KABANATA 14
Hindi alam ni Kianey kung gagana ba ang plano niya ngunit wala naman sigurong masama kung gagawa siya ng bitag para malaman ang lahat.
Matapos silang magsagutan ni Aiken sa hapag kainan ay padabog na pumunta si Kaianey sa sala, ginulo niya ang lahat-lahat, kinuha niya ang kanyang gamit at pinalabas niya na umalis na siya sa lugar para hanapin si Kiko—ngunit ang totoo, hindi siya umalis, sumuong siya sa ilalim ng kubo ni Lola Isming.
May gustong marinig si Kianey, may gusto siyang masaksihan. Medyo masikip sa ilalim ng kubo ngunit kasyang-kasya naman si Kianey roon. Hindi na niya inalintana ang bawat lamok na kumakagat sa kanya, sa halip ay inisip niya na lang na makakatulong ang lamok para hindi siya makatulog. Mukhang ayos naman sa ilalim ng kubo, mukhang hindi naman siguro nila malalaman na nando'n si Kianey. Ligtas na ligtas siya roon.
Kanina, habang umaasa si Kianey na babalik si Kiko ay hindi niya namalayan na dahan-dahan na pa lang pumipikit ang kanyang mga mata, at 'di kalaunan ay nakatulog na nga si Kianey. Habang natutulog si Kianey ay may napanaginipan siya, panaginip na nag-udyok sa kanya para gawin ang ginagawa niya ngayon.
"Kianey... alam kong nag-aalala kayo sa akin ngunit gusto ko lang sabihin sa 'yo na hindi kayo ligtas na lugar na iyan..."
"Kiko? Nasaan ka? Bumalik ka na rito!"
"Hindi na ako makakabalik diyan, Kianey... wala na ako."
Napatulo ang luha ni Kianey sa kanyang mga pisngi, parang sumisikip ang kanyang dibdib nang marinig niya ang sinabi ng kanyang kaibigan.
"Kiko, 'wag kang magbibiro ng ganyan, hindi nakakatuwa."
"Hindi ako nagbibiro, seryoso ako, pati ba naman dito hindi mo pa rin nararamdaman na seryoso ako sa 'yo..."
"Hindi naman sa gano—" Hindi na niya natuloy pa ang sasabihin nang muling magsalita si Kiko.
"Basta. Mag-iingat ka sa lahat ng kasama mo Kianey. Mag-iingat ka. Kailangan mong gumawa ng bitag para malaman mo ang kanilang sariling mga baho. Alam kong mahirap 'to, ngunit nais kong mag-isip ka ng paraan para malaman mo ang kanilang bawat galaw, ang kanilang pananaw. Gusto kong mabuhay ka, Kianey. Mahal kita..." habang sinasabi iyon ni Kiko ay umiiyak si Kianey, hindi siya makasabat sapagkat parang may bumabara sa kanyang lalamunan na kung ano.
"Paalam..."
Unti-unting nawawala ang hulagway ni Kiko.
"Kiko! 'Wag kang umalis! Please!"
Nalungkot bigla si Kianey nang magising siya kanina, at may kaunting luha ang tumulo sa kanyang mga pisngi na itinago niya sa mga kaibigan at kina Lola Isming.
Nang mapanaginipan ni Kianey kanina ang binata ay napagtanto niya kung ano ang nangyari rito, wala na ito. Hindi siya sigurado ngunit ramdam niya 'yon. Masakit ang kanyang kalooban pero parang unti-unti na niya 'yong tinatanggap. Ayaw niya mang maniwala ay wala siyang magagawa.
Ang sabi-sabi at naririnig niyang usap-usapan mula sa mga matatandang kapitbahay nila na kapag daw ang tao ay nagpapakita sa panaginip at magpapaalam ay wala na ito. Kahit gano'n man ang nangyari ay inisip pa rin ni Kianey na buhay pa si Kiko at ang gagawin niya ngayon ay para rito—para mabigyan ito ng hustisya. Sinunod ni Kianey ang sinabi ni Kiko sa kanyang panaginip, nag-isip siya ng paraan para makita ang pananaw ng kanyang mga kasama, kahit na may tiwala siya kina Mari at Aiken ay isinantabi niya muna ito. Kailangan niyang makita lahat.
Nakabuo ng plano si Kianey sa kanyang utak, ang una niyang gagawin ay aawayin niya ang isa sa kanyang kasama at kapag kumagat ito ay gagawin niya ang ikalawang hakbang—pupunta siya sa sala para guluhin ang mga gamit doon at para isipin nila na umalis na siya at kapag nagtagumpay siya ay agad siyang susuong sa ilalim ng kubo. At ngayon nga ay nagtagumpay na siya. Ang kailangan niya lang gawin ngayon ay maging alisto at palakihin ang kanyang tainga para pakinggan ang mga tunog sa paligid, pati na ang usapan sa itaas.
Ilang sandali pa'y mga yabag ng paa na naririnig si Kianey na patungo marahil sa sala, dapit sa sala kasi siya nakatago at rinig na rinig niya ang bawat yabag ng paa.
"Kianey!" Rinig niyang sigaw na pagmamay-ari ni Aiken. Mas lalo pang itinuon ni Kianey ang kanyang tainga sa itaas. Ilang sandali pa't narinig niya ulit si Aiken na sumigaw, sa ikalawang pagkakataong iyon ay hindi na pangalan niya ang kanyang narinig kundi pangalan ni Mari.
Kasabay ng pagsigaw ni Aiken ang pagkalabog sa lapag, pakiramdam niya'y nawalan na naman ng malay si Mari. Biglang napapitlag si Kianey at ilang sandali pa'y nakaramdam siya ng lungkot. Lungkot, dahil pakiramdam niya'y kagagawan niya ang lahat ng iyon, baka mapaano si Mari. Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kung may mangyari man dito.
"Lola Isming! Si Mari po! Tulong!" sunod-sunod na sigaw ni Aiken at mas lalo pang nakaramdam ng pagkadismaya si Kianey sa kanyang sarili dahil sa kanyang ginawa. Iniisip niya na siya ang may gawa ng lahat. Ngunit biglang sumagi sa kanyang isipan ang kanyang tunay na balak, kailangan niyang pigilan ang kanyang emosyon para magawa niya ng tama ang kanyang misyon.
"Diyos ko! Anong nangyari kay Kianey? Tulungan mo si Aiken, Berto!"
Patuloy na pinakinggan ni Kianey ang bawat boses, gusto niyang hanapan ng kakaiba ang bawat boses na kanyang naririrnig. May nais siyang marinig. 'Yong boses na mag-uudyok sa kanya para maniwala na may kakaiba nga... may hindi tama.
"ANAK, mahal na mahal kita. Hindi ko ginusto na magkalayo tayo, ginawa ko iyon para mabuhay ka... mahal na mahal kita." Kitang-kita ni Alu ang kanyang ina na tumatagaktak ang luha't nakaluhod sa kanyang harapan. Matapos ang ilang taon, ngayon lang ulit ito nagpakita sa kanya. Nagtatrabaho kasi ito sa ibang bansa.
"Wow! Ginamit mo pa talaga ang trabaho mo para maniwala ako sa 'yo, 'no? Hindi mo ako malilinlang! Alam kong nag-abroad ka lang para makipaglandian! Tigil-tigilan mo ako ma, ang landi mo!" Pagbato ni Alu ng masasakit na salita sa kanyang Ina. Palibhasa hindi niya alam kung ano ang tunay na nangyari. "Kitang-kita ko sa dalawang mata ko, Ma. Kitang-kita ko!" Pagtukoy nito sa isang video na sinend sa kanya ng kanyang Papa. Matagal na kasing hiwalay ang Ina at Ama ni Alu, at ang bidyung iyon ang naging dahilan para pagkamuhian ni Alu ang ina.
"Oo na! Inaamin ko na!" sigaw ng kanyang ina.
"Inaamin mo na? Wow! Nagulat ako, ma! Gulat na gulat!" Napangiti siyang nang mapakla at saka napatiim-bagang.
"Alu, ginawa ko iyon para may makain ka, nagawa kong maging bayaran sa ibang bansa para makapag-aral kayo ng mga kapatid mo. Tiniis ko ang bawat pait at kahihiyan para lang makaraos kayo rito sa Pilipinas. Ginawa ko ang lahat ng pagsasakripisyo... at gagawin ko lahat para sa inyo ng kapatid mo." Matapos sabihin ng kanyang ina ang dapat niyang malaman ay tila isang bato pa rin ang puso ni Alu, tila hindi siya kumbinsido sa sinasabi ng ina.
"Ma, sawang-sawa na ako sa mga sinasabi mo sa aking kasinungalingan!" bulyaw ni Alu at agad na umalis, naiwang nakaluhod ang ina at nagmistulang batis ang luha.
Habang papalayo siya sa kanyang ina, unti-unting tumakas ang mga butil ng luha sa kanyang mga mata.
Umalis muna si Alu para makapagmuni-muni at makapagisip. Habang siya ay nakaupo sa isang bangko at nakatingin sa kawalan ay may sumagi sa kanyang isipan. Wala naman sigurong ina na gugustuhing mapalayo sa anak. Lahat ng kanyang luho na natatamasa niya ngayon ay galing sa kanyang ina na naghihirap sa ibang bansa. Paano niya naman pagkakatiwalaan ang kanyang ama na minsan na ring pinahamak ang buhay nilang magkakapatid? Doon na napagtanto ni Alu na balikan ang ina.
Agad-agad na umuwi si Alu para humingi ng tawad sa ina ngunit nang madatnan niya ito, laking panghihinayang niya, wala na itong buhay at nakabitay sa kanilang bubong. Putlang-putla ito at saka naninigas na. Parang pinagsukluban ng langit at lupa si Alu, agad siyang napahagulgol at agad niyang hinagkan ang ina.
"Ma, patawad. Mahal na mahal kita..." iyon na lang ang huling salitang nabitiwan ni Alu at ang kasunod ay mga hagulgol. Sa isang pagkakamali ni Alu ay nawala sa kanya ang pinakaimportanteng tao sa kanyang buhay... at habang buhay niya itong pagsisisihan.
BINABASA MO ANG
Baryo Santa Josefa
HorrorHindi inaasahan ng limang magkakaibigan na mapapadpad sila sa baryo Santa Josefa, bagama't hindi nila inaakala na sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay sa halos walang katapusang kalsada ay maaaksidente sila. Ano kaya ang kanilang kahihinatnan sa l...