Nabitin ako sa almusal sa bahay at habang naglalakad papunta sa school, kumaliwa ako at pumunta sa bahay ni Miguelito. Binuksan ko ang gate na gawa sa bakal dahil mababa lang ito at abot ko naman yun, pagpasok ko, nakita ako agad ni Miguelito na naka-pajama at may bula ng toothpaste sa gilid ng kanyang bibig at blangko na naman ang tingin sa akin habang nakatayo ako sa tapat niya. Kagigising lang siguro at hindi pa masyadong nahihimasmasan. Habang naka-upo siya sa hagdan sa may balkonahe ng kanilang bungalow na bahay. Mukha siyang kaawa-awa habang sa kanya tumatalsik ang mga tuyong dahon na winawalis ng kanyang lola sa kanilang hardin.

“Good morning!” bati ko sa kanya at nakatanga pa rin siya sa akin. “Good morning Lola!” bati ko sa nagwawalis na Lola.

Tumigil sa pagwawalis si Lola at tumingin sa akin.

“Patay na si Artemio. Dalawang buwan siya sa ospital. May tumor siya sa utak. Sabi ng doctor wala ng pag-asa. Nasa langit na ang kaluluwa niya.”

“Ah, talaga?” nagkunyari na lang ako. “Hindi ko po alam Lola, nakikiramay po ako.”

Sabay tinalikuran ako at umalis.

“Tapos na kayo mag-almusal?” tanong ko sa nakatangang si Miguelito.

Lumunok muna siya ng kanyang laway bago nagsalita. “Bossing Wesley, ikaw ba talaga yan at hindi ba ako nananaginip?”

“Anong meron sa almusal?” tanong ko ulit sa kanya.

“Uhm, hotdog. Halika, pumasok ka sa loob.”

Bago pa man siya tumayo, biglang dumating ulit si Lola na biglang binuhos ang laman ng arenola sa mukha ni Miguelito. Nawala rin ang bula ng toothpaste sa gilid ng bibig niya at umalis na ulit si Lola na akala mo nagtapon lang ng ihi niya sa inodoro.

Nakahain ang pagkain sa hapagkainan at ako lang ang kumakain dahil pinapatuyo ni Aling Mercy ang buhok ni Miguelito gamit ang blower. Kagagaling niya lang maligo dahil sa pagbuhos sa kanya ng ihi ni Lola.

“Sabi ko naman sayo, wag kang lalapit kay Nana.” Sabi ni Aling Mercy, ang ina ni Miguelito. “Wesley, pagpasensyahan mo na ang biyenan ko ah kasi medyo dala na rin ng katandaan kaya parang nagi-isip bata na. Simula ng mamatay ang tatay ni Miguelito, ang asawa ko…” pinatay niya ang blower at umupo sa hapagkainan. “Naging ganyan na siya at lagi niyang sinasabi na patay na si Artemio at tumor ang ikinamatay dahil yun ang tumatak sa isip niya nung namatay ang kanyang nag-iisang anak na lalaki.”

Tiningnan ko si Lola na naka-upo sa rocking chair at parang inaantok.

“Ikinalungkot niya ang pagkamatay ng asawa ko. Araw-araw siyang nasa sementeryo at araw-araw din siyang umiiyak. Bunso kasi niya si Artemio at nag-iisang lalaki at dahil itinaboy na siya ng iba niyang anak na babae dahil wala siyang inisip kundi si Artemio, ako na lang ang nag-aruga sa kanya at itinuring niya si Miguelito na parang si Artemio.”

Tahimik na kumakain si Miguelito habang nagto-toothpick na ako.

“Apat na taon pa lang si Miguelito ng mamatay si Artemio kaya hindi niya na masyadong naalala ang tatay niya pero kahit ganun, lagi ko sa kanyang kinekwento kung anong klaseng tao ang tatay niya.”

Kung ibabase sa unang tingin kay aling Mercy, mukha na siyang matanda dahil sa mga wrinkles sa kanyang mata at sa pekas sa kanyang mukha pero kung tititigan siya ng maigi, mukha pa pala siyang bata. Siguro mga nasa 40’s pa lang siya.

“Nakilala ko si Artemio sa perya, artista ako sa isang maliit na teatro taga bigay naman siya ng tiket sa ferris wheel.”

“Nanay, ano ba yung mga inaakting mo nun?” biglang tanong ni Miguelito.

RenegadeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon