(I wrote it for our June activity in WUS.
Our theme is "June Wedding")"Ama, pinatawag niyo raw po kami?" bungad ni Vulcan sa kanilang ama na kasalukuyang nakaupo sa trono nito't hindi sila napansin, tila ba may gumugulo sa isipan nito.
Nagkatinginan tuloy sila ng kanyang kapatid na si Mars sa ginawi ng ama. Bibihira ang ganitong pagkakataon na makita nila itong balisa at malungkot, nasanay sila sa ma-awtoridad nitong persona.
"Ama?" muli nilang untag rito. Tila nahimasmasan ito't napansin na sila.
"Nasaan si Minerva?" tanong nito sa kanila nang mapansing hindi nila kasama ang bunsong anak.
"Gaya ng dati, ayaw nitong magpaistorbo. Pupunta na lang daw siya kapag naisipan niya."
Napailing na lamang ito't nagpatuloy,
"Suwail talaga. Bueno sa inyong dalawa muna ako hihingi ng tulong. ""Ano pong klaseng tulong?"
"Ang inyong ina kasi. Ilang araw na kong nag-aalala't hindi ako pinapansin nito. Wala naman akong maalalang ginawang mali na makakapagpatampo sa kanya."
Nagkatinginan silang magkapatid. "Ilang araw na po ba kayong hindi pinapansin ni Ina?"
Saglit na nag-isip ang ama nila bago sumagot, "Mag-iisang linggo na rin."
Nagkatinginan sila sa narinig, "Si Ina pala ang dahilan ng mga kakaibang pangyayari sa mga mortal, ama."
"Anong ibig ninyong sabihin?"
"Naapektuhan na ng kalungkutan niya ang mga mortal. Marami ang nagkakasigalot na ang mga mag-asawa't, may ilang mga babaeng hindi pa magkaanak." ani ni Vulcan at umupo sa tabi ng ama.
"Nanghihina rin ang mga kalalakihan at hindi makagawa ng mga bahay at gusali." dagdag pa nito.
"Kinatamaran na rin ng ilang tulisan ang pagwasak sa ibang lupain dulot ng lungkot sa kanilang relasyon." saad naman ni Mars.
Nabahala naman ito sa nalaman, "Hindi magandang balita yan, marami na pala ang naapektuhan."
"Ano kayang mabuti nating gawin ama upang bumalik na sa normal si ina?"
Siya namang biglang paglitaw mula sa usok ni Minerva sa harapan nila. "Ano bang kalokohan at nagpatawag ka ng pagpupulong,ama?" tamad na tanong nito't kinumpas ang kamay at pinalapit sa kanya ang isang silya upang maupuan.
"May tampuhan sina ama't ina, apektado na nito ang mga mortal." pakli ni Mars sa kanya.
"Yun lang ba? Alam ko na ang tungkol doon."
"Bakit tila hindi ka apektado sa mga pangyayari?" tanong ng ama nila.
"Talagang hindi. Natutuwa pa nga ako't maraming mga mortal ang nalilibang ngayon sa pagkatha ng mga liriko bilang panawi ng kanilang lumbay. Mga kababaihang lumalapit sa mahika sa pagbabaka-sakaling magka-anak. Kaya bakit ako malulungkot sa nangyayari kung pabor sa akin ito? Isa itong malaking bentahe sakin."
Binigyan siya ng matalim na titig ng tatlo.
"Kung wala kang isusuhestiyong maganda, umalis ka na't baka maisipan kong sirain ang iyong tahanan." buska ni Mars sa kanya."Hindi naman kita tutulungang buuin ito." babala naman ni Vulcan sa kanya.
"Pasusundan kita sa kidlat bawat oras." banta naman ng kanilang ama.
"Nagtataka kayong naghihinampo si ina, puro kapusukan ang nasa isipan ninyo. Hindi kayo maalam na basahin o unawain man lang kaming mga babae."
"Sabihin mo, ano bang kailangang gawin?"
"Bakit ba kailangang idikta sa inyo ang lahat, ama?"
Sinabi naman ni Minerva ang kanyang suhestiyon,agad namang kumilos ang ama at mga kapatid.
Siya nama'y tinungo ang kwarto ng madrasta. Kumatok muna siya bago pumasok.
"Ina, sumama po kayo sakin. Nagkakagulo po sina Mars at Vulcan sa labas, hindi po maawat.""Ano na naman pinagtatalunan nila?" tanong nito't agad na tumayo't pinatiuna si Minerva patungo sa iba pang mga anak.
Isinantabi muna ang lungkot na nadarama dahil sa pagtalusira sa pangako ng asawa.
Ngunit hindi pa man sila nakalalayo'y kumumpas si Minerva at mahinhing
bumulong na siya namang nagpatulog kay Juno."Matutupad na ang kahilingan niyo, mahal kong ina." dagdag pa ni Minerva bago maagap na sinalo ito.
***
Paggising niya'y napansin nyang siya ay nasa isang napakagandang hardin.
Lahat ng paborito nyang mga halaman at bulaklak ay naroroon, bagamat tila natuyo't nakalbo na ang mga ito.
Napansin niya rin na iba na ang kanyang postura.
Nakalugay na ang kanyang kulot na tila mala-alon na buhok at nakokoronahan siya ng mga nalantang bulaklak ng rosas.
Ang kanyang damit na kulay berde kanina'y busilak na ngayon sa kaputian.
Napansin nya si Minerva sa kanyang tabi.
"Gising ka na pala, Ina. Tara na po,hinihintay kayo ni Ama.""Bakit? Ano bang nangyayari?" tanong niya sa anak. Bagama't may hinala sa mangyayari'y ayaw nya nang umasam na iyon ay totoo.
"Ito ang araw ng katuparan niyo, ina."
Naluluha siyang napayakap sa anak niyang bunso. Dito lamang siya nakakapagbukas ng loob tungkol sa mga bagay-bagay na hindi niya maisiwalat sa kanyang esposo, bagamat hindi sa kanya nagmula si Minerva hindi na ito iba sa kanya.
Gaya ng sama ng loob nya't paghihintay na tuparin ni Jupiter ang pangakong matrimonyo sa kanya ilang libong taon na ang nakalilipas.
Alam niyang ito ang nagsuhestiyon sa araw na ito. "Salamat Minerva, sa pagtupad nito."
"Gusto ko lang po makita kayong maging masaya." tugon nito sa kanya at inakay na siya patungo sa altar na nasa gitna ng hardin na pinagtulungang gawin nina Mars at Vulcan.
Naroroon at naghihintay ang kaniyang amang si Saturn at ang asawang si Jupiter.
Mukhang niyakag ng mga anak nila ang kanilang Lolo Saturn upang maging tagabasbas sa natatanging pagkakataong ito.
Habang mabagal silang naglalakad patungo rito, napansin ni Minerva ang unti-unting pagkabuhay ng mga halaman sa paligid. Maging ang koronang bulaklak ng ina'y nabuhay, naulinigan nya rin ang nagkakasiyahang tinig ng mga mortal. Pagkakaayos ng mga mag-asawa't ang pagdadalang-tao ng mga nangangarap magkaanak. Tuluyan ng bumalik ang sigla ng ina.
"Narito tayong lahat upang saksihan ang pag-iisang dibdib ng aking anak na si Juno at kanyang asawa na si Jupiter." bungad ng ama niya sa kanila.
"Patawarin mo ko Juno, kung nakalimot ako sa pangako kong kasal sa'yo." saad ni Jupiter sa kaharap na asawa.
"Wala na iyon sa'kin. Ang mahalaga'y tinupad mo na ngayon."
"Gusto ko pa ring makabawi." giit nito't nag-isip ng maaaring regalo. Hanggang sumuot sa isipan nya ang tinig ng bunsong anak na si Minerva.
"Ialay mo kay ina ang araw na ito bilang simbolo ng inyong kasal at pagmamahalan." Napatingin siya sa anak na tahimik na nakamasid sa kanila. Napakatalino talaga. Matapos i-anunsyo ni Saturn na kasal na nga sila, binitawan niya na ang naisipang regalo.
"Ako si Jupiter, ngayon ay tunay ng asawa ni Juno ay binabasbasan ang araw na ito bilang simula ng buwan na alay ko para sa mahal kong asawa."
BINABASA MO ANG
Halu-halong Gunita
Short StoryMagulo, malabo. Halu-halo. Mga salitang hindi maisatinig, hirap ibahagi. Halu-halong emosyon, alaala at pagkakataon. May sayang halos walang katapusan, lungkot na hindi mabawasan. Iba-iba man ang pinaghugutan, 'pag pinagsama'y hindi basta-basta ma...