KABANATA 11
Nagtungo na nga sila sa kusina, gutom na gutom na kasi sila. Kunwari pa kanina na nahihiya ngunit kung lumaplap ng pagkain parang tigreng hindi nakakain ng ilang araw. Dapat nga magpasalamat sila kay Kiko, kung hindi dahil dito hindi siguro maiibsan ang kinilang labis na pagkagutom.
"Karne po ba ito ng baboy? Ang presko ha, parang kakakatay lang tapos ang sarap pa ng pagkakaluto. Napakain tuloy ako ng marami," mahaba-habang salaysay ni Kiko sabay higop ng mainit-init na sabaw. "Sino po ba ang nagluto? Ikaw po ba, Lola Isming?" muling tanong nito at saka nginitian ang matandang nakikinig sa mga kuwento ni Kiko, hindi kasi nagsasalita ang iba pa niyang kasama sapagkat abalang-abala ito sa pagkain. Sanay naman sila sa kaibigang si Kiko marahil dati pa ay ganito na talaga ito—madaldal.
"Si Berto ang nagluto niyan," sagot ni Lola Isming sabay pakawala ng isang matamis na ngiti.
"Ah, gano'n po ba? Ang sarap niyang magluto!" aniya "Nga pala, saan na po si Berto? Bakit hindi siya sumabay sa amin kumain?" tanong ni Kiko at saka napalinga-linga sa paligid na animo'y may hinahanap. Napakurap-kurap siya at saka pinahiran ang gilid ng kanyang bibig na may kanin.
"Andiyan lang 'yon sa tabi-tabi, huwag niyo nang alahanin 'yon kumain na naman 'yon kanina pa, sabay kami," sagot nito at saka tiningnan ang mga kabataan. Napakunot ang noo ng matanda nang may mapansin siya. "Teka, bakit may mga galos kayo? Naaksidente ba kayo?" tanong nito sa kanila. Ngayon lang ito napansin ng matanda, kung sabagay nauunawaan naman ito ni Kiko, bagkus alam niya na ang matatanda ay malabo ang paningin.
"Opo," tipid na sagot ni Kiko.
"Mabuti naman at hindi kayo nagkapilay, hayaan niyo at may gamot ako roon sa sa loob ng kuwarto ko." Nagpakawala si Kiko ng isang matamis na ngiti nang marinig ang sinabi ni Lola Isming. Nakatamo pa rin naman sila ng pilay ngunit hindi naman ganoon kalala, masuwerte pa rin sila kasi hindi sila nakatamo ng malawakang pinsala sa kanilang katawan, maliban na nga lang sa kaibigan nilang si Alu na hanggang ngayon hindi pa rin nagigising—may sugat pa ito sa ulo na tantiya nila'y 'yon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay nakalumpisay pa rin ang katawan ni Alu sa isang katre at walang kamalay-malay.
Kung tutuusin, marami na ngang naitulong si Lola Isming sa kanilang magbabarkada. Hindi alam ni Kiko kung paano nila susuklian ang matanda na tumulong sa kanila sa kalagitnaan ng unos na kanilang nararanasan. Sobra-sobra na ang tulong na ibinibigay nito sa kanila.
Kahit na nagmumukha nang tanga si Kiko sa kakaaliw sa matanda hindi pa rin nagsasalita ang mga kasama niya, para bang mga istatwa na gugustuhin mo na lang 'wag gumalaw at magsalita. Nakakainis kung minsan, buti na lang at mahaba-haba ang pasensya ni Kiko.
Mga ilang minuto rin silang namalagi sa kusina para kumain, nangangalay na rin ang panga ni Kiko kakasalita at kakasubo ng pagkain. Sa tanang buhay niya kasi, ngayon lang siya nakatikim ng gano'n kasarap na pagkain, kaya naparami ang kain niya. Hindi niya alam pero parang may kakaibang lasa ang kinakain nila, na parang gugustuhin mo na lang sumubo nang sumubo.
Matapos ligpitin ang mga tirang pagkain at mga sandata sa pagkain, nagpresenta si Kiko na siya na umano ang maghuhugas ng pinggan kasama si Kianey. Kahit na alam niyang hindi ito papayag, wala namang ibang choice si Kianey kundi sumang-ayon na lamang. At sa hindi kalauna'y sumagot na nga ang dalaga sa pamamagitan ng pagtango na sinamahan pa ng isang pilit na ngiti.
Nang umalis na nga sila Mari, Aiken, at si Lola Isming sa kusina ay agad na siniko ni Kianey si Kiko.
"Nang-iinis ka ba? Ha!?" Napaaray naman si Kiko. Nagkakasalubong ang kilay ng babae at tila umuusok ang ilong nito dahil sa galit.
Namilog ang mga mata ni Kiko at saka gumuhit ang kalungkutan sa labi nito. "Bakit? Gusto lang naman kitang makasama eh," pagdadahilan niya. "Eh ako ba, gusto mo ba akong makasama?" tanong ni Kiko sa isang malumanay na boses na tila ba nanghihingi ng awa mula sa kaibigan.
Nabuntong-hininga si Kianey at saka mariing tiningnan ang binata. "Hindi!" malakas na bulalas nito sabay batok kay Kiko. Bigla namang nalungkot si Kiko, kitang-kita ito sa kanyang ekspresyon, tanaw na tanaw ito sa kanyang mata at ramdam na ramdam ito ni Kianey.
"Sige na, nagbibiro lang naman ako e. Alam ko naman na ayaw mo sa akin, puwede ka nang umalis, ako na rito, magpahinga ka na. Sorry ha..." yumuko ang binata sabay talikod para simulan na ang paghuhugas nito ng pinggan.
Walang-imik namang umalis si Kianey, hindi ito makapagsalita matapos ang sinabi ni Kiko. Hindi alam ng dalaga kung bakit biglang nanikip ang kanyang puso na tila ba kinurot-kurot. Oo, naiinis siya kay Kiko ngunit alam niyang may damdamin ito at alam niyang nasasaktan din ito.
"Sorry..." bulong ni Kianey sa kanyang sarili ngunit sinigurado niyang maririnig ito ni Kiko.
Naiwan ngang naghuhugas ng pinggan si Kiko, nag-igib pa siya sa balon na naroroon sa labas, hindi naman sa ayaw niyang maghugas ngunit para bang nalungkot siya bigla. Parang nararamdaman niyang walang nagmamahal sa kanya.
Matapos maghugas si Kiko sa kanilang pinagkainan ay agad siyang nagtungo sa sala para matulog, nadatnan niyang tulog na ang kanyang iba pang kasama, inaantok na rin siya. Pero bago siya matulog ay nagbihis muna siya, binigyan siya ng damit ni Berto kanina, halos magkapareho naman sila ng katawan ng binita kung kaya't saktong-sakto sa kanya ang damit nito matapos niyang suotin. At tuluyan na ngang inilapag ni Kiko ang kanyang sarili sa higaan na may nakahalukipkip na banig at sinamahan pa ng kumot. Ilang sandali pa'y tuluyan na ngang naglumpisay ang katawan ni Kiko.
HINDI pa man tuluyang lumalabas ang araw, biglang nagising si Kiko sa kanyang pagtulog. Tila ba naalipungatan siya. Biglang bumilis ang pagtibok ng kayang puso at naglabasan ang kanyang pawis na tumatagaktak. Sinuri niya ang paligid, kumpleto naman ang kanyang mga kaibigan. Nakakarinig siya ng mga kaluskos kaya napakunot ang noo niya. Pinakinggan niya itong mabuti, parang nanggaling ito sa kuwarto ni Lola Isming.
Sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang tumayo at nagtungo sa kuwarto ni Lola Isming. Wala ang matanda. Nang iginala niya ang kanyang mata sa paligid, wala rin si Berto.
"Bilisan mo." May narinig siyang boses, hindi niya matukoy kung kanino iyon ngunit pinakinggan niyang mabuti at nakipagparamdam siya sa paligid. Ilang sandali pa'y may narinig ulit siya, hindi boses kundi kaluskos. Kaluskos ng mga paang nakalapat sa lupa, nakaririnig pa siya ng mga lagutok ng dahong tila naaapakan ng paa.
Dahil sa kurysidad, lumabas si Kiko mula sa kubo. Nang makalabas siya'y medyo mangitngit ang paligid ngunit sakto lang ang natitirang ilaw para maaninag ang taong nagmamay-ari ng boses na iyon. Biglang kumalabog ang kanyang dibdib na para bang may nagkakarerang kabayo sa loob. Nanlaki ang kanyang mga mata at napalunok siya nang makaulang ulit.
Hindi siya puwedeng magkamali, kilala niya kung sino 'yon, ngunit bakit sa ganitong oras ay lumalabas siya ng kubo? Anong pakay niya? Anong gagawin niya? Maraming naglalarong tanong sa isipan ni Kiko, ngunit gaya nga ng karamihan wala silang makalap na sagot. Kailangan niya pang sisirin ang pinakailaliman ng dagat para makita ang kanyang ninanais na sagot.
Patuloy na sinusundan ni Kiko ang taong iyon, hindi siya nagpahalata sa kanyang sinusundan, naging maingat siya sa bawat paghakbang dahil alam niyang sa isang pagkakamali ay maaaring hindi na niya malalaman ang kasagutan sa kanyang mga tanong.
"Bilis!"
"Sandali lang," rinig na utas ni Kiko mula sa taong kanyang sinusundan, tumuloy ito sa isang kubo. Hindi alam ni Kiko kung anong ginagawa nito rito ngunit may masama siyang kutob. May hindi magandang mangyayari kung kaya't muling bumilis ang tibok ng kanyang puso, patuloy na tumatagaktak ang kanyang pawis na nanggagaling sa kanyang noo patungo sa gilid ng kanyang mukha.
"Psst..."
Agad na tumalikod si Kiko nang marinig niya ang sitsit na iyon na nanggagaling sa likod niya, kasabay no'n ang pagtama ng isang matigas na bagay sa kanyang ulo dahilan para matumba siya at mawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
Baryo Santa Josefa
HorrorHindi inaasahan ng limang magkakaibigan na mapapadpad sila sa baryo Santa Josefa, bagama't hindi nila inaakala na sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay sa halos walang katapusang kalsada ay maaaksidente sila. Ano kaya ang kanilang kahihinatnan sa l...