C-2

18 0 0
                                    

Sa basement ng Gym, ang aking tambayan. Kapag sarado ang Gym at walang ingay na maririnig, ibig sabihin nasa loob ako at nagpapahinga. Alam iyon ng lahat ng estudyante kaya hindi sila pumapasok sa teritoryo ko ng walang paalam. Kung meron mang taong pwedeng pumasok dun sa oras na nandun ako, si Nicola lang at wala ng iba.

Si Nicola ang secret kong kaibigan na babae. Siya ang student council, class president at muse na pambato ng Forest High. Hindi alam ng marami na kaibigan ko siya at tago ang aming pagkikita. Halos hindi rin kami masyadong nag-uusap lalo na kung nasa klase kaya minsan dito kami sa basement ng Gym nagkikita.

Marahil hindi makakapaniwala ang karamihan na kaibigan ko si Nicola. Para kaming White Key at Black key sa piano. Siya yung white key ako naman yung Black key ang common denominator lang, isang component ng piano ang black key kaya hindi ako pwedeng mawala. Ganun din ang pagkakaibigan namin ni Nicola, kahit ganito ako, kailangan niya ako.

Paano ba nag-umpisa ang lahat?

Sa totoo lang, sobrang bait lang talaga ni Nicola. Unang pasok ko sa classroom, problema agad ang nagawa ko. Late lang naman ako ng two hours kaya napatambay ako agad sa detention. Unang araw ng klase, deretso agad sa detention.

Kilala na si Nicola bilang student council at muse kaya isa siya sa mga popular students. Nung una, hindi naman niya ako pinapansin. Kapag sinisingil niya ako ng bayad para sa tardiness o kaya naman kapag nangongolekta siya ng mga notebooks, dun niya lang ako kinakausap.

Nang ilang linggo, tuwing pauwi na ako, minsan napansin kong sinusundan niya ako habang naglalakad ako.

“Uhm, Wesley!” tawag niya sakin na siya namang nilingon ko. “Ito nga pala ang assignment sa math. Napansin ko kasi na late ka kanina sa subject. Ito oh kopyahin mo na lang. Okay lang kung hindi mo na ibalik, naxerox ko na yan. Sige, mauna na ako!”

Ikinagulat ko ang mabait na pakikitungo niya sa akin. Hindi siya sa akin natatakot, samantalang lahat ng kaklase naming babae, hindi man lang ako iniimik. Pero kinabukasan sa school, hindi niya ako inaaproach ng katulad ng ginawa niya nung uwian.

Sumunod na uwian, sa eksaktong lugar, nandun na naman siya at inaabangan ako.

“Wesley!” tawag niya sa akin. “Ito yung assignment sa English.”

Sumunod na uwian.

“Wesley, ito yung assignment sa Physics.”

Sumunod na uwian.

“Wesley, ito yung assignment sa Economics.”

Sumunod.

“Wesley, ito yung project sa Mapeh.”

Hanggang naging sa araw-araw na niya iyong ginagawa na akala ko may gusto siya sa akin dahil sobrang bait niya tapos hindi niya naman ako kinakausap sa school.

Nung nagsweldo siya sa paluwagan niya, nilibre niya ako ng ice cream. Nung malaki naman ang nakotong ko, nilibre ko siya ng waffle. Hanggang sa naging sobrang close na kami at para ko na siyang kapatid. May araw na sabay kami kung umuwi at minsan dumadaan pa kami sa mall. Minsan naglalaro pa kami sa arcade o kaya nagbi-videoke sa may kanto.

Ngayon lang ako nagkaroon ng kaibigang babae at nakaramdam ng may taong nagmamalasakit sa akin. Sa sobrang pag-aalala ni Nicola sa akin, minsan ginagawan niya na ako ng assignment at ginagawan niya na rin ako ng project.

“Nicola, bakit ang bait mo sa akin? May gusto ka ba sa akin?” joke ko.

Natawa lang siya bigla. Hindi siya yung tipong magrereact ng oa na parang ‘Ang-kapal-mo-gwapo-ka-feeling-mo-naman’ na litanya. Isang malakas na tawa lang.

RenegadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon