Kay Monica

3 2 0
                                    

(My entry for Kalatas at Kandila Writing Contest with the theme: Paglaya)

"Pumunta na po tayo sa mga pwesto natin, magsisimula na po ang kasal."

 Narinig kong sinabi ng coordinator sa mga bisita. Tahimik akong napalinga sa paligid. Ang ganda talaga ng pagkakaayos ng simbahan, mula sa mga puting rosas na idinisenyo sa paligid at asul na mga palamuti, talagang umayon lahat ng mga detalye sa gusto ni Monica. Napasulyap din ako sa mga bisita. 

Lahat ng naririto'y malapit sa'ming dalawa. Maging sa kanila'y makikita ang galak para sa araw na ito. Lahat ay masaya dahil sa wakas, natagpuan na rin ni Monica ang magiging kabiyak ng puso nya. Bahagya akong napangiti ng maalala ko ang mga panahong umiiyak pa siyang nagsusumbong sa'kin tungkol sa pagkakahuli nya sa pambabae ng nobyo nya noon.

Maging ang kanyang walang kamatayang linyang, 

"Ayoko na! Wala talagang forever!" Na lagi ko lang sinasagot nang, "

Tiwala lang. Darating din ang Mr.Right mo." 

Kami na kasi ang magkasama simula pagkabata. Ako ang takbuhan nya kapag may mga batang nang-aaway sa kanya. Kahit mapaaway din ako, ayos lang basta maipagtanggol ko siya.

 Sa mga panahong nahihirapan siya sa mga aralin nya, matiyaga ko siyang tinuturuan hanggang sa maintindihan nya. Hanggang sa magdalaga siya't pumasok na ng kolehiyo. Accountancy pa ang una nyang kinuha nya. Para daw parehas kami.

Yun 'yung oras na natuto na siyang maglihim sa'kin. Hindi nya sinabing nahihirapan na pala siya sa kurso nya, nagpanggap siyang kaya nya pa. Hanggang sa dumating sa puntong nabalitaan ko na lang naisugod pala siya sa ospital dulot ng sobrang stress.

Doon ko na siya masinsinang sinabihang magshift na siya ng course, sa alam kong mag-eenjoy talaga siya habang nag-aaral. Hindi ko naman sinabing gayahin nya ko. Siyempre mas gugustuhin kong i-enjoy nya ang mga bagay na hilig nya. Dun na sya umiiyak na umamin saking ang gusto nya talaga'y maging journalist. Siyempre pinayagan ko agad siya.

Ayoko kasing maging hadlang sa pangarap nya. Naaalala ko pa kung paanong nagliwanag ang mukha niya ng sabihin kong suportado ko ang anumang desisyon na gawin nya sa buhay nya. Pero hindi ko akalaing darating din pala sa puntong kakainin ko ang mga salitang binitawan ko. Hindi ko pala siya kayang suportahan sa lahat ng bagay lalo na kung alam kong maaaring ikapahamak nya. 

Nang araw na matuklasan kong niyaya siya ng kanyang dating nobyo na magtanan,lahat ng unang nakasasakit naranasan namin ng mga oras na iyon. 

 Unang beses na napagbuhatan ko siya ng kamay, unang beses na sinabihan nya kong wala na akong karapatang salungatin siya't pabayaan nang magdesisyon sa buhay nya. Unang beses na sinabi kong sana hindi na siya dumating pa sa buhay ko at unang beses na nagawa nya kong iwan na parang wala akong naging halaga sa kanya.

Yun ang mga panahon nagawa naming tikisin ang isa't-isa, halos apat na buwan siyang nawala. Ito ang pinakamadilim na yugto sa aming samahan. 

Akala ko 'yun na talaga. Tapos na. 

 Pero isang araw, bumalik siyang bigla. Wala mang paliwanag sa kung anong nangyari, bukas-palad ko siyang tinanggap ulit. Ganoon ko siya kamahal. At paunti-unti bumalik kami sa dati, kinuwento nya ang panloloko ng nobyo nya sa kanya't ang paghingi namin ng tawad sa isa't-isa. Nagkasundo ulit kami na parang walang unos na sumubok sa samahan namin.

 Pero darating at darating talaga sa puntong may isa na dapat magparaya. Tatlong taon na ang nakalilipas ng makilala nya si Kevin sa isang salu-salo na dinaluhan nya. Para syang lalakeng bersyon ni Monica. May pagkamakulit ngunit magaling makisama sa lahat ng tao. Madaldal din na parang hindi nauubusan ng kwento. 

Magalang na tao't higit sa lahat may magandang disposisyon sa buhay. Dahil kay Kevin, muli kong nakita ang pamumula ng pisngi ni Monica sa t'wing binibiro siya nito, kung paanong tumataas ang timbre ng boses nya kapag may dala itong bulaklak para sa kanya. Muli kong nakita kung paano mahulog ang puso nya't magmahal muli. Nung una, aaminin kong natakot ulit ako. Na baka dumating kaming muli sa puntong kailanganin nyang mamili at iwanan nya na naman akong sugatan ang puso. Pero iba si Kevin.

 Pinatunayan nya ang malinis na intensyon at pagmamahal nya para kay Monica. 

 Pinakita nila sa akin na talagang handa silang dalawang pumasok sa isang panibagong yugto sa kanilang relasyon. Na bukas ang mga isip at puso nilang haharapin ang mga pagsubok ng magkasama at hindi pababayaan ang isa't-isa. Hanggang sa dumating na nga ang araw na ito. Akala ko,handang-handa na akong makita silang dalawa na nagsusumpaan sa harap ng dambana. Hindi pa din pala. May takot pa rin sa dibdib kong baka nagkamali ako ng desisyong palayain siya, na baka nabigla lang ako sa mga pangyayari. 

Pero nang makita ko si Monica habang bumababa ng sasakyan napanatag ako. Sa ningning palang ng kanyang mga mata't ganda ng ngiti nya pagkakita sakin, alam kong tama ang naging pasya ko. Oras na nga talagang palayain ko siya.

 Marahan akong naglakad palapit sa kanya't yumakap, "Kinakabahan po ako." bulong nya bago yumakap pabalik sa'kin. 

Bahagya akong humiwalay sa pagkakayakap sa kanya't masuyong sinuri ang mukha nya. "Kinakabahan ka ba talaga? Halos mapunit na nga 'yang labi mo sa pagkakangiti mo eh."

 Pero bago pa siya makasalungat sa'kin ay lumapit na ang coordinator sa'min. 

"Oras na po." tumango kami sa kanya't magkahawak-kamay na sumunod.

 Naramdaman ko ang bahagyang panginginig ng mga kamay ni Monica, kaya masuyo ko itong pinisil. "Kaya mo 'yan."

 Pagtapat namin sa nakapinid pang pintuan, sinimulan nang ipatugtog ang wedding march. Oras na nga talaga.

 At ng buksan ito't tumambad kaming dalawa sa lahat ng bisita, hindi ko maiwasang mapaluha. Sa bawat hakbang namin papasok, pakiramdam ko'y napakabigat ng mga paa ko. 

Pero nang makita ko kung paanong lumuluha ngunit nakangiti sa amin si Kevin na nag-aabang sa may dambana. 

Natanggap ko na. 

Tama ngang ibinigay ko ang basbas ko sa kanilang dalawa.

 Sa paglapit namin ni Monica sa kanya'y nakangiti siyang sumalubong sa'min at yumakap. "Ingatan mo si Monica ha? Mahal na mahal ko 'yan." malugod na bilin ko sa kanya. 

Na malugod naman nyang sinagot, "Opo, mama."

Halu-halong GunitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon