Napamulat ka, isang tinig mula sa kawalan ang iyong narinig. Dahan-dahan kang bumangon saka marahang umupo sa dulo ng iyong higaan habang kinukusot ang mga mata. Makalipas ang ilang sandali ay tumayo ka at wala sa sarili mong binuksan ang ilaw ng iyong silid. Nang magliwanag ang paligid ay agad kang napatitig sa orasang nakabitin sa'yong pinto.
"Alas tres pa lang pala," bulong mo. Inunat-unat mo pa ang iyong mga kamay habang naghihikab. Akmang babalik ka na ulit sa'yong kama nang marinig mo muli ang isang tinig, tinig na tila ba ginigising ang 'yong natutulog na diwa.
"Cinderella. Cinderella," paulit-ulit na tawag nito. Hindi tulad ng mga nauna niyang pagtawag ay mas hamak na malakas na ito. Tila ba malapit sa iyong kinaroroonan. Hindi mo alam kung ano ang 'yong mararamdaman, sa mga oras kasi na ito'y nangingibabaw sa'yo ang antok. Marahil ay gising ang iyong katawan ngunit hindi ang iyong diwa.
Isang hikab muli ang iyong pinakawalan bago ka makapagsalita. "Sino 'yan?" tanong mo rito, ngunit nagdaan ang mga segundo ay wala kang nakuhang sagot.
Sa hindi malamang dahilan ay dahan-dahan mong ihinakbang ang iyong mga paa, ayaw mo man ay wala kang nagawa. Tila ba may kung anong pwersa na pumipilit sa iyo na gawin iyon. Kahit pa'nong pilit mo na huminto at tumigil sa paglalakad ay hindi mo magawa. Para ka ngayong isang de-bateryang robot na kinokontrol ng kung sino.
Naglakad ka nang naglakad hanggang sa marating mo ang inyong sala. Nang huminto ka sa tapat ng lumang orasan ay siya namang biglang pagtunog nito. Ang kaninang natutulog mong diwa ay gising na.
Napatitig ka sa lumang orasan sa'yong harap. Nangilabot bigla ang buo mong katawan nang maalalang matagal na nga pala itong sira at hindi gumagana. Nang mapagtanto iyon ay bigla na naman itong tumunog na naging dahilan para mapasalampak ka sa sahig. Dahil sa takot na unti-unting sumasakop sa'yo ay pinilit mong tumayo, ngunit tila naparalisa ang mga paa mo kaya mas minabuti mo na gumapang na lang palayo.
Gumapang ka lang nang gumapang hanggang sa makarating ka labas ng inyong bahay na hindi mo namamalayan.
Malakas na ihip ng hangin ang sumalubong sa'yo. Bawat hampas nito sa'yong balat ay kakaibang sensasyon ang dulot. Napa-angat ka nang tingin nang may mamataan kang isang anino mula sa'yong harap.
Isang napaka-kisig na nilalang ang bumungad sa'yong harapan--- suot-suot ang isang ngiti na kahit sinong kababaihan ay mapapaibig. "Cinderella," usal niya habang unti-unting lumuluhod para mapantayan ka. Inabot niya ang 'yong isang palad saka hinagkan. Lihim kang napangiti.
"Maaari ba kitang anyayahang sumayaw?" tanong niya habang nakatingin sa'yong mga mata. Ngayon mo lang napansin ang kulay pula niyang mga mata. Pulang-pula ito na tila ba tinapunan ng sariwang dugo. Ang mga labi naman niya'y parang ubod ng lambot at gusto mong tikman. Nakabalik ka lang sa reyalidad nang marinig mong tawagin ka niya.
Tumango ka lang habang hawak-hawak pa rin niya ang isa mong kamay. Dagli siyang tumayo at nilahad ang isa pa niyang kamay para hingin ang sa'yo. Hindi ka na nag-atubili pa at inabot mo ito sa kanya. Hindi mo alam pero parang hindi mo na pagmamay-ari ang iyong katawan. Kusa na lang itong kumikilos.
Mabilis na lumipas ang mga oras, titig na titig pa rin kayo sa isa't isa. Tila ba ayaw niyo nang maghiwalay. Sa tuwing pagmamasdan mo siya'y lalo siyang nagiging makisig sa'yong paningin. Aliw na aliw kang pagmasdan ang maamo niyang mukha hanggang sa may makita kang hindi natural sa kanyang noo.
Napahinto ka sa pagsayaw. Mabilis mo siyang itinulak palayo. Hindi ka pa nakuntento at kinusot mo ang iyong mata. Ang kaninang napakakisig na nilalang ay unti-unting nagbabago ang anyo.
Ang maamo niyang mukha ay unti-unting napalitan ng nakakatakot na anyo. Ang maayos at manipis niyang kilay ay lumago. Ang katamtamang laki niyang mata ay namilog at mas lalong namula. Nagsimula na ring tumubo ang ilang makakapal na balahibo sa iba pang parte ng kanyang mukha. Ang katawan naman niya'y unti-unting pinalibutan ng itim na usok. At ang maliliit na sungay sa kanyang noo ay tila isang halaman na unti-unting tumubo. Demonyo! Ang nilalang sa'yong harapan ay isang kampon ng dilim. Isang demonyo!
BINABASA MO ANG
Koleksyon ng mga Kwentong Katatakutan
HorrorDito ko ilalagay lahat ng mga one shot ghost/ horror story ko.