginamit mo upang makapagluto ng instant noodles na siyang magiging almusal niyong kaanak. Sakto naman ang pagbangon ng iyong nakakabatang kapatid at yumakap sa iyong likuran.

"Kumusta ang amung kamanghuran, nawala na ba ang imung sakit?" tanong mo.

Napatango't ngumiti lang siya habang hinihimas mo ang magulo niyang buhok. Nagsimula kang magsalin ng nalutong noodles sa baso't hinipan upang lumamig. Gamit ang kutsarang ginamit sa pagtimpla ng kape ay maingat mong sinubuan ng noodles ang kapatid na todo ang ngiti sa labi.

"Magandang umaga... pinapatawag ka ni lider."

Napalingon ka sa narinig at agad napatayo. Binigyan mo ng diretsong tingin ang lalakeng nagsalita na may nakasukbit na M16 rifle sa balikat.

VividTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon