Ang Panimula - "Ang Manika"

2.8K 2 0
                                    

"Wag nga kayong ganyan. Bad yan.." sabi ko sa tinig na alam mong balak magsumbong.


"Anong bad? Iyakin lang yang babaeng yan eh."

"Oo nga! Iyakin lang yan. Parang kinuha lang namin ang manika niya."

"Buti nga diyan." sagot ng tatlong batang lalaki habang tangan-tangan ng isa ang isang sirang manika na natanggal ang ulo.

Kanya kanya sila sa pang-aasar sa batang babae na naka-Japanese sit at walang tigil sa kakaiyak. Nakatakip ang mga palad nito sa walang-tigil na lumuluha niyang mga mata. Wala siyang imik at puro paghikbi lang ang maririnig mo mula sa kanya.


"Tigilan niyo nga siya! Ibalik niyo ang manika niya!" sigaw ko sa nanghahamong boses sabay harang sa harap ng batang babae.

"Ah ganon. Eh matapang pala 'to eh!" sabi sakin ng pinakamalaki sa tatlo na halatang lider nila. 

Lumapit siya sa akin ng buong yabang at tinulak ako. Hindi ako nagpatinag. Nagsimula na kaming magbungguan, balikat sa balikat. Maya-maya pa ay sinuntok na niya ako na akin namang ikinabigla. 

Nakayuko ay nagdiin ang mga kamao ko at nakaramdam ako ng gigil, gigil na noon ko lamang naramdaman. Susuntukin ko na sana ang matabang bata na mas malaki pa kaysa sa akin nang hawakan ako ng dalawang bata sa magkabilang kamay. 

"Bitawan niyo ko! Bitawan niyo ko! Pag ako nakawala rito..!" pagbabanta ko sa kanila. Nagpupuyos ang galit sa dibdib ko pero wala akong magawa. Pilit akong pumipiglas sa pagkakahawak nila pero hindi ako makawala.

"Eh wala naman pala to eh.." pagmamalaki ng sumuntok sakin kanina na ngayo'y unti-unting lumalapit sakin. Hawak niya sa kanang kamay ang manika na maruming-marumi dahil sa alikabok na kumapit dito. Hinawakan niya ang kwelyo ng t-shirt ko.

"Bitawan niyo ko! Bitawan niyo ko!" paulit kong sigaw ngunit sa mas malakas na pagpipiglas. Lalo namang humigpit ang pagkakahawak sakin ng dalawang bata na kapwa nakangiti ng masama at hinihintay ang susunod na gagawin ng lider nila.

Bumitaw siya sa kwelyo ng damit ko. Binwelo ang kaliwang kamay palikod at itinapon ito sa mukha ko. Sinundan ito ng isang malakas na suntok sa sikmura ko na nagpasikip ng paghinga ko.


Nakayuko ako sa lupa. Hawak pa rin ang mga kamay ko ng dalawang batang lalaki na ngayo'y walang humpay na sa pagtawa. 

Hindi ko na maramdaman ang mga bisig ko. Tila ba nawalan ng hangin ang tiyan ko kaya't walang nagtutulak sa mga salita na gusto kong sabihin. Wala na ring lakas ang katawan ko para magawa pang lumaban. Puro paimpit na sigaw ng sakit ang lumalabas sa bibig ko.

Inihagis sa ulo ko ang manika. Nahulog ito sa harap ko. Ni hindi mo na nga 'to maisip na paglaruan pa sa sobrang dumi. Pero, alam kong mahalaga ito sa batang babae.

Iniangat ko ang ulo ko. Nun ay nasilayan ko ang mga matang nanlilisik, mga mata na nakatingin sa akin na para bang mga mata iyon ng lobo. Tumalikod siya. Humakbang papalayo sabay sinipa ang ulo ng manika na noon ko lang namalayan.

Kasabay nito ay ang pagbitaw ng dalawang lalaki sa mga kamay ko at naglakad na rin papalayo. Naiwan akong halos hindi na makatayo. Nakaluhod ang isa kong binti at hawak ko ang tiyan ko.


"Ayos ka lang po ba?" sabi ng babae na nangingilid pa rin ang luha sa mga mata. Nasa harapan ko siya at tumingin sa mukha ko para malaman kung ayos nga ako.

Tinapik ko ang kamay niya na kanina'y nakahawak sa noo ko.

"Ayos lang ako!" sagot ko para takpan ang sakit na nadarama ko mula sa kanya.

Nagkukunwaring ayos na, pinulot ko ang manika na nahulog sa damo na makahiya. Dahil sa walang-ingat ko na pagpulot,bumaon ang tinik ng makahiya sa hintuturong daliri ko.

"Aray!" sambit ko. Nahulog muli ang manika. Tinignan ko ang daliri kong iyon at tinanggal ang tinik na bumaon. Ilang segundo pa ay dumugo na ito.

Lumuhod rin ang batang babae. Pilit niyang kinuha ang kamay ko at hinawakan ito sa pagitan ng mga kamay niya. Nilapit niya ang bibig niya sa daliri ko. Nagulat ako ng sipsipin niya ang dugo.

"T-t-teka. Tigilan mo nga yan." at inalis ko ang kamay ko sa pagkakahawak niya. Tumayo na ako ngunit dama ko pa rin ang sakit na dulot ng mga suntok sakin kanina. Itinayo ko na rin siya. Pinulot ko ang manika. Pinagpag ito at iniabot ko sa kanya.

"Ayan na yung manika mo. Sa susunod kasi wag ka na iiyak. Para di ka nila inaaway." pangaral ko pa sa mahinang boses.

"Salamat po Kuya." lumabas sa bibig niya sabay sukli sakin ng isang magandang ngiti. Niyakap niya ang manika. Tumalikod siya sa akin at naglakad palayo ng palukso-lukso pa. Bago siya mawala sa paningin ko ay nagpaalam pa siya sa akin at kumaway. Bakas sa mukha niya ang kasiyahan.

Hinawakan ko ang tiyan ko. Masakit pa rin ito. Kahit ang nasa isip ko ay ang sakit ng katawan ko, biglang bumalik ang pangyayari kung saan sinipa ng nakaaway ko kanina ang ulo ng manika.

"Oo nga pala! Yung ulo ng manika.." bulong ko.

Tinungo ko ang dakong iyon kung saan ko huling nakita ito. Hinawi ko ang mga damo at sinipat ang bawat lugar.

"E-e-eto!" napabulalas ako.

Pero wala na yung batang babae. Pano ko maibibigay to sa kanya? Makikita ko pa kaya siya? 

"Ang Pamana Ni Tatay"Where stories live. Discover now