ANINO [REVISED VERSION]

3K 20 8
                                    

ANINO

***

Naranasan mo na bang makakita ng nilalang na maitim?

Hindi ang mga Ita o taong negro ang tinutukoy ko.

Ang tinutukoy ko ay isang kakaibang nilalang na may hugis,  pigura o anyo ng isang tao.

Tao na walang mukha.

Animo'y isang...

Anino.

---

Bata palang ako'y marami na akong napapanaginipang kakaiba --- kakaiba dahil hindi tao ang kasama sa panaginip ko, kung hindi mga kakaibang nilalang na hindi natin alam na nag-eexist pala talaga sa ating mundong ginagalawan, sa mundong ibabaw.

Mga nilalang na tinatawag na multo, engkanto at minsa'y mga lamang-lupa, sila ang mga nilalang na laging dumadalaw sa panaginip ko.

Minsan sa aking panaginip ay hinahabol ako nang kapre, minsan nama'y hinahabol ako nang lumulutang na ataul at kung anu-ano pa.

Hindi ba't nakakatakot? Hindi lang basta-basta ang napapanaginipan ko.

Kaya mula noon ay natuto na akong magdasal bago matulog. Kahit papaano, epektibo naman dahil hindi na ako madalas managinip ng masama at nakakakilabot.

Pero isang gabi, dinalaw muli ako ng nakakatakot na panaginip.

Naglalakad daw ako noon sa isang pamilyar na kalye, pero noon ko lang iyon napuntahan.

Napaka-dilim nang paligid at walang katao-tao sa buong lugar. Tanging huni lang ng mga insekto sa gabi ang aking tanging naririnig. Dahil dito'y nakaramdam ako nang kakaibang sensasyon.

Nakakapangilabot, nakakatakot. Pakiramdam ko pa'y kahit anong sandali ay may lalabas na kakaibang nilalang mula sa kadiliman ng paligid. 

Napa-yakap nalang ako sa aking sarili, bigla kasing umihip ang malamig na hangin. Kasabay noo'y ang tahimik na kapaligiran ay unti-unting nabalot ng nakakatakot na huni ng uwak, dahil doon mas lalo akong nakaramdam ng takot.

Napalingon ako sa aking paligid, ang mga sanga ng punong kahoy ay nagmistulang mananayaw sa dilim, sumasabay ito sa ihip ng hangin at sa saliw ng huni ng mga insekto. 

Hindi ko nalang pinansin ang mga ito at nagpatuloy sa aking paglalakad tungo sa kawalan ng may biglang bumulaga sa aking harapan. 

Napaatras ako dahil sa labis na pagkabigla. Hindi rin nagtagal ay napatakbo nalang ako. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para gawin iyon, parang may sariling pag-iisip ang aking mga paa.

Habang tumatakbo'y nililingon ko ang aking likuran. Hinahabol niya rin ako, dahilan para mas lalo ko pang bilisan ang aking pagtakbo.

Dahil sa sobrang dilim na ng paligid ay hindi ko na magawang makita ang aking dinaraanan kung kaya't napatid ako at nadapa.

Dali-dali akong tumayo mula sa pagkakadapa at tatakbo na muli ng may maramdaman akong malamig na bagay sa aking braso. Agad ko naman itong nilingon. 

Nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita.

"Isang kamay!" sigaw ng aking isipan.

Ngunit mayroong kakaiba sa isang ito, hindi lang ito isang ordinaryong kamay dahil kakaiba ang itsura nito. Kakaiba dahil bukod sa malamig ito sa aking balat ay purong kulay itim ito. Oo, purong kulay itim na tila mo isang anino.

Naglakas loob akong tingnan kung sino ang nagmamay-ari nito.

Laking gulat ko nang tumambad sa aking harapan ang kakaibang nilalang na noon ko lang nakita.

Koleksyon ng mga Kwentong KatatakutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon