Maraming tao ang hindi naniniwala sa mga kakaibang nilalang na kasama nating nabubuhay sa mundong ibabaw. Marami ang nagsasabing, 'kathang-isip lamang sila ng mga tao', 'gawa-gawa lang para makapanakot' at kung anu-ano pa, na ang iba naman sa atin ay pinaniniwalaan.
Ano ang gagawin mo kapag nalaman mong ang taong minsang nakasalamuha mo, nakita, nakausap ay isa palang... multo?
Matatakot ka kaya?
Bata palang ako'y madalas na akong makaranas ng kakaiba sa aking paligid. Naroong kapag mag-isa ako sa aking silid ay nakakarinig ako ng umiiyak o humahagulgol, minsan nama'y sa pag-gala ng aking paningin ay may makikita akong isang malabong imahe na tila mo ba nagmamadali. Pero kahit kailan ay hindi sumagi sa aking isip na isa iyong multo, hindi ako naniniwala at ayokong paniwalaan na tuluyan ng nagbukas ang tinatawag nilang third eye ko.
Pero lahat ng iyon ay unti-unting nagbago.
Isang umaga habang naglilinis ako ng bahay ay lumapit sa akin ang isa kong pinsan para manghiram ng librong algebra.
Agad naman akong nagtungo sa aking silid para kuhanin ang naturang libro.
Pagka-abot na pagka-abot ko sa kanya nito ay umalis na siya at umuwi.
Nagpatuloy na ako sa aking ginagawa.
Bandang alas nuebe na ng matapos ako sa aking ginagawa. Napagdesisyunan kong pumunta sa kabilang bahay para manghiram ng charger nang cellphone.
"Insan, pahiram nga ng charger!" sigaw ko mula sa labas nang pinto, pero ilang segundo na ang nakakalipas ay wala pa ring sumasagot.
Inisip ko na lamang na baka hindi niya ako narinig kung kaya't tumawag muli ako. "Insan!" pag-uulit ko pero ilang sandali palang ang lumilipas ay lumabas na siya galing sa loob ng kanyang silid, dala-dala ang charger na aking hihiramin.
Habang lumalapit siya sa aking kinatatayuan ay may naramdaman akong kakaiba.
Hindi ko alam kung bakit. Hindi ko maipaliwanag.
Iwinaglit ko na lamang sa aking isipan ang kakaibang nararamdaman ko na iyon at hinarap ang papalapit kong pinsan.
Pagka-abot na pagka-abot niya sa akin nang charger ay umalis na ako at umuwi ng bahay.
Kinagabihan, nagpunta muli sa amin ang pinsan ko na nanghiram nang libro na sya ring pinag-hiraman ko nang charger.
Isinauli niya sa akin ang hiniram niyang libro.
Palabas na sana ito ng bahay nang mag-salita, "Dikong, kinuha mo ba yung charger ko sa bahay?" nagtatakang tanong niya.
"Huh? Ah, oo. 'Di ba nga hiniram ko pa sa'yo kaninang umaga?" sagot ko pero biglang kumunot ang kanyang noo at sabi, "Anong hiniram?" bahagyang tumaas ang boses niya. "Hindi ka naman nanghihiram, ah? Atsaka, wala naman ako sa bahay kanina, kaya pa'nong sakin mo hihiramin yung charger?"
Dahil sa sinabi n'yang 'yon, napakamot nalang ako ng aking ulo.
Mas lalo akong napa-tanga sa sumunod niyang sinabi, "Hindi kaya sa kamukha kita nanghiram?" seryosong tanong niya sa akin. "Huh?" wala sa loob na sagot ko. "Sabi ko, hindi kaya sa kamukha kita nanghiram, yung nanggagaya? doppelganger ba 'yon?"
Pagkasabi noo'y bigla nalang nagtindigan ang mga balahibo ko sa katawan sa hindi malamang dahilan.
"Noong hiniram mo ba yung charger, nagsalita s'ya?" umiling lang ako.
"Eh, no'ng tumawag ka?" muli, umiling lang ako bilang sagot. "Yung manggagaya nga 'yon!" Napa-upo nalang ako sa sahig.
Nang mga oras na 'yon, hindi parin ako makapaniwala na hindi ang pinsan ko ang hiniraman ko nang charger. Pero, wala naman sa itsura niya ang magbibiro, isa pa, umalis nga raw ito ng bahay pagkakuha nang libro sa amin.
Noon ko lang din napagtanto na kaya ako may naramdamang kakaiba nang kunin ko ang charger sa 'kumukha' ng pinsan ko ay dahil hindi nga pala siya iyon.
Sabi nila ang 'doppelganger' daw ay isang nilalang na ginagaya ang isang tao sa hindi malamang dahilan, sinasabi ring kaya raw agawin nang 'doppelganger' ang existence ng taong ginagaya nito. Kaya sa oras na makita mo raw ang sarili mo, matakot ka na, dahil baka agawin na nito ang 'existence' mo.
BINABASA MO ANG
Koleksyon ng mga Kwentong Katatakutan
HorrorDito ko ilalagay lahat ng mga one shot ghost/ horror story ko.