"Put****** mo Aries! Wala nang nangyari sa buhay natin! Imbes na panggatas na sana ng anak natin yang ipinampupuno mo diyan sa bahay-alak mo!" sigaw ng isang ale na nakabestidang red at pinadedede pa ang 7 months old na sanggol.
"Aba, ano bang pakialam mong babae ka ha? Ano bang pinagpuputok ng butsi mo? Kala mo ba masaya ako kapag nakakainom ako? Gamot ko 'to para makalimot sa hirap ng buhay natin! Put****** mo rin!" sagot sa mas mataas na tono ng isang manong na nakahubad at nakasampay ang damit sa balikat habang hawak ang isang lapad ng alak.
Dinuro-duro pa ng ale ang asawa niya hanggang sa pumasok siya sa loob ng bahay nilang pinagtagpi-tagping plywood, sambit pa rin ang malulutong na mura bago ang pangalan ng asawa.
Ang asawa niya, bagama't lasing, ay tuwirang nakipagsagutan sa nagngangalit na ale. Kasabay nito ay ang pagsinghal ng sanggol na halatang gutom na gutom pagka't wala nang maipadede ang nanay niya. Walang humpay ang bangayan ng dalawa na wari mo'y di na matatapos pa.
Yan ang huling nasaksihan ko hanggang sa punuin ng bulung-bulungan ang dalawang tenga ko ng nag-uumpukang mga tsismosa sa lugar namin. Nakalagpas rin ako sa napakitid na eskinita na yun palabas ng compound namin.
"HAHAHAHAHAHA.." halagapak na tawa ng mga nag-iinuman sa labasan. Marahil ay ito ang kainuman ng manong na iyon. Tanghaling-tapat pero heto sila at nagsisimulang lasingin ang bawat isa.
"Hoy! Bawas-bawasan niyo naman ang ingay niyo! May nagsisiesta dito! Mga walang galang! Tambay na nga lang eh. Perwisyo!" pagsita ng isang lola pagkadungaw sa bintana.
Hindi nakaimik ang mga nag-iinuman. Nagpatuloy sila sa kwentuhan at nagpipigil sa pagtawa. Isinara naman ng lola ang bintana matapos masigurado na hindi na muli mag-iingay ang mga ito.
Ganito lagi dito sa amin. Sigawan at bangayan ang tanghalian. Wala yatang lugar ang katahimikan dito. Maya't maya na lang ay may nag-aaway. Pinapasikip pa ang daanan ng mga tambay na walang magawa. Mapapatingin ka na lang sa kanila kapag nadadaan ka.
Kahit naman ganyan sila, wala silang inaagrabyadong iba.
Papunta nga pala ako sa tambayan namin sa ibayo, ang Baryo Otso. Dati kasi kaming nakatira dun. Nalayo ako sa kinalakhan kong lugar nang maisipan nilang lumipat dito sa compound. Kinuha kasi ng Pag-Ibig ang bahay na tinitirhan namin. Hindi na raw kasi nakakahulog.
Malayo-layo ang Baryo Otso dito sa amin. Liblib ang lugar na iyon samantalang malapit naman sa bayan ang tinitirhan namin ngayon. Kulang-kulang bente minutos ang paglalakad papunta dun. Sulit naman ang pagod dahil makakasama ko ang mga kababata ko't katropa.
Puros matatanda kasi ang nakatira dito sa compound. Wala akong mga kaedaran dito. Mapait ang katotohanan na ang mga kabataan rito ay namamatay ng maaga dahil sa sakit at gutom. Swerte na raw yung mga tumutuntong ng 14 anyos. Kaya naman wala akong nabuong samahan. Patay ang social life kumbaga.
"Oo nga pala! Birthday nga pala ngayon ni Jomar. Kaya pala pinapupunta nila ko.." bulong ko sa sarili ko habang naglalakad.
Chickboy ang katropa naming 'to dahil sa taglay niyang kagwapuhan. Marami siyang kaibigan kaya sigurado na marami ring pupunta. Idagdag mo pa ang mga kaBrad niya.
Oo,kasali siya sa isang fraternity. Lima silang katropa ko na kasali sa fraternity na ito.
Isama mo na rin ang mga katrabaho niya na makikisali din sa birthday celebration niya.
"Siguradong aabutan ako ng madaling-araw nito. Buti na lang may pasok si Papa bukas. Kung hindi, sasabunin nanaman ako nun pagkauwi ko." dagdag ko.
Mainit man ay busy pa rin ang kalsada. Maraming naglalakad paroo't parito. Habang ako, pinagmamasdan ang bawat makasalubong ko.
Mayroong couple na naglalakad at magkahawak ang kamay. Nakahawak ang isang kamay ng babae sa tiyan niya na animo'y may lamang langka. Nakakabigla kasi katorse anyos ang tantsa ko sa kanya.
At nang madaan naman ako sa Jollibee, kitang-kita ko galing sa labas ang isang dalagang bihis na bihis. Pinapaikot-ikot niya ang straw sa baso ng softdrink, pinapaglaruan ang dadalawang yelo na laman ng baso.
Nakangisi niya habang nakatingin sa relo niya na gold plated. Bakas sa mukha niya ang naguumapaw na pagkainip.
Sa tabi naman ng mismong fastfood chain na ito ay ang pila ng mga pulang traysikel. Dalawang driver ang nagchechess sa lamesitang kahoy. Tahimik naman na nanonood sa kanila ang tindero ng sigarilyo na may mahabang pormang-stockings sa braso.
Karamihan sa mga driver ay nakahiga at natutulog. Nakasampa ang dalawang nanlilimahid na paa sa manibela ng motor. Nakapatong naman ang ulo sa pinagkrus na kamay sa ibabaw ng backseat. Nabingi na yata sila mula sa ingay ng paligid dala ng sobrang pagkaantok.
Ewan ko kung bakit ba ganito ako. Trip kong titigan ang mga nakakasalubong ko. Parang mannerism na nga ang dapat itawag dito. Alam ko namang nakakailang ito lalo na't hindi ko naman sila kilala at ganun din sila saken.
Natutuwa lang kasi ako. Sa pagtitig ko sa kanila, para ko na ring binabasa ang istorya ng buhay nila. Nakikilala ko na rin sila sa pamamagitan ng simpleng sulyap na iyon.
"Haaaaaaay.. Inabot pa ko ng red light. Malas." sabi ko habang patawid na sana ng highway. Napatingin sakin ang isang lola at bumawi rin ng tingin.
Marami rin akong kasabay. Siguradong pare-parehas ang tumatakbo sa isip namin ngayon -ang maging green ang taong nakadrawing sa isang ilaw na nakasabit sa poste.
Nanatili kaming lahat sa ganoong pwesto hanggang matapos ang isandaang segundong duration ng red light. Napabuntong-hininga ang lahat pagpalit nito sa green light.
Sa pagkaatat ko, nauna na akong humakbang sa halos kinse katao na kasabay ko.
Diretso lang ang tingin ko sa kabilang dulo ng aspaltong kalsada.
Naka-limang hakbang na ako. Kasalukuyan akong nasa gitna na ng pedestrian lane. Itatapak ko na ang pang-anim na hakbang ko nang,
"Ayyyyyyyyyyyyyyyyyyyyy..!" sigaw ng lahat.
Kasabay nito ay ang paghatak sa kwelyo ng t-shirt ko mula sa likod ng taong hindi ko na nakita sa bilis ng pangyayari.
Nagovertake kasi bigla ang isang RaiderJ na motor sakay ang driver nito na nakahelmet na neon green. Bumulusok ito pa-abante kahit red light na ang sa mga sasakyan.
Nawala ako sa sarili ko nang makitang papunta sa direksyon ko ang motor na yun. Napatingin na lang ako dito at nagmistulang tuod. Mabilis na tibok lang ng dibdib ko ang naririnig ko.
Napanganga ako sa sobrang pagkagulat.
"Tarantadong driver! Mabunggo ka sanang walangya ka!" pahabol ng isang ale na hawak ang naglolollipop na anak sa driver na noo'y nakatakbo na ng pitong metro mula sa amin.
Pagkatapos ng isang mabilis na sandaling iyon, inayos ko ang kwelyo ko at pasimpleng tumingin sa likod.
"Sino kaya ang humatak sakin?" tanong na tumakbo sa isip ko.
Sa bilis ng pangyayari na iyon, siguradong ang tao lamang sa likod ko ang makakagawa na mabilis na hatakin ako palayo sa pagkakabunggo.
Inikot ko ang mata ko.
Babaeng nakapink blouse, black leather skirt na hanggang tuhod ,white big belt at shoulder bag na metal chain ang panukbit sa balikat ang nasa likod ko.
Maganda siya. 5"5 ang taas. Kapansin-pansin ang kaputian niya. Mamula mula ang pisngi niya. Nakaponytail ang mahaba niyang buhok na nakalatag sa balingkinitan niyang katawan.
"Hindi naman siguro ito yun? Sobrang hinhin nito. Parang hindi niya kayang gawin ang ganun." pagkikilatis ko sa isip ko.
Pokerface lang siya.
Nakaramdam ako ng onting pagkapahiya. Kasi kung siya nga ang humatak sakin, epic fail ang nangyari.
Bumalikwas ako mula sa pagkakatitig ko sa kanya. Humakbang na ako palayo nang may pagmamadali.
"Siya nga kaya yung nagligtas sakin?"
"Imposible yata."
"Hindi man lang ako nakapagpasalamat.." pakikipag-usap ko sa sarili ko nang makatawid na sa highway na iyon.
YOU ARE READING
"Ang Pamana Ni Tatay"
أدب الهواةMay kwentong pag-ibig na kailanman ay hindi nabatid., naisulat pero hindi narinig...