Mayco's Note : 2nd attempt using 2nd Person' POV. Audition piece sa The Movement na sinuwerteng makapasa. Unedited. Ieedit ko to, SOON.
***
Pauwi ka na galing eskwela nang biglang humangin ng malakas, kasabay noo'y ang pag guhit ng nakakatakot na liwanag sa madilim na kalangitan.
Nagbabadya ang ulan.
Nagsimula ka nang maglakad, ang ilan sa mga kasabayan mo'y nagsakayan na sa pampasaherong motor. Ikaw nama'y naiwan doon at piniling maglakad. Hindi naman kasi kalayuan ang bahay n'yo mula sa pinapasukang paaralan. Isa pa'y gusto mong makaipon para sa nalalapit mong kaarawan.
Sa kalagitnaan ng iyong paglalakad ay biglang bumuhos ang malakas na ulan. Dali-dali kang tumakbo at naghanap ng masisilungan. Hindi ka naman nabigo dahil may waiting shed malapit sa inyong paaralan.
"Hindi pa ba titila ang ulan?" naitanong mo na lang sa'yong sarili. Halos kalahating oras na kasi ang nakakalipas simula nang bumuhos ang malakas na ulan. At magpasa-hanggang ngayon, hindi pa ito tumitila.
Napatingin ka sa relos na suot-suot mo, alas siete y media na pala. Tumayo ka sa'yong kinauupuan, pilit kang humahanap ng maaaring masakyan. Bigla ka tuloy nagsisi kung bakit 'di ka pa sumakay sa pampasaherong motor kanina.
Napatakip ka ng 'yong tainga, muli kasing dumagundong ang kalangitan, kasabay noo'y sandaling nagliwanag ang kapaligiran. Mula sa 'di kalayuan ay may isang puting imahe kang nasulyapan. Hindi mo alam pero may kung ano kang naramdaman.
Hindi ka naman pagod pero bakit tila yata pabilis nang pabilis ang tibok ng 'yong puso? Nanlaki ang 'yong mga mata nang makaramdam ng malamig na hangin na dumadampi sa'yong balat. Kasunod noo'y isang bulong na tuluyang nagpanginig sa'yong kalamnan.
Napapikit ka na lang ng 'yong mga mata, pilit nilalabanan ang takot na unti-unting sumasakop sa'yo. Ngunit tila yata mapagbiro ang tadhana, isang bulong muli ang iyong narinig, pangalan mo ang kanyang binabanggit.
"Sino ka? Magpakita ka!" Kahit may takot sa'yong dibdib ay nagmulat ka. Nagpalinga-linga ka sa paligid pero wala kang nakita na kahit na ano.
Sandali kang nakahinga nang maluwag, ang kaba sa'yong dibdib ay unti-unting naglaho. Pero agad naman itong kumabog nang muling marinig ang isang pamilyar na tinig.
"Sino ka? Ano bang kailangan mo? Wala akong oras makipaglokohan, kaya pwede ba? Tigilan mo ako!" Bahagyang tumaas ang tono ng boses mo, napipikon ka na sa nilalang na hindi mo nakikita.
"Gano'n na lang ba kadali para sa'yo na kalimutan ako?" Napalingon ka sa'yong itaas, halos magsisigaw ka nang makita ang isang babaeng duguan. "Kamusta ka na, mahal kong kaibigan?"
Napaupo ka sa sahig, nanggigilid ang mga luha. "G-glenda?" nauutal mo pang wika. Ngumiti naman ito sa'yo, pagkatapos ay bumulong, "Advance happy birthday, ito ang regalo ko." Pagkasabi noo'y walang pakundangan niyang dinukot ang kanyang mata saka inabot sa'yo.
Wala ka nang ibang nagawa kun'di ang tumakbo. Takbo ka lang nang takbo, pero pakiramdam mo'y 'di ka nakakaalis sa'yong kinatatayuan.
Lumingon ka sa'yong likuran, naroon siya at hinahabol ka. Dahil doo'y mas lalo mo pang binilisan ang pagtakbo at dahil sa hindi ka nakatingin sa daan ay napatid ka. Tatayo ka na sana nang bumulaga sa'yong harapan ang mukha niya.
---
Mula sa pagkakahiga ay napabangon ka, pawis na pawis at naghahabol ng hininga. Mabilis kang nagtungo sa banyo para maghilamos at nang mahimasmasan. Ang babae sa'yong panaginip ay si Glenda --- matalik mong kaibigan. Simula nang pumanaw ito ay gabi-gabi ka na lang dinadalaw ng kakaibang panaginip na 'yon.
Pagbalik mo sa'yong silid ay umupo ka sa gilid ng 'yong kama at kinuha ang nakatabing litrato kung saan magkasama pa kayo ni Glenda. Isang buwan na ang nakakalipas simula nang matagpuan ang bangkay nito sa likuran ng waiting shed malapit sa inyong paaralan. Hindi nagtagal ay nahagip ng iyong paningin ang kulay pulang likido na nagkalat sa'yong sahig.
Agad kang kumuha ng basahan at inilagay doon. Napatingala ka naman nang may maramdamang may nahulong mula sa'yong ulunan. Nang lingunin mo ito'y unti-unting nanginig ang iyong mga kalamnam.
Isang mata.
BINABASA MO ANG
Koleksyon ng mga Kwentong Katatakutan
HorrorDito ko ilalagay lahat ng mga one shot ghost/ horror story ko.