cuarto capítulo.

34 1 0
                                    


"Paalam," wika ni Lyanna kay Rave, hawak-hawak ang parehong kamay ng binata, habang sila'y nasa gitna ng karagatan ng mga hindi mabilang na mga papasok na estudyante sa Castapor-Fairveey-Rossber High, ang pinaka-prestihiyosong institusyon sa siyudad.

"Magkikita pa naman tayo sa tahanan niyo," agad na pagsagot ni Rave, na may hindi maipaliwanag na kasiyahang nakaukit sa kanyang mga nakangiting labi.

Nagpakita si Lyanna ng isang matipid na ngiti, at pagkatapos ay binitawan na niya ang mga kamay ng binata at dumiretso na sa mga bukas na gate ng institusyon. Lumingon muli si Lyanna sa kanyang likuran upang masilayan ang kanyang guardia, ngunit natabunan na ang binata ng iba pang mga estudyante na pumapasok sa institusyon.

Dumiretso na lang si Lyanna sa pangunahing gusali ng institusyon at pumunta na sa kanyang unang klase: Pilosopiya.


Ang unang asignatura ni Robin ay Pilosopiya rin, at nagkataon na magkakasama sila ni Lyanna sa klaseng ito. Dalawampu lang naman ang mga mag-aaral ng asignaturang ito, kaya medyo maluwag ang silid kung saan sila magkaklase.


"Tawagin niyo ako sa pangalang Hanna," agad na sinabi ng maestra sa kanyang mga estudyante na papasok pa lang sa silid.

'Hanna Rianne Ramos' ang kanyang buong pangalan, na sinulat niya sa pisara.

Nagsiupuan na ang mga estudyante, na pawis na pawis na kaagad dahil sa mahahabang manggas ng uniporme. Nagkataon na panahon ng tag-init sa kanilang lugar ngayon. Nakapwesto si Lyanna sa harap mismo ng maestra, at si Robin naman ay nasa parehong hanay ni Lyanna ngunit sa bandang likuran, at ang kanyang mga mata'y nakapokus lamang sa dalagang mahal nito.

"Ano ba ang mga nalalaman niyo tungkol sa pilosopiya?" kanyang tinanong sa mga estudyante niya, na wala namang halos maisagot dahil sa takot.


Oo. Natatakot ang mga estudyante dahil sa hitsura ng kanilang guro. Cara de póquer, kung ilalarawan ni Lyanna ang maestra, at natatawa na lamang ang dalaga sa kanyang isipan sa tuwing tinitingnan niya ang kanilang maestra. Paano kasi, galaki ang mga ojeras nito sa ilalim ng kanyang malalaking mata, at ang kanyang suot ay puros puti, mula sa kanyang pang-itaas na may mahabang manggas hanggang sa palda niyang sumayad na halos sa sahig. Mukha siyang bangkay.

"So since hindi kayo makasagot, ako na ang magpapaliwanag sa inyo kung ano ang pilosopiya, at kung bakit mahalaga ito sa lipunan," wika ni Hanna, habang ang kanyang mga estudyante ay tahimik pa rin.

"Ang pilosopiya ay ang pag-aaral ng mga pangunahing paksa ukol sa pag-iral ng tao at ng pamumuhay nito, ang kanyang mga kaalaman, ang kanyang mga pag-uugali, ang paraan kung paano siya nakakapag-isip, ang kanyang paraan ng komunikasyon, at ang paraan at katotohanan ng buhay nito."

Nakuha naman ni Hanna ang atensyon ng kanyang mga estudyanteng kanina pa walang kibo.


"Bakit mahalaga ang pilosopiya?" Kanyang tanong sa mga estudyante. Tumahimik muna nang saglit, bago tuluyang tumayo si Xandell Edardino sa kanyang kinauupuan, ang tanging kaibigan ni Lyanna noong unang taon niya sa institusyon na ito. At nagkataon pa na magkatabi sila ng silla.


"Bakit nga ba mahalaga ang pilosopiya sa musika, maestra?" Tanong ni Xandell sa maestrang napatulala sa kilos ng kanyang estudyante. Agad namang umiling-iling si Hanna at tumingin nang diretso kay Xandell, at ang tinginan nila'y para bang naghahamunan sa isa't isa.

"At bakit nga ba may asignaturang Pilosopiya sa kursong Musika na inyong pinili? Hindi mo ba halata o sadyang wala lang talagang alam 'yang utak mo?"

The UnprecedentedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon