Chapter 9: Battle Royale

1.5K 64 4
                                    

Chapter 9 - Battle Royale

Pinaupo ako ni Kat sa kama, matapos akong muntik mahimatay nang ako'y nagulat sa kanyang paghawak sa aking balikat. Kinukusot ko ang aking mata. Hindi makapaniwalang nangyayari ang lahat ng ito. Ako ba talaga si Hestia? At nandito ba talaga ako sa panahong ito? Totoo ba ang Greek myth na ito?

"Anong nangyari, milady?", tanong sa akin ni Kat. "Nagising ako na parang may kinakausap ka."

Tumango ako. "Tama. May kausap ako. Si Oracle." Tumingin ako sa paligid. Nagaalalang may nakikinig sa amin. Pero tulog ang lahat at madilim.

"Oracle?", halos magsara ang mga mata ni Kat.

"Ang Oracle ng Mount Olympus. Sabi niya na nakakulong siya sa time plane at hindi siya makaalis. Ginagamit ng Oracle dito ang katawan ng Oracle sa panahon natin.", napalunok ako. Parang puro Oracle ang sinabi ko.

"Hindi ko maintindihan."

Pagkasabi niya noon ay ipinaliwanag ko sa kanya ang lahat.

Matagal siyang nakatitig sa kawalan bago nagsalitang muli. "Kung ganun, si Lucresha...? Maaaring alam niya ang tungkol sa atin! Baka kung ano ang gawin niya."

Napalunok ako. "Babantayan natin siya. Sigurado akong may mangyayari bukas. May malaking event at alam kong hindi ito matatapos na event lamang."

"Ano po ang ibig sabihin niyo, milady?"

"Hindi ko alam. Basta maging mapagmatyag tayo. Kung may akma mang gagawin sa atin si Lucresha ay unahan na natin siya. Pwede mo siyang i-knock out kung gusto mo. Sa ngayon, wag tayo masyadong mangialam para wala na tayong mabago pa sa oras."

"Ngunit, ngunit, milady. Paano natin maibabalik sa dati ang lahat kung hindi tayo mangingialam."

"Tama ka. Sa ngayon hindi ko pa talaga alam. Pasensya na."

Nagdesisyon din kaming matulog. Kahit pa gaano kami ginagambala ng mga kaganapan ay hindi na kaya ng aming katawan. Ilang minuto pa ay naghihilik na ako.

Ang gumising sa akin ay ingay ng nilalagareng aluminum. Madilis ang aking pagdilat, pati na rin ang aking pagbangon. Ano ba iyon? Ang sakit sa tenga. Napansin ko na gising na rin ang karamihan, ang kakaiba lang ay lahat sila ay nakatakip ang tenga. Anong — at doon ko napagtanto, walang nilalagareng aluminum. Kumakanta na naman si Lucresha sa gitna ng kwarto. Ito ang wake up call niya? Sigurado naman akong magigising ang lahat.

Tumingin ako kay Kat at nakitang may mga bulak sa kanyang tenga ngunit tila wala pa rin itong epekto dahil kumukunot pa rin ang kanyang mukha sa naririnig niya.

Bumirit si Lucresha at parang prinito ang utak ko. Napalunok ako. Tapos na yata. Lahat kami ay napatingin sa kanya. Umubo ito at tila proud na proud sa nagawa niya.

"Bumangon na kayo, mga bruha! O kakanta ulit ako."

Parang lumindol sa loob ng kwarto dahil agad agad na kumilos ang lahat ng mga maids. Naghalu-halo ang tunog ng pagbaba sa kama hanggang sa mga mabibilis na yabag hanggang sa mga bulong na sana wag na siyang kumanta. At siyempre sumama kami ni Kat sa kanila.

Sabay kaming naghilamos at habang kinukuskos ko ang mukha ko ng tubig para mawala ang trauma ng nangyari ay naririnig namin na nagsasalita si Lucresha. Isa siya sa may pakana ng mga nangyayari at hindi ko mapigilang isipin na sugurin siya.

"Madali kayo! Darating na ang mga guests sa loob ng dalawang oras. Gusto kong tumungo kayo sa mga posisyon ninyo! Ang mga sa kusina, dumiretso sa kusina, ang mga magaayos ng throne room para sa auction ay doon pumunta? Intendes?"

Nagsama ang pagtango at pagsagot. Hindi na ako maliligo. Ayoko makisabay sa mga maids na nakapila, nagkakamot ng ulo, napapaisip na baka kung anong gawin sa kanila ni Lucresha kung sakaling mahuli sila sa oras.

Teenage Greek gods: Age of Titans Book IVTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon