Malakas ang pakiramdam ko na merong nagtitik-tik sa akin. May dalawa sa likod ko na naramdaman ko ng naglalakad na ako mag-isa. May dalawa sa kaliwa at kanan ko na sinusundan ako sa magkabilang eskinita at habang pabilis ang lakad ko, ramdam ko ang pagrami ng mga lalaking sumusunod sa akin hanggang sa nahagip ng mata ko ang isang lalaking may dalang baseball bat na nakatalikod at nasa unahan ko. May isang eskinita na pinasukan ko at humaripas na ako ng takbo, saka lang sila nagpahalata at hinabol na rin ako. Naghabulan kami ng naghabulan at pasikot sikot sa kung saan-saang eskinita. Hindi ko mabilang kung ilan sila, hindi ko rin alam kung bakit nila ako hinahabol.

Pero kung sa palagay ko, sino bang sinasagasaan ko nung nakaraang araw, ang Hercules na mangogotong lang naman. Siguro ako ang natiktikan nila at dahil inabiso ko kay Howard na magpakalayo-layo, malamang wala na sila sa lugar na yun. Ano namang mangyayari? Tuturuan din ako ng leksiyon dahil sa pagsagasa ko sa kanya. Paulit-ulit at paikot-ikot lang ang mangyayari.

Nang makorner ako sa isang eskinita na pader ang nasa dulo, saka ko lang sila naaninag ng konti pero hindi ko mamukhaan dahil sa dilim. Lima sila katao at isa sa kanila ang may hawak na baseball bat.

Haaayyy! Kailangan ko na naman ng salonpas!

Insert Background Music: Container Park by Chemical Brothers

Sa pagkakakorner ni Wesley at napalibutan siya ng limang lalaki, kailangang lumaban para makaiwas sa pambubogbog. Kahit lima laban sa isa ang laban, hindi natakot si Wesley at ginawa ang lahat ng makakaya niya para makasurvive. Suntok dito, sipa doon, habang pinapaulanan din siya ng sipa at suntok mula sa kalaban. Nang mapuruhan si Wesley, napahiga siya sa kalye habang sinisipa ng limang kalalakihan.

At some point, pakiramdam ko, sa kalye na yun ako mawawalan ng buhay. Naisip ko na ang mangyayari sa araw ng libing ko. Malamang humagulgol si Nicola sa lamay ko at magiging apektado siya sa mangyayari dahil siya ang kasama ko sa huling gabi at huling uwian ko mula sa school. Malamang pagsisihan din ni Franco at isipin niya na sana sinamahan ko na lang si Wesley imbes na tumambay ako sa harap ng bahay ni Doc. Siguro hindi pa rin yun iintindihin ng pamilya ko at iisipin ni Mama na hindi ko magagawa ang makipag-away dahil hindi palaaway ang anak niyang lalaki o kaya wala na talaga silang pakialam. Siguro naka half mast ang bandila sa school, nakatelevise ang lamay ko, at puro papuri ang mga sasabihin ng mga kaibigan ko tungkol sa akin. Siguro may public viewing din at gagawing holiday ang araw ng pagkamatay ko. Siguro puno rin ng tao ang edsa habang pinaparada ang labi ko papunta sa sementeryo at every year i-se-celebrate ang death anniversary ko at after 10 years gagawaran ako ng national artist, ilalagay ang mukha ko sa Peso bill at magtatayo ng rebulto sa Luneta.

Wala na akong ibang makita kundi pula dahil sa pag-agos ng dugo mula sa ulo ko. Nakahiga pa rin ako sa kalsada habang pinagsisipa ako ng mga lalaki at ang isa pinupokpok ako ng baseball bat. Hinihintay ko na lang na kusang pumikit ang mata ko pero hindi, kitang-kita ko pa rin sila. Tumigil ang lahat habang itinaas ng isang lalaki ang damit niya at kinuha ang nakasukbit na balisong sa kanyang pantalon. Kuminang ang balisong at kitang-kita ko ang tulis nito.

Nakangiti lang ako sa kanila, handa na akong mamatay kahit pa pagsisisihan ko toh habang buhay dahil hindi ko man lang nakilala ng lubusan ang crush ko na si Naomi pero hindi natuloy ang pagsaksak sa akin.

“TTaaaaaaaaaaAAAeeeEEEEEEEEEEEEE!!!” Sigaw ng lalaking may hawak na balisong nasuka ang apat sa baho ng tae na naging shower nila.

Hindi ko na alam kung anong nangyari, dahil pumikit na ang mga mata ko.

Naisip ko na ang lahat ng plano ko kung mamamatay man ako pero naimulat ko pa rin ang mga mata ko kinaumagahan. Hindi naman ulap ang nakikita ko kundi kisame na gawa sa plywood at siguradong hindi pa ako patay dahil hindi demonyo ang nakita ko kundi si Miguelito na nakaupo sa tabi ng kama na hinigaan ko.

RenegadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon