Kabanata 22

4.5K 94 4
                                    

KABANATA 22

Habang patuloy na humahakbang ang mga paa nila Mari at Aiken sa madamo at madilim na daan at pawang magkahawak ang kanilang mga kamay ay biglang napahinto si Aiken, naisip bigla ng binata na tama bang isama niya si Mari sa misyon niya? Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kung may mangyaring masama sa kanyang pinakamamahal na babae... at ayaw na niyang magkahiwalay pa sila.

"Bakit?" naguguluhang tanong ni Mari nang mapansin ang pag-aalinlangan sa mukha ni Aiken.

Kinabahan bigla ang dalaga, hindi niya kasi alam kung ano na ang nangyayari, kung bakit huminto bigla si Aiken sa kanilang paglalakbay patungo sa lugar na walang kasiguraduhan kung mabubuhay ba sila o mamamatay. Kung tutuusin, parang pagpapatiwakal ang kanilang ginagawa ngayon dahil isinusugal nila ang kanilang buhay. Subalit, ganyan naman talaga ang buhay, palagi kang susugal upang mabuhay at upang magpatuloy ang iyong pananatili sa mundong mapanlinlang.

"Tama ba na sumama ka sa akin? Ayaw ko na mapahamak ka, Mari. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung mangyari man iyon," paliwanag ni Aiken at saka hinawakan ang dalawang malalambot na kamay ni Mari. Kitang-kita sa mukha ni Aiken ang pag-aalinlangan, kahit na pilit niya itong ikinukubli.

"Aiken, kaya ko 'to. Magagawa natin 'to. Nariyan pa rin ang Panginoon para gabayan tayo. Magtiwala ka lang. Magagawa natin 'tong dalawa... malalampasan din natin 'to." Nginitian na lang ni Mari si Aiken. Sinasabi niya iyon para pagaanin ang loob ni Aiken ngunit sa kaloob-looban niya ay hindi pa rin mawawala ang takot na pilit niyang itinatago.

Ipinamalas muli ni Mari ang kanyang yakap na mahigpit kay Aiken, agad naman itong ginantihan ni Aiken ng pagkahigpit-higpit din na yakap.

Kapwa pinipigilan nila ang kanilang takot at ipinaubaya na lang nila sa Panginoon ang pwedeng mangyari sa kanila.

"Tama ka, Mari, kaya natin 'tong dalawa." Muli silang nagyakapan sa gitna ng kagubatan. Handa na silang tapusin at wakasan ang buhay ng taong sumira sa kanilang barkada at sumira sa kanilang buhay.

Mayamaya'y nagpatuloy na sila sa kanilang paglalakbay.

Ilang sandali pa'y nakarating na sila sa kanilang destinasyon, agad na bumugad sa kanila ang pagkalamig-lamig na hangin. Kakaiba ang hangin na humahaplos sa kanilang balat, parang may dala itong kapahamakan. Nagsitayuan ang kanilang mga balahibo, lalong-lalo na sa parte ng batok.

Napahawak na lang nang mahigpit si Mari sa mga bisig ni Aiken. Tinapunan naman kaagad siya ng tingin ng binata. Nagkatinginan silang dalawa. Para bang nagsasabi si Aiken na 'Wag kang matakot, Mari, dahil nandito lang ako. Hindi kita pababayaan," gamit ang kanyang mga mata.

Mas lalo pang nakadagdag ng takot kay Mari at Aiken ang paligid na binabalot ng kadiliman, matatayog na puno na pawang isinasayaw ng malamig na hangin, masukal na daan, at buwan na bilog na bilog. Para bang nasa isang horror movie sila, ganitong-ganito kasi ang nararamdamang takot ni Mari sa tuwing nanonood siya ng katatakutan, subalit hindi naman niya akalain na mararamdaman niya ito sa totoong pangyayari sa kanyang buhay. Hanggang ngayon, halos hindi pa rin makapaniwala si Mari sa mga pangyayari.

"A-aiken," hindi alam ni Mari kung anong nangyari sa kanya ngunit biglang namilipit sa sakit ang kanyang tiyan. Parang may kung anong nilalang na nasa loob ng kanyang tiyan.

"Mari, bakit? Anong nangyayari sa 'yo?" tanong ni Aiken, kasabay nito ang pagkatumba ni Mari. Mabilis namang sinalo ni Aiken ang dalaga. Napamura na lang sa isipan si Aiken, alam niya kung sino ang may kagagawan nito. Si Lola Isming! Kailangan na talaga niyang mapatay ang matanda bago pa mahuli ang lahat.

"Aray!" tila pa parang may lalabas na bata sa tiyan ni Mari dahil sa malakas na malakas nitong pagsigaw. Hindi alam ni Aiken ang kanyang gagawin, hindi niya alam kung ano ang uunahin niya.

Baryo Santa JosefaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon