Kabanata 18

3.9K 125 9
                                    

KABANATA 18

Napatawa na lang si Aiken nang makitang nakahandusay na sa sahig si Kianey at wala nang buhay. Hindi niya akalaing mauunahan pa siya ni Lola Isming sa pagkitil ng buhay nito. Gusto pa man din niyang kumitil nang buhay muli katulad no'ng pinatay niya ang kaagaw ng kuya niya kay Mari.

Agad na bumaling ang tingin ni Aiken kay Mari, napatigil siya sa pagtawa at saka unti-unting lumapit sa dalaga. Nang tuluyan na siyang makalapit ay hinaplos nito ang mukha ni Mari. Gustong-gusto na niya itong patayin upang matapos na ang lahat subalit gusto niya ng kaunting excitement, 'yon bang pangyayari sa isang kuwento o pelikula na pinakatampok sa mambabasa, 'yong may thrill. Kaya hindi na muna niya papatayin si Mari, mamaya na kapag nagising na ito sa mahimbing nitong pagtulog. At saka niya itong pahihirapan.

Umupo si Aiken sa tabi ni Mari. Balak niyang kuwentuhan muna ang dalaga bago ito pumanaw. Piniko niya ang kanyang dalawang tuhod saka niyakap niya ito. Handang-handa na siyang magkuwento.

"Napakaganda mo talaga, Mari. Kaya in love na in love sa 'yo si Kuya e. Kaso..." napahinto si Aiken at saka napatingin sa dalaga. "Niloko mo siya," dagdag nito. "Sayang! Tsk! Ayon tuloy, napatay ko siya. Naaalala mo pa si Gino? 'Yong gagong sumulot sa 'yo kay Kuya? Alam mo ba? Pinatay ko na siya. Dahil sa kanya at dahil sa iyo, namatay ang Kuya ko! Dapat nga e, pinatay na kita noon pa, kaso gusto ko pang pahirapan ka." Kitang-kita sa mata ni Aiken ang nagliliyab na galit. Habang nagsasalita si Aiken, bigla na lang may tumulong butil ng luha sa kanyang mga mata, marahil ay bigla niyang naalala ang kanyang pinakamamahal na kapatid. Napatingin siya sa kawalan at saka siya nagbalik-tanaw.

"O? Saan ka na naman pupunta, Aiken?" tanong ng ina ni Aiken sa kanya habang umuubo-ubo pa. Napatingin na lang siya rito at saka sumagot.

"May pupuntahan lang ako, 'Ma."

"Sa kapatid mo na naman?" Muling hirit nito at saka napabuntong-hininga si Aiken. "'Di ba't sabi kong—"

"'Ma, hindi po ako pupunta kay Kuya Jake, may pupuntahan lang po akong raket para maibili po kita ng gamot. Habang tumatagal, mas lalong lumalala 'yang ubo mo, 'Ma. At saka, wala po ngayon si Kuya Jake, may pinuntahang baskyon," pangangatwiran nito.

"Siguraduhin mo lang, ayaw kong humihingi ka ng pera sa kapatid mo. At isa pa, ayaw na ayaw kong tumatanggap ka ng kung anu-anong bagay mula sa kanya, malilintikan ka talaga sa akin," pagbabanta ni Aleng Beth sabay ubo ulit. Napakamot na lang sa ulo si Aiken, hindi niya kasi maintindihan kung bakit ayaw nitong nakikipagkita at tumatanggap ng kung anong gamit mula sa kuya niya, sa gayong magkapatid naman sila.

"Sige na 'Ma, aalis na po ako, baka ma-late na ako," pagpapaalam ni Aiken, tumango naman si Aleng Beth bilang tugon.

Agad na umalis si Aiken, dadaan na naman siya sa isang mabaho at masikip na iskinita. Wala naman siyang ibang dadaanan at saka sanay na siya sa baho ng lugar nila. Mahirap lang sila, at dahil ito sa Mama niya, kung hindi lang sana ito naging ma-pride at tinatanggap nito ang mga alok ng step-brother niyang si Jake, wala sana sila ngayon dito sa eskwater.

Inaalok nga siya ni Jake na tumira sila ni Aleng Beth sa condo unit nito ngunit nang sabihin niya ito sa Mama niya ay nagalit lang ito. 'Wag daw siyang hihingi o tatanggap ng kung anu-ano sa kapatid niyang si Jake dahil baka may masabi pa ang Ina nito sa kanila. Matapobre pa naman daw iyon.

Ang Mama ni Aiken ang kabit, anak lang sa labas si Aiken. Samantala si Jake naman ay ang tunay na anak ng magaling nilang Ama. Sa katunayan halos magka-edad lang sila Aiken at Jake. Kung hindi lang sana pumatol ang Mama ni Aiken sa Papa ni
Jake, e 'di sana maayos ang buhay nilang lahat ngayon. Kaso wala na siyang masisi sapagkat namayapa na ang magaling nilang Ama. At wala na silang mahuhuthot pa, mabuti na lang at mabait itong si Jake, itinuturing niyang kapatid si Aiken at tunay na Ina naman si Aleng Beth.

Minsan nga'y pumunta si Jake sa bahay nila Aiken, walang arte itong lumusob sa kanilang lugar habang may bitbit itong maraming pagkain at mga pasalubong, ngunit, imbes na tanggapin ang binata ay agad naman itong pinaalis ni Aleng Beth na wari bang itinataboy na parang aso. Hindi raw kasi bagay si Jake sa lugar nila, pangmahirap lang daw ang lugar nila samantalang pangmayaman naman daw kina Jake. Baka madapuan pa raw ito ng sakit at sila pa ang masisi.

Nakarating na si Aiken sa usapan nila ni Jake, sa isang coffee shop. Ilang minuto rin siyang naghintay doon, may sasabihin daw kasi si Jake sa kanya ngunit hindi pa rin ito dumarating. Nababagot na si Aiken. Mayamaya pa'y hindi pa rin dumarating si Jake kaya nagpasya na si Aiken na tawagan na ang kapatid. Kukunin na sana nito ang cell phone na ibinigay ni Jake sa kanya nang mag-ring ito.

"Sakto, napatawag rin si Kuya," anito at gumuhit kaagad ang malapad nitong ngiti sa kanyang mga labi. "Hello, Kuya?" Masiglang bati ni Aiken sa kabilang linya.

"Naku, sorry, Bro. Hindi kita kaagad nakontak, nagbibiyahe kasi kami at kararating lang namin dito sa resort." Napakunot ang noo ni Aiken, buong akala kasi niya hindi matutuloy ang lakad ng kuya niya kasama ang mga kaibigan nito, sa katunayan magkikita sana sila ngayon.

"Ahh... sige. Aalis na lang ako." Napakibit-balikat na lang si Aiken at dahan-dahang nawaglit ang mga nginiti nito.

"Sandali lang, punta ka nga pala sa condo ko. May pera akong inilagay sa kabinet, bilhan mo nang gamot si Tita at mga prutas," bilin nito. Napangiti ulit si Aiken.

"Salamat, Kuya," sagot naman ni Aiken habang nakanigisi.

"You're welcome. Mag-iingat ka ha? Ingatan mo rin si Tita," bilin muli nito.

"Sige, Kuya. Mag-iingat ka rin!" Agad na pinutol ni Aiken ang kanilang pag-uusap at agad na inilagay nito ang telepono sa kanyang bulsa.

Papunta na siya ngayon sa condo unit ng kuya niya, ay mali, condo unit pala nila. Kahit kailan, maaaring pumunta si Aiken sa condo unit na iyon, binigyan kasi siya ni Jake ng susi, sabi pa nito, sa kanilang dalawa raw ang condo unit na iyon. Napag-alaman pa nga ni Aiken na sa pangalan niya pala nakapangalan ang naturang condominium. Napakabait talaga ni Jake sa kanya kaya mahal na mahal niya ang kapatid niya.

Nang makuha ang pera ay agad na umalis si Aiken para bumuli ng gamot, prutas, at pagkain para sa hapunan nila ng Mama niya.

Sandamakmak ang perang itinago ng kuya niya sa condo unit na iyon, ngunit tanging limang libong piso lang ang kinuha ni Aiken. Ayaw niya namang abusuhin ang taglay na kabaitan ng kapatid niya. Hindi siya gano'ng tao, sa katunayan nahihiya na siya sa kapatid niya.

Nang makauwi ay laking gulat ni Aleng Beth nang makitang napakaraming bitbit ni Aiken.

"Saan ka galing ng pera?" bungad na tanong ni Aleng Beth habang magkakasalubong ang dalawang kilay. Tama nga siya, ito ang magiging reaksyon ng kanyang ina.

"'Ma, sweldo ngayon at binigyan pa ako ng tip ng boss ko, napakasipag ko raw kasi," pagsisinungaling ni Aiken. Hindi niya puwedeng sabihin ang totoo, baka magwala ang kanyang ina dahil sa galit kapag nagkataon. Ma-pride nga kasi, at isa pa, ayaw nito na sinasaway ang utos niya.

"Magkano pala ang sweldo mo? Bakit parang napakarami naman yata nitong dala mo?" muling pagtatanong ni Aleng Beth, mukhang hindi pa rin ito makapaniwala.

Sasagot na sana si Aiken nang biglang mag-vibrate ang cell phone niya na nakalagay sa kanyang bulsa. Dinukot niya iyon.

'1 Message Received'

Agad iyong binuksan ni Aiken at saka tiningnan kung sino iyon. Hinala niya kuya niya iyon, 'yon lang naman ang nagte-text at tumatawag sa kanya. Pagkabukas niya ay agad niyang binasa ang mensahe nito. Hindi nga siya nagkamali.

Kuya Jake:

'Bro, ang sakit palang maloko, hindi ko akalain na ang bestfriend kong si Gino at ang girlfriend kong si Mari ay makikita kong maghahalikan! Ang sakit bro! Gusto ko nang mamatay!'

Biglang kinilabutan si Aiken sa huling pangungusap na nabasa niya. Bigla siyang nanlamig at naglabasan ang pawis sa buo niyang katawan. Bumilis ang tibok ng kanyang puso dulot ng kaba at takot. Natulala na lang si Aiken habang nakatitig sa kawalan. Grabeng kaba ang nararamdaman niya.

Baryo Santa JosefaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon