• ────── ✾ ────── •
K A L A Y A A N
{ Cleid x Edith }
• ────── ✾ ────── •
'Yun ang rason ko upang patuloy na mabuhay.
Ayun—'yung babaeng nagbubutingting ng makina ng submarine, langis sa kanyang pisngi, ang bibig ay nakanguso sa konsentrasyon. Napakaraming kinuha sa'kin ng digmaan. Ang daming nawala. Si Yohan at Martyn—pati na ang pagiging knight ko. Dumating sa puntong ninais ko nang mamatay. Ngunit dahil sa babaeng 'to...
"Gusto mo bang maging mekaniko?" tanong niya noon, ngiti na kasing liwanag ng araw. "Kailangan kasi ng Aeolus ng bagong mekaniko at ako ang magsasanay sa'yo!"
Nagkaroon uli ako ng rason para gustuhing magpatuloy.
Ngumiti ako sa likod ng aking mask habang papasok sa kwebang kadikit ng Aeolus bitbit ang plastik ng aming tanghalian. Dala-dala ang manok na pritong gustong gusto niya. Kumikislap ang tubigan at nagdadala ng anino ng alon sa bawat sulok. Bigla na lamang siyang nag-angat ng ulo, sumisinghot na tila naamoy ang pagkain.
"Cleid!" masaya niyang bati.
Kumaway ako. Bumaba siya sa metal na hagdan ng submarine at umapak sa daungan. "Tanghalian na pala. Hindi ko napansin. Hehe!"
Umupo kami sa isang natutuping mesa at nilapag ko doon ang plastik na aking dala. Ngumiti ako nang mapagmalaki habang nilalabas ang isang karton ng manok at kanin, isang karton ng sopas, dalawang bote ng juice at isang maliit na bote ng gatas na lasang saging.
"Waaaa! May banana milk na ulit sa food court!" niyakap niya ang boteng iyon at kulang na lang ay mag-hugis puso ang kanyang mga mata.
Nagsulat ako sa white board ko. "Utang mo yan"
"Hah? Ah eh...Libre mo na ako, Cleid."
"Ang mahal kaya nyan!!!"
Nagkamot siya ng pisngi at lalong kumalat ang langis dito. "Wala akong pera ngayon eh." Kumunot ang noo ko. "...Pinambili ko ng bestida sa Vena."
"Bakit ka bibili nun?"
Pero hindi niya na ako pinansin dahil binuksan niya na ang karton ng pagkain niya at nilantakan na ito. Umiling na lang ako, binaba ang mask sa ilalim ng aking panga at ginaya na siya. Sige, tutal malakas ka naman sa'kin, kakalimutan ko na lang lahat ng utang mo. Hayy.
"Mmh. Ang sarap talaga ng manok," dinilaan niya ang mga daliri. Grabe talaga 'to, hindi na nga naghugas ng kamay oh. "Cleid, salamat talaga ah. Ako ang senior mo pero lagi mo akong inaalagaan."
Umiling ako at ngumiti, sinasabing 'Wala iyon' sa itsura ko. Kuha naman niya ito. Isa iyon sa gusto ko sa relasyon namin bilang magkatrabaho at magkaibigan—naiintindihan niya ang nais kong sabihin sa simpleng tingin, kunot ng noo, iling, nguso at ngiti. Akala ko noon, nang putulin nila ang dila ko, sira na ang buhay ko dahil wala na akong mga salita.
BINABASA MO ANG
Paraisla iii: Kalayaan
General Fiction𝓒𝓸𝓶𝓹𝓵𝓮𝓽𝓮𝓭 | Book #3.5 of Paraisla Trilogy. "Tanggal na ang mga gapos, bukas na ang mga mata. Handa na ang aking mga labi. Palayain mo na." Ito na ang dulo at simula ng panibagong kabanata. Special Content and Last Novelette ng Paraisla. - G...