CHAPTER 1
Naranasan mo na bang managinip sa loob ng panaginip mo? Ako isang beses naranasan ko. Mahirap kasi yung tipong akala mo nagising ka na yun pala nananaginip ka pa rin. Sabi nga nila delikado daw yung bagay na yun kasi maaaring hindi ka na magising mula sa pagkakatulog. Swerte na kung swerte ang tawag dun pero nagising ako mula sa pagkakahimbing. Sa aking pagdilat ay nahirapan akong huminga, para akong pinagkaitan ng hangin. Halos tumalon ang puso ko sa sobrang kaba at nanghina ang aking katawan. Pilit kong inalala ang lahat ng nasa panaginip ko. Di’ba sa’yong pagmulat dun mo na lang malalaman na imposibleng mangyari ang karamihan sa mga panaginip mo . . . dun mo mapagtatanto ang katotohanan.
Paano mo nga naman makakausap ng masinsinan ang isang aso na sa talambuhay niya ay walang ginawa kundi ang tumahol?
Paano ka nga naman papasa sa sinusumpa mong subject sa school samantalang wala ka man lang ginawa kundi ang makipag-dota sa buong kapitbahay? Samahan mo pa ng mga barkada mong sumisigaw ng first blood sa tuwing nauunang makapatay sa nasabing laro. Sa panaginip mo ikaw ang laging panalo pero sa totoong buhay hindi ka naman talaga marunong maglaro.
Papaano ka nga naman magkakaroon ng mamahaling gamit, magagarang sasakyan at matatayog na bahay at lupa samantalang kapit ka pa rin sa nanlulumong bulsa ng mga magulang mo?
At higit sa lahat . . . Paano ka nga naman mamahalin ng taong pinakamamahal at pinakainaasam mo samantalang may minamahal na siyang iba?
Ouch! Naka-relate ka no?
Buti nga at mapalad tayo sapagkat may tinatawag pa na panaginip. Lugar kung saan libre ang lahat . . . lugar kung saan tinatanggap ang salitang katangahan . . . lugar kung saan ang iba ay nakararanas maging isang totoong tao- nangangarap at nagmamahal.
Minsan manghihinayang ka na lang kung bakit ka pa nagising. Ninanais mo na makulong na lang sa mga pangyayaring inaasam-asam nang buhay mo- na tanging ang panaginip lang ang makapagbibigay sa’yo.
Sa panaginip walang imposible, lahat ng bagay na hindi mo nagagawa sa totoong buhay kaya mo. Dito kaya mong ipaglaban ang mga bagay na alam mong para sa’yo.
Takte! Nasobrahan na ako sa ka-emo-han ko. Naalala ko kailangan ko pa palang pumasok sa paaralan. Lagi na kasi akong nahuhuli dahil sa kakamuni-muni nang mga bagay na nakikita ko sa panaginip ko. Dali-dali akong tumayo at naghanda na sa pagpasok, gustuhin ko mang dagdagan ang kabanata ng kwento sa aking panaginip hindi ko na magagawa.
Hinantay ko ng matapos sa pagligo ang aking kapatid, paraan ko na rin iyon para ihanda ang katawan ko sa malamig na tubig sa aming palikuran. Naaalala ko pa nung bata ako, pinag-iinit pa ko ng tubig para lang maging maligamgam yung ipangliligo ko. Syempre ngayong medyo nagtanda ka na hindi mo na yun magagawa, alam mo kasing aksaya lang yun sa gasolina.
Hindi ko nga alam kung bakit ayaw na ayaw kong maging pang-umaga sa pagpasok, para kasing hadlang sa masarap na pagtulog. Na-e-elib nga ako sa mga taong kinakayang magising ng maaga.
Natapos na ding maligo ang kapatid ko kaya ako na ang susunod. Pagpasok ko sa palikuran una kong kinakapa ang tubig, tinatansya ko kung kakayanin ng aking katawan. Kapag malamig mag-aantay pa ko ng 5 minutes bago ko ibuhos ang unang salok ng tubig sa aking buhok. Kapag nadama na nang aking katawan ang malamig na tubig hindi ko maiwasan ang hindi tumalon sabay sambit nang “whoooh”.
Ang mahalimuyak na pandesal na sa amoy pa lang ay nagdudulot ng pagkirot sa’yong sikmura. Ang katakam-takam na mantikilya na matutunaw sa’yong bibig at dahilan upang maglaway ang nanunuyot mong lalamunan. Ang mainit na kape na inaasam-asam ng iyong kalamnam dahil sa nilalamig mong katawan na dulot ng nagyeyelong tubig sa inyong palikuran.
BINABASA MO ANG
The Artifact: Untouched (Complete)
Mystery / ThrillerPaano kung makulong ka sa isang Artifact at ang tanging paraan lang upang makalabas ay ang pumaslang? Handa ka bang isugal ang iyong buhay para sa kapakanan ng iba? Sino ang mas matimbang. . . kadugo, kaibigan o ang iyong sarili? Si Kelvin ay isang...