Twinkle, Twinkle
Redwithenvy © 2013
xx-
First year high school nang una ko siyang makilala pero third year high school na no’ng naging malapit kami sa isa’t-isa. Nakalimutan ko na kung paano kami naging sobrang close to the point na naging best friend ko siya. Cliché as it may sound, but I fell in love with him. Siguro gano’n na nga talaga kapag ang mag-best friends, eh, opposite sex.
Hindi ko alam kung papaanong nahulog ang loob ko sa kanya o kung paanong nangyari na sa tuwing magtatama ang mga paningin namin, bumibilis ang pintig ng puso ko at nakakarinig ako ng nag-aawitang mga anghel sa paligid. Ang alam ko lang ay kung kailan ko ito unang naramdaman, o sabihin na nating bumulaga sa mukha ko.
Junior-Senior promenade.
Boring na boring ako sa nagaganap sa loob ng venue kung hindi lang dahil sa buong barkada namin na present nang gabing iyon. Picture-picture, kantiyawan at asaran dahil sa mga pormal na mga bestida at makakakapal na make up ng mga kababaihan at pormal na amerikana o ayon sa kanila ay pamburol na ng mga kalalakihan. Kahit hindi ko gusto ang mga gano’ng klase ng party, tiis-tiis na lang dahil huling bira na para sa pinakamasayang parte ng kabataan mo.
He was my first dance. It was the very first time that we are that close in terms of physical contact. Nakapatong ang mga kamay ko sa malalapad niyang balikat at nakapaikot sa aking baywang ang kanyang mga braso. Mabagal ang aming mga paggalaw sa saliw ng mabagal at romantikong tugtugin na pumapainlalang sa bulwagan.
Nakalimutan kong sabihin, hindi nga pala um-attend ng JS prom ang girlfriend niya.
Habang sumasayaw kami, ayaw tumimo sa isip ko ang mga pinag-uusapan namin. Sobrang conscious ako sa magkadikit na mga katawan namin at sa kuryenteng dumadaloy sa buong katawan ko na hindi ko matanto kung saan nagmumula. Masarap sa pakiramdam pero kinabahan ako. Pamilyar ako sa ganitong pakiramdam na palagi kong nababasa sa mga paborito kong babasahin.
Pakatapos ng sayaw, umakto ako na parang walang kakaibang nangyari sa loob ko. In-enjoy ko ang gabi para mawala sa isip ko ang emosyong biglang pumitik sa loob ng pagkatao ko. Ang laki ng nagbago alam ko.
Nang lumalim pa ang gabi ay naupo na lamang ako noon sa isang tabi para ipahinga ang mga paa ko na nangalay dahil sa mataas na taking ng sapatos ko. Sumunod siya sa akin doon at hindi na ako nagulat nang gawin niyang unan ang mga hita ko. Nakaidlip siya habang magaan kong hinahaplos ang ulo niya. Napatingin ako sa kalangitan na noon ay punong-puno ng mga bituin.
Naisip ko noon, humiling kaya ako sa kanila?
Hinanap ko ang bituing palaging nakahiwalay sa ibang bituin at umusal ng isang hiling na halos dumurog sa puso ko.
Ayoko. Ayoko nitong nararamdaman ko. Please, alisin Mo ito.
Mabigat ang pakiramdam ko nang matapos ang gabing iyon.
Naging parusa ang mga sumunod na araw para sa akin. Araw-araw ko siyang nakikita, nakakausap, nakakabiruan at nakakaharutan pero alam ko kung saan ang hangganan. May kasintahan siya at best friend lang ako. Isa ako sa mga saksi kung gaano niya kamahal ang babaeng iyon. Sa akin nga siya unang-una tumatakbo kapag nagkakatampuhan sila eh.
Kahit gaano ko ito itaboy, hindi ko pa rin napigilan ang tuluyang pagkahulog ng loob ko sa kanya. Ipinagtapat ko ito sa pinakpinagkakatiwalaan naming kaibigan at natawa lang siya kasabay ng pag-iling.
BINABASA MO ANG
Twinkle, Twinkle (One Shot)
Teen FictionSo yeah, I am in love with my best friend and I don't quite like it.