Chapter 11

44 2 0
                                    

Chapter 11

“CARINA, okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Raffy nang humarang ito sa daraanan niya.

Pormal na tingin lamang ang pinukol niya sa binata pagkaraan ay umiwas at dumiretso na siya sa paglalakad. Biglang hinawakan nito ang kaliwang braso niya. Tila nawala sa isipan nito na may sugat ang bahaging iyon.

“Ouch!” nakakunot ang noong napalakas na sabi niya. Napatingin siya sa kamay nitong nakahawak sa braso niyang may sugat.

Nabigla si Raffy at nabitawan rin nito ang kanyang braso. “I’m sorry!”

Matiim siyang tumingin dito. “Hindi ba, sinabi ko na sa’yong huwag mo na akong lalapitan,” madiing sabi niya.

“Hindi ko magagawa iyon dahil…” binitin nito ang sasabihin.

“Dahil ano?” dugtong na tanong niya.

“Dahil—kapag ginawa ko iyon ay para na rin akong nagpakamatay. Hindi ko magagawang layuan ka dahil mahal kita,” madamdaming pahayag nito. Nangingislap ang mga mata nito. Nagpapaunawa.

May humaplos sa puso niya sa sinabi nito ngunit natatalo pa rin ito ng sakit na nararamdaman niya sa ginawa nito. Naghihirap ang kaloobang napatiim bagang siya. Matalim ang matang tumingin sa binata. Pagkatapos ay binigyan niya ito ng isang malakas na sampal.

Nabigla at nasapo nito ang sariling pisngi. May kirot na bumakas sa mukha ng binata habang nakatitig sa kanya.

“Huwag na huwag mo uling sasabihin ‘yan kung ayaw mong masampal muli,” banta niya dito. Nagpakawala siya ng mahinang buntong-hininga. “Tama na, Raffy. Please, tigilan mo na ako!” pakiusap niya.

“No, I can’t. Kahit paulit-ulit mo akong sampalin hindi pa rin ako magsasawang sabihin sa’yo ang nararamdaman ko. Mahal kita dahil iyon ang totoo at iyon ang sinisigaw ng puso ko,” matatag at sinserong pahayag ni Raffy.

Napapikit siya at napatungo dahil hindi niya kayang salubungin ang mga titig nito. Baka mabasa pa ng binata na mahal pa rin niya ito. Ngunit pinipigil niya ang sarili dahil takot na siyang muling masaktan at muling paglaruan.

Buti na lamang ay lumapit si Mina at nakahinga siya ng maluwag. “Carina, tara na,” aya nito. “Raffy, tigilan mo na ang kaibigan ko,” madiing sabi nito sa binata. Matalim ang tingin nitong ipinukol sa kausap.

Tumingin siya sa kaibigan. Kinuha ang kanyang backbag na dala nito at tumalikod na sa binata. Hindi na niya muling nilingon ang binata. Magkasabay sila ni Mina na lumabas ng gymnasium.

PAGKAUWI sa kanila, sa harap ng hapunan ay sinabi niya sa kanyang mga magulang  ang mga nangyari nang araw na iyon. Ayaw niyang mabigla ang mga ito kapag ipinatawag ng dean at malamang expelled na siya.

Kinabukasan nga ay hindi na siya pumasok. Ngunit magkasamang nagtungo ang kanyang mga magulang sa university para kausapin ang dean na si Mrs. Cunanan.

Nakahiga siya sa kama at nakatitig sa kisame nang pumasok sa kanyang kwarto ang mommy niya. Nakangiti ito habang lumalapit sa kanya. Nang mapansin ito ay umupo siya at sumandal sa headboard.

“Kadarating n’yo lang po?” tipid ang ngiting tanong niya.

“Yup,” nakangiting tugon nito. Umupo ito sa tabi niya.

Humalik siya sa pisngi nito. Pinagmasdan niya ang ina. Napakaganda pa rin nito kahit na kwarenta na ang edad nito. Nakasuot ito ng blouse at floral skirt na hindi lalagpas sa tuhod. Bagay na bagay dito ang suot dahil balingkinitan pa rin naman ang katawan nito kahit apat na silang anak nito. Dito niya namana ang natural na kulay ng buhok at pagkamestisa. Pati ang malalantik na pilikmata ay dito niya rin nakuha. Kung pagtatabihin sila ay mukha lang silang magkapatid. Napagkakamalan pa nga minsan na mas matanda siya dito dahil sa klase ng kanyang pananamit. Sabagay siya rin naman ang may gusto noon. Tinuturuan siya nitong ayusin ang sarili ngunit palagi siyang tumatanggi.  Hindi na siya nito pinipilit dahil nirerespeto nito ang kanyang kagustuhan. Pero kung muling isa-suggest nito na baguhin niya ang sariling imahe ay hindi na siya magdadalawang-isip. Magpapaturo na siya kung paano babaguhin ang sarili dahil gusto niya ipakita sa lahat na hindi siya isang basura na pwedeng nilang alipustahin at paglaruan.

I'm Nerdy, Miss Tacos!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon