KABANATA 04
Kanina pa naghihintay si Mari sa kanyang mga kaibigan. Ilang minuto na rin siguro ang nakalilipas mula nang maglabasan ang kanyang kaibigan sa sasakyan at nagtungo ang mga ito sa naturang convenience store.
Tila wala sa sariling nakatingin sa labas ng sasakyan si Mari habang tinititigan ang bawat taong dadaan at saka lang ito mapapapitlag kapag hindi na niya tanaw ang taong sinusundan niya ng tingin. Tila ito na rin siguro ang pampapawi niya sa kanyang pagkabagot marahil naiinip na siya kahihintay sa mga kaibigan.
Ilang sandali pa, habang nakatingin si Mari sa kawalan, biglang nahagip ng kanyang mga mata ang isang pamilyar na bracelet. Mariin niya itong tiningnan at saka ibinaling ang tingin sa taong nagmamay-ari nito, ngunit hindi niya ito masyadong maaninag dahil nakasuot ito ng kalo na kulay itim na sadya namang nakatakip sa mukha ng lalaki. Saktong nakatalikod pa ito. Nanliit ang mga mata ni Mari at pilit na tinititigan ang lalaking 'yon.
Dahil sa gusto niyang makita ang nagmamay-ari ng bracelet na iyon, lumabas siya ng sasakyan. Kahit isang saglit hindi niya inalis ang kanyang tingin sa lalaki sa kadahilanang baka mawala ito sa kanyang tingin at hindi na niya ito makita.
Nang tuluyan na nga siyang makalabas ng sasakyan, gano'n na lang ang kanyang pagmamadali nang hindi na niya masyadong maaninag ang taong iyon. Ang kanyang mga paglakad ay nagsisimula nang maging pagtakbo. Marami kasing tao sa paligid. Nagkakasiksikan. Nagkakabanggaan.
Medyo nakalayo na siya sa kung saan nakagarahe ang sasakyan ni Aiken. Doon lang napagtanto ni Mari na may nagaganap na piyesta sa lugar dahil sa karatulang nakasabit sa itaas. Marami ring palamuti ang nakasabit sa paligid, idagdag mo pa ang mga vendors na nagbebenta ng mga maliliit na puon ng santo, mga laruan para sa mga bata at iba't ibang klase ng souvenir.
Hindi niya ito masyadong napansin kanina dahil balisa siya at blangko ang kanyang utak. Medyo napaawang pa ang kanyang labi dahil sa pagkamangha.
Habang patuloy sa paglalakad, nawala na nga ng tuluyan ang lalaking kanina pa niya sinusundan. Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga dahil sa frustration.
Hindi sumuko si Mari. Napalinga-linga siya sa paligid. Gusto niyang makilala ang lalaking 'yon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niyang muli ito.
"Sandali lang!" sigaw niya saka binilisan ang paglalakad, hindi na rin siya makatakbo dahil masyadong maliit ang espasyo para doon, baka makabangga pa siya. Napalilibutan na ng sandamakmak na tao na namimili sa paligid.
"Aray! Ano ba 'yan miss! Hindi ka nag-iingat!" angal ng babaeng nakabangga ni Mari. Tinapunan naman niya ito ng tingin saka humingi ng paumanhin dito. Tinarayan naman siya ng babaeng mukhang ka-edad niya lang din.
Pagkatingin niya sa lugar kung saan niya huling nakita ang lalaki, wala na ito. Napahinto ang dalaga. Nagpakawala na lang si Mari ng isang malalim na buntong-hininga sabay bahagyang taas nito sa kanyang mga balikat. Sa haba ng nilakad at tinakbo niya para maabutan ang lalaking nagmamay-ari ng bracelet na iyon, hindi niya pa rin ito naabutan.
Gustong-gusto niyang makilala at makausap ang taong nagmamay-ari ng bracelet na 'yon dahil ang kaisa-isang tao na alam niyang nagmamay-ari no'n ay ang nobyo niyang si Jake.
"Posible kayang buhay pa si Jake?" tanong niya sa kanyang sarili at saka tumingin siya sa kawalan. Inalala niyang mabuti ang hitsura ng bracelet.
Bigla siyang kinabahan nang makumpirma niya ito. Sigurado siyang si Jake lang ang nagmamay-ari ng bracelet na 'yon. Hindi siya puwedeng magkamali dahil siya mismo ang nagbigay no'n sa binata!
BINABASA MO ANG
Baryo Santa Josefa
HorrorHindi inaasahan ng limang magkakaibigan na mapapadpad sila sa baryo Santa Josefa, bagama't hindi nila inaakala na sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay sa halos walang katapusang kalsada ay maaaksidente sila. Ano kaya ang kanilang kahihinatnan sa l...