KABANATA 02
"Sorry..." paghingi ng paumanhin ni Mari sabay peace sign. Kagaya ng inaasahan umuusok na nga ang ilong ng mga kaibigan, lalong-lalo na si Kianey na sa tingin pa lang nito ay parang nilalamon na silang dalawa ni Aiken.
Nasa tapat sila ng coffee shop, tirik na tirik ang araw na tila nangangagat kapag nakababad ka ng ilang minuto. Nagkamayaw ang ingay mula sa iba't ibang busina at tunog ng sasakyan. May maririnig ka ring sigaw ng ilang vendors na naglalako sa daan ng iba't ibang paninda.
"Hay naku!" napabaling ang atensyon ng lahat kay Kiko nang magsalita ito. Napakibit-balikat pa itong humarap kina Mari at Aiken sabay hawi sa buhok nito. "Okay lang naman kami, muntik lang namang masira ang kaguwapuhang taglay ko dahil sa kahihintay sa inyo," pabirong turan ni Kiko at tiningnan ng masama ang dalawang kaibigan sabay alsa ng gamit niya para ilagay sa likod ng sasakyan ni Aiken.
"Ang feeling talaga ng gago 'to, hindi pa rin nagbabago!" reklamo ni Kianey sabay irap sa kaibigan nitong si Kiko. "Kanina pa kami naiirita sa mokong na 'yan, pero actually noong elementary pa! Nakakainis! Feeling pogi!" inis na giit ni Kianey na may pagpadyak pa sa kanyang paa. Huminga na lang ito nang malalim sabay buga dahil sa frustration.
"Chill lang bebs," nanunuksong wika ni Kiko sabay tawa na mas lalong ikinainis ni Kianey.
Napatawa na lang silang tatlo maliban kay Kianey at Alu na nauna nang pumasok sa sasakyan matapos ilagay ang mga gamit sa likod ng sasakyan.
Agad namang nagpresenta ng tulong si Aiken para bitbitin ang iba pang mga gamit ng mga kaibigan para ilagay sa sasakyan nang sa gayon ay makaalis na sila kaagad.
"Grabe 'yong dala mo Kianey ah, para ka namang magbabakasyon ng ilang buwan," kantyaw ni Kiko na mukhang hindi pa tapos mambuwisit sa kaibigan.
Mapaklang napangiti si Kianey at muling tiningnan nang masama ang lalaki. "Syempre, ganyan talaga 'pag influencer, 'no? Saka, ano bang pakialam mo!?" tanong nito sabay irap at padabog na umalis sa harap ni Kiko.
"Hoy, tama na nga 'yan! Para kayong mga bata," saway ni Mari na pinipigilan ang pagtawa.
"Oo nga," napatingin sila sa loob ng sasakyan nang buksan ni Alu ang bintana. Seryoso ang mukha nito na tila badtrip. "Bilisan niyo na diyan, baka gabihin tayo," utos pa nito sa mga kasama at muling isinara ang bintana.
Nagkatinginan ang magkakaibigan. Nagsesenyasan at nakikipag-usap gamit ang mga mata. Umiilang lang ang mga ito na tila ba parang pipe. "Opo, Sir," pagbasag na sagot ni Aiken kahit na alam niya namang hindi 'yon narinig ni Alu.
Napabuntong-hininga si Mari at napapaypay gamit ang kamay. "Grabe, ang init na talaga sa Pilipinas!" halos pabulong na reklamo ni Mari at pinahiran ang pawis niyang namuo sa kanyang noo gamit ang likod ng palad. Hindi niya namalayan na narinig pa lang 'yon ni Aiken, laking gulat niya nang abutan siya nito ng kulay puting panyo habang nakangiti. Nahihiya man, agad niya 'yong kinuha.
Ilang sandali pa'y pumasok na silang lahat sa sasakyan. Nang tanungin ni Aiken ang mga kasama kung ready na ba itong bumiyahe, agad na sumagot ang mga ito at tumatango pa. Muling kinalikot ni Aiken ang sasakyan at ilang sandala pa'y umugong na ito. Hinaltak niya ang manibela at nagsimula na silang magbayiyahe.
Sa front seat umupo si Mari, katabi niya si Aiken na nagmamaneho. Si Kianey at Alu naman ay pinagitnaan ni Kiko. Napapansin ni Mari na iniinis pa rin ni Kiko si Kianey kaya hindi niya maiwasang mapangiti. Ang kukulit talaga ng barkada niya!
Habang tumatahak ang magkakaibigan sa tila walang hanggang daan, masayang nagkuwentuhan si Mari, Aiken, Kiko at Kianey maliban kay Alu na kanina pa tahimik at nakatitig sa kawalan—tila nagbibilang mga sasakyang nakakasalubong nila.
BINABASA MO ANG
Baryo Santa Josefa
TerrorHindi inaasahan ng limang magkakaibigan na mapapadpad sila sa baryo Santa Josefa, bagama't hindi nila inaakala na sa kalagitnaan ng kanilang paglalakbay sa halos walang katapusang kalsada ay maaaksidente sila. Ano kaya ang kanilang kahihinatnan sa l...