Pagsusulit..
Ano nga ba para sayo ang mga pagsusulit?
Siguro kapag narinig natin ang salitang ito, ang nasasaisip natin ay dito binabase ang mga marka natin. Mga marka na ginagawa ding basehan kung natututo tayo o hindi.
Sa totoo lang kahit kadalasang matataas ang mga marka ko, pakiramdam ko hindi parin ako matalino. Bakit? Kasi pakiramdam ko masipag lang ako at kung hindi ako magpapakapagod mag-aaral o magbabasa ng libro, babagsak ako.
Ngunit eto na nga ba ang basehan natin? Kung sino ang bobo at sino ang matalino? Kwes kung ito ang basehan natin, nagkakamali tayo.
Ano nga ba tayong mga tao? Tayong mga tao ay isa mga sa likha ng Diyos. At alam mo ba kung papaano tayo nilikha ng Diyos? Pantay pantay.
Hindi porket makikita mo sa isang pirasong papel na yan na mababa ang marka mo, bobo kana at hindi porket nakikita mong mataas na marka ang nakalagay dyan, matalino kana. Alam mo kung bakit? Kasi tao tayo. Tao tayo na may pagkakaiba sa isa't isa. Maaari ngang ginawa tayong magkakaiba sa isa't isa, pero pantay pantay parin tayo.
Minsan nga, kung sino pa yung hindi mo aakalaing balang araw ay magiging matagumpay, siya pa yung aabot ng mas mataas pa sa iyo. Samantalang yung mga taong akala mo ay mas mataas ang magiging lipad sayo, sila pa yung bumabagsak sa lupa o hindi naman kaya ay may hindi mo aasahang hinaharap para sa kanila.
Sa aking na-obserbahan, mayroong mga tao na kung titingnan mo ay halos perpekto na ang buhay na tinatamasa at hihilingin mo pa na magkaroon ng buhay na gaya ng kanya. Ngunit hindi mo nakikita ang mga kakulangan niya. Ang nakikita mo lang ay yung gusto mo. Yung kung anong meron siya na wala ka. Nalaman mo naba ang buong buhay niya? Hindi. Hindi mo alam na nagdurusa siya sa kaloob looban niya sa mga problemang dinaranas ng pamilya niya na hindi mo nakikita.
May mga tao namang nabiyayaan ng ubod gandang panlabas na anyo. Na halos lahat ng atensyon ay makukuha. Pero ano? Nalaman mo naba ang ugali niya? Nalaman mo naba kung may mga karamdaman siya? Hindi.
May mga tao namang sa paningin mo ay kaawa awa. Yung tipong minsan tingin mo sa kanila ay sobrang baba kumpara sayo. Pero ano? Siya pala ang pinakamasayang tao sa mundong ito. Masaya na pala siya sa simpleng mga bagay sa buhay niya. Pero ikaw? Kumpara sa kasayahang tinatamasa niya, wala kapa sa kalingkingan.
Ano ang punto ko? Simple lamang, tayo'y pantay pantay. Bawat isa ay may maganda at panget na parte. Hindi mo maaaring sabihin na may mas nakakaangat o nakakababa.
May kanya kanya tayong talento na biyaya na Diyos. Naisip mo naba yung mga taong sa paningin mo ay matatalino? Ang pagsasaulo ang talento nila at ang pagiging magaling umintindi. Kung minsan naman naidadaan sa sipag at tyaga. At lagi mong tatandaan na mayroon ding bagay na mayroon ka na wala sila.
Naalala mo ba ang mga taong kinaiingitan mo sa talento nitong gumuhit? Kapantay mo rin sila. Lagi mong tatandaan na mayroon ding bagay na mayroon ka na wala sila.
Papaano naman yung mga taong gandang ganda ka sa boses? Yung maiitanong mo nalang sa sarili mo kung bakit boses palaka ka? Lagi mong tatandaan na mayroon ding bagay na mayroon ka na wala sila.
Yun namang taong kinainggitan mo sa mga materyal na bagay nito na hindi mo kayang mabili? Yung kaiingitan mo nalang kung bakit sila nabuhay sa marangyang pamilya at ikaw hindi. Lagi mong tatandaan na mayroon ding bagay na mayroon ka na wala sila.
Naalala mo rin ba yung taong kinaiingitan mo ang buhay pag-ibig nito? Yung tipong mga napapanood o nababasa mo lang sa telebisyon ay nagyayari sa kanila. Lagi mong tatandaan na mayroon ding bagay na mayroon ka na wala sila.
Simple lamang naman ang gusto kong iparating, hindi mo kailangang maiinggit sa pagaari ng iba. Spesyal ka at walang gaya mo sa mundong ito.
Gaya na nga lang ng mga markang nakikita mo sa isang pirasong papel, hwag mo itong gawing basehan ng halaga mo sa mundong na ito.
Ayon nga sa isang kasabihan, "Hwag mong huhusgahan ang isang isda sa abilidad nitong umakyat sa isang puno." Ano na lamang ang mangyayari sa isdang yun? Habang buhay niyang iisipin na wala siyang kwenta sa kadahilanang hindi niya kayang umakyat ng puno. Kagaya lamang tayo ng mga hayop. Pare parehas silang gawa ng Diyos ngunit may iba't ibang kakayanan.
Sa pagsusulit ng buhay, hindi natin alam kung hanggang kailan natin kakayaning maging matatag. Darating at darating tayo sa puntong halos mawalan tayo ng pag-asa. Darating din ang panahon na tutumba na tayo. Ang hwag lamang nating kalimutan ay ang hwag sumuko. Pwede tayong magpahinga, ngunit huwag tayong titigil nang permanente. Tumayo tayo tuwing babagsak. Sapagkat ito ang buhay, hindi mo siya kontrolado. Ang mahalaga ay marunong tayo makipagkapwa tao. Kung saan, kaya nating magiwan ng magandang marka sa bawat puso ng mga taong darating sa buhay natin.
Ating pakatandaan na hindi lamang sa papel ang pagsusulit kundi may ibat ibang klase nito at bawat isa sa atin, sa iba't ibang klase ng pagsusulit na tayo ang nakatataas.
BINABASA MO ANG
Thoughts
PoetryMga essay ito na ginawa ko sa school o naisip ko lang dahil may pinanghuhugutan ako.