Chapter 5

70 3 1
                                    

Chapter 5

ISANG GABI naging bisita ni Carina si Raffy sa kanilang tahanan. Nagulat pa siya nang makita ang binata sa sala. Hindi niya inaasahan na bibisitahin siya nito sa kanila.

“O, pa’no, Hija, maiwan ko na kayo dito ni Raffy,” nakangiting sabi sa kanya ng kanyang ina. Ngumiti siya habang tumatango. “Bien parecido!” bulong na komento ng ginang paglapit sa kanya. Nakangiti habang makahulugan ang tingin nito sa kanya. Good looking, ang ibig sabihin nito. Nakagat niya ang ilalim na labi habang nahihiyang nakangiti sa ina. Ngayon lamang may bumisita sa kanyang lalaki. Matagal na nga siyang tinatanong ng kanyang Mama kung wala pa raw bang nanliligaw sa kanya. Natutuwa naman siya dahil nagustuhan ng kanyang ina ang binata.

Binalingan naman ng ginang si Raffy. “Hijo, tikman mo ‘yang meryendang hinanda ko. Ako ang gumawa n’yan. Just feel at home, okay!” magiliw nitong sabi sa binata.

“Yes, Tita. Thank you! I’m sure masarap po ito,” hindi pa man natitikman ay puri na ni Raffy  sa ginang. Humahanga siya sa ina ni Carina dahil kita naman sa hitsura nito na ibang lahi ito ngunit kung magsalita ng Tagalog ay mas mahusay at matatas pa sa ilang Pilipino na kilala niya na hirap na hirap sa pagsasalita ng sariling wika. Kahit na halos dito naman lumaki ang mga ito.

Binigyan siya nito ng matamis na ngiti pagkaraan ay tumalikod na ito sa kanila patungo sa kusina.

“Maupo ka,” sabi ni Carina.

“Salamat.”

Magkaharap silang naupo. Napatingin si Carina sa mga bulaklak na nasa center table. Mabilis na kinuha iyon ni Raffy at inabot sa kanya. “Red roses for you,” matamis ang ngiting sambit nito.

“S-salamat,” hindi inaalis ang ngiting sabi niya. Kinuha niya ang mga bulaklak pagkaraan ay inilapit sa ilong upang amuyin. Nasamyo niya ang mabangong amoy ng mga rosas. Pagkaraan ay tinapunan niya ng tingin ang binata.

“Bakit ka nga pala naparito?” tanong niya.

“Kailangan pa bang itanong iyon?” balik-tanong nito sa kanya.

Oo, nga naman. Kailangan pa nga bang itanong. Naisip niyang non-sense ang tanong niya. Obvious naman na nandito ang binata upang manligaw.

“Gusto kong dito sa inyo kita ligawan, hindi sa kalye. Saka, gusto ko rin makilala ang pamilya mo at gan’un din sila sa akin. Para maipakita ko sa’yo at sa pamilya mo na malinis ang hangarin ko sa’yo,” tapat na pahayag ni Raffy.

Nakita ni Carina sa mga mata ng binata ang sensiridad sa mga ipinahayag nito. Nakaramdam siya ng kaligayahan. May kislap ang mga mata niya habang nakangiti sa binata.

“Carina, can you be my girl?” seryoso nitong sabi habang hindi inaalis ang mga mata sa kanya.

Napaawang ang kanyang mga labi at napigil ang kanyang paghinga sa narinig. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya malaman ang kanyang itutugon kung kaya ilang sandali siyang natahimik.

“O-okay lang naman na hindi mo muna sagutin ‘yun kung hindi ka pa handa. Kaya kong maghin—“

“Y-yes!” putol niya sa mga sasabihin pa nito. Nakangiti siya ngunit nangingilid ang kanyang mga luha sa labis na kaligayahan. Tumatango pa siya sa binata.

Bumakas ang kaligayahan sa gwapong mukha ng binata. “Talaga?” hindi makapaniwalang sambit ni Raffy. Walang mapagsidlan ang labis na kasiyahang nadarama niya nang mga oras na iyon. Tumatawang nayakap niya nang mahigpit ang dalaga.

Nahawa na rin si Carina sa pagtawa nito at napayakap din siya sa binata. Isiniksik ang mukha sa dibdib nito. Nang i-angat nito ang kanyang mukha ay dinampian siya nito nang marahang halik sa labi. May kakaibang sensasyon siyang naramdaman nang maglapat ang kanilang mga labi. Ngayon lamang niya naranasan na mahalikan ng isang lalaki. Tila kay sarap nang kanyang unang halik. Hindi niya namalayan na tinutugon na niya ang halik nito. Ngunit nagbalik ang kanyang katinuan at naitulak niya ang binata.

I'm Nerdy, Miss Tacos!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon