Allan

195 2 1
                                    

"Allan?"

"Allan..."

"Tulong!"

Naririnig mo na naman sila. Ang kanilang mga bulong. Ang kanilang mga impit na pagsigaw. Ang ilan sa kanila ay galit na galit. Muhing-muhi. Hangad nila ang kasagutan.

Napatakip ka ng 'yong tainga. Hindi mo na makayanan pa ang kanilang mga daing. Palakas nang palakas ang kanilang mga bulong. Sumisigaw na sila. Paulit-ulit.

"Allan!"

"A-allan..."

Umiling-iling ka. Nagsisimula na namang sumakit ang ulo mo. Pati ang batok mo ay unti-unti na ring naninigas. Hirap ka nang gumalaw. Ni-lumingon ay hindi mo na magawa. Pakiramdam mo pa ay may mga karayom na unti-unting bumabaon sa 'yong kalamnan. Napasigaw ka! "Masakit. Ayoko na. Tigilan n'yo na ako!"

Isang tapik mula sa 'yong kaliwang balikat ang labis na gumulat sa 'yo. Agad kang napatayo. Ang mga butil ng pawis na namuo sa 'yong noo ay unti-unting tumulo. Napakabilis ng kabog ng 'yong dibdib. Halos hindi mo na mahabol ang 'yong hininga. Pakiramdam mo ay pagod na pagod ka. "Allan, ayos ka lang ba?"

Sa 'yong likuran ay nakatayo ang isang babae, nakasuot siya ng puting uniporme na katulad ng sa 'yo. Ngumiti siya na panandaliang nakapagpatulala sa 'yo. Si Kaye-- girlfriend mo. "O? Bakit parang nakakita ka ng multo?"
Hindi ka agad nakaimik, bagkus ay napalunok ka pa ng laway saka mabilis na umiling. Unti-unti na muling bumabalik sa normal ang tibok ng puso mo. "Sigurado ka? Pawis na pawis ka, e. Ano bang iniisip mo?" Umupo siya sa tabi mo saka nagpatuloy, "May problema ba?"

"Pagod lang ako," matipid mong sagot. "Tara na. Umuwi na tayo. Nagugutom na rin kasi ako, e." Hinawakan mo pa ang 'yong tiyan at umaktong nagugutom. Pilit mong kinalimutan ang mga tinig.

"Sige na nga."

Si Kaye at ikaw ay parehong volunteer sa isang clinic sa bayan ng San Martin. Pareho kayong fresh graduate ng kursong nursing. Sa ngayon, nagti-tiyaga muna kayo bilang mga volunteer nurse. Kumukuha ng experience upang makapag-apply sa mga malalaking ospital sa susunod na taon. Magta-tatlong taon na rin kayong magkasintahan. Sa ngayon, magkasama kayo sa isang apartment malapit sa clinic na inyong pinapasukan. May kalayuan kasi ang parehong bahay n'yo sa clinic kaya napagpasyahan n'yo na mangupahan na lang. Sa gayon, mas mapadali ang pagpasok at pag-uwi n'yong dalawa.

---

"Allan..."

"Allan!"

Napabangon ka. Nariyan na naman sila. Naririnig mo na naman ang kanilang mga bulong. Ang kanilang pagtawag. Rinding-rindi ka na. Pagod na pagod. Habang lumilipas ang mga araw ay mas napapadalas ang pagtawag sa 'yo ng mga tinig. Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin maintindihan ang mga nangyayari sa 'yo. Kung bakit mo sila naririnig. Kung ano ba ang pakay nila. Kung ano ang kinalaman mo sa mga tinig na paulit-ulit na tumatawag sa 'yo. Naguguluhan ka na. Hindi mo alam kung paano ba nagsimula ang lahat. Basta ang tanging alam mo lang ay nagising ka na lang isang umaga at nakakarinig ka na ng tinig. Hanggang sa dumami nang dumami ang tinig sa 'yong isipan na hindi mo namamalayan. "Ano bang kailangan n'yo? Tigilan n'yo na ako!"

Sa halip na mawala ang mga tinig ay lalo pang lumakas ang pagtawag ng mga ito. Ang ilan sa mga ito ay nagtatanong. Ang iba naman ay tila may hinanakit at galit na galit. Gusto nila ng katarungan... ng kasagutan. "Sino ba kayo? Ano bang kailangan n'yo?"

"Allan... bakit?"

"Allan?"

Napatakip ka ng magkabilang tainga nang biglang sumigaw ang tinig sa 'yong isipan. Tinig 'yon ng isang babae. Matinis at tila punong-puno ng paghihinagpis. Dali-dali kang lumabas ng silid para pumunta ng banyo. Hindi mo na matagalan ang mga tinig na walang tigil sa pagbulong sa 'yong isipan. Gulong-gulo ka na. Hindi mo na malaman kung ano ba ang dapat mong gawin. Pakiramdam mo pa ay tinatakasan ka na ng katinuan. Pagkabukas mo ng pintuan ng banyo ay agad kang natigilan. Pakiwari mo ay pansamantalang tumigil ang ikot ng mundo mo. Mula sa sahig ay nakahandusay ang nobya mong walang-buhay at naliligo sa sariling dugo. Laslas ang kanyang leeg habang ang ibang parte ng kanyang katawan ay may mga tama ng saksak.

Koleksyon ng mga Kwentong KatatakutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon