Prologue

671 12 4
                                    

"Wala ka na bang ibang nakalimutan?" tanong ni daddy sa'kin habang isa-isang inilalagay sa container truck ang mga kahon na naglalaman ng gamit namin. Si mommy naman ay abala sa pag-aayos ng ibang gamit na pwedeng ilagay sa sasakyan. Marahan akong umiling.

Lumapit si daddy sa'kin at inakbayan ako, kasalukuyan kaming nakatingin sa bahay na naging tahanan ko sa loob ng maraming taon. Nakakalungkot isiping iiwan na namin ang bahay na 'to. Bata pa lang ako, nakita ko na kung paano nagsumikap ang parents ko para pagandahin ang bahay kung saan kami nakabuo ng maraming masasayang alaala.

"Darrell, alam kong mahirap para sa inyong dalawa ng mommy mo na iwanan ang bahay na 'to. Pero kailangan tayo ng Lola Miranda mo. Alam mo namang wala ng ibang mag-aalaga sa kanya kung 'di tayo lang di'ba?" saad ni daddy habang nakatingin sa'kin. Tumango ako.

Ayon kay mommy, 'di na raw maganda ang kondisyon ni lola. Nagiging makakalimutin na raw 'to at mabilis mapagod. Ang dalawang kapatid ni daddy ay sa ibang bansa na nakatira, may sarili na sari-sarili na rin pamilya. Si daddy lang ang pinakamalapit na pwedeng mag-alaga kay lola. Sa totoo lang, nalulungkot din ako para sa kalagayan ni lola, pero may part sa'kin ang mas gustong manatili rito.

Isang taon na lang at graduate na ako ng high school, 'tsaka marami na rin akong naging kaibigan dito. Sobra ko silang mami-miss 'pag umalis kami. Kahit na merong Facebook at Instagram, iba pa rin 'yung araw-araw mong nakikita ang mga kaibigan mo — lalo na siya.

Hanggang ngayon, 'di ko pa nasasabi sa kanya na ngayon ang alis namin, at malamang, 'di na rin kami babalik dito. Marami akong gustong sabihin sa kanya bago kami umalis pero hindi ko alam kung sa'n o paano magsisimula.

Pagkatapos isakay ang lahat ng mga gamit namin sa container truck ay sumakay na ako sa van na nakaparada ilang metro ang layo mula sa bahay. Sumunod na rin ang parents ko pagkatapos masigurado na wala na kaming ibang gamit na naiwan. Mataman kong tinitigan ang bahay na para bang naghihintay akong magpaalam din ito sa'kin, ilang sandali pa ay pinaandar na ni daddy sa sasakyan.

"'Nak, si Enoh ba 'yon?" ani mommy habang nakatingin sa side mirror ng van.

Biglang kumabog ng malakas ang dibdib ko. Paano niya nalaman? Wala naman akong ibang pinagsabihan tungkol sa pag-alis namin bukod sa class adviser ko. Lumingon ako at nakita ko na panay ang pindot ni Enoh sa doorbell ng bahay. Ibinalik ko ang atensyon ko sa aking cellphone.

"Parang 'di naman po." pagsisinungaling ko.

We've been friends since we were kids. Kabisado na namin ang hilig at ayaw ng isa't isa, maging ang sari-sarili naming itsura ay saulado na rin ng aming mga mata. Pero ngayon, gusto kong magpanggap na hindi ko siya kilala. Gusto kong paniwalain ang isip ko na hindi siya ang aking pinakamatalik na kaibigan.

Kahit ngayon lang.

Nagkatinginan sila mommy at daddy pero hindi na nila ako kinulit pa. Saglit akong lumingon. Habang papalayo kami sa dati naming bahay, nand'on pa rin si Enoh at hindi umaalis. Ngayon ay nakaupo na siya sa pavement at nakayuko. Siguro, may mga bagay na mas mabuting 'di na sabihin at hayaan na lang mabaon sa limot, di'ba?

***

"Darrell, bumaba ka na riyan. Kakain na tayo!" Tawag ni mommy sa'kin mula sa labas ng kwarto ko . Agad kong pinatay ang laptop at ipinatong ito sa study table. Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang lumipat kami dito sa San Valentino. 'Di kasing laki ng Manila pero marami pa rin naman pwedeng puntahan.

Palabas na sana ako ng kwarto ko nang mapansin ko ang ilang gamit na hindi ko pa nailalagay sa storage box. Nakapatong sa study table ko ang isang nakatuping envelope na may lamang sulat na gawa ko, isang bear key chain at picture frame. Kinuha ko ang huli at pinagmasdan ito. Napangiti ako habang tinitignan ang mga masaya naming mukha ni Enoh sa picture. Kung 'di ako nagkakamali, ito 'yung Recognition Day sa school kung sa'n parehas kaming nakatanggap ng award.

Biglang nabura ang ngiti sa labi ko nang maalala ko ang huling araw na nakita ko siya. Kamusta na kaya siya ngayon? NNapailing ako. Marahan kong inilagay ang lahat ng iyon sa storage box kung sa'n nandoon din ang ilang gamit na hindi ko na mapapakinabangan pa.

Siguro, mas mabuti na 'to.

***

"Mommy, nasa'n po si daddy?" tanong ko habang kumakain kami.

"Binabantayan niya ang lola mo. Mamaya, ako naman ang papalit sa kanya." nakangiting wika ni mommy. Kahit na mabigat ang pinagdadaanan namin ngayon, nakukuha niya pa rin ngumiti. How I wish katulad ako ni mommy pagdating sa pagharap sa mga problema. Tumango lang ako at nagpatuloy sa pagkain. Sabay kaming napatingin ni mommy sa living room nang biglang mag-ring ang telephone. Tatayo na sana ako para sagutin 'to pero inunahan na ako ni mommy.

"Ella! Kamusta ka na?" Narinig kong bungad ni mommy sa kausap niya. "Okay naman kami dito. Nag-a-adjust pa din pero okay naman. Kayo nila Enoh, kamusta?" Dugtong pa ni mommy. Tumayo ako mula sa upuan at mas lumapit pa ng kaunti para marinig ang pinag-uusapan nilang dalawa. Bakit napatawag ang mommy ni Enoh?

"Si Darrell? Oo, nandito siya...gustong kausapin ni Enoh? Sandali a," saglit na inilayo ni mommy ang telepono at sinenyasan ako na lumapit sa kanya.

Napalunok ako. Anong sasabihin ko 'pag nag-usap kami? Hindi ko alam. Blanko ang isip ko at parang walang kahit anong salita ang tumatakbo sa utak ko ngayon. Siguro, dapat kong simulan sa paghingi ng tawad sa kanya. Siya ang best friend ko pero hindi ko sinabi sa kanya na lilipat na kami dito sa San Valentino. Wala siyang natanggap sa'kin na kahit anong paliwanag man lang. Hahakbang na sana ako palapit pero bigla akong sinenyasan ni mommy na tumigil.

"Gano'n ba, sayang naman. Sige mare, salamat sa tawag. Ingat kayo diyan nila Noel ha? Hopefully, makadalaw kayo dito." masayang saad ni mommy bago tuluyang binaba ang telepono.

"Dumating na raw kasi Lauren 'nak, inaaya nang umalis si Enoh," kwento sa'kin ni mommy nang makabalik kami sa dining area. "May lakad daw 'yung dalawa. Sayang, 'di man lang kayo nakapagusap."

Tumango lang ako bilang sagot pero parang biglang bumigat ang pakiramdam ko sa mga sinabi ni mommy. Pagkatapos kumain ay agad akong pumanhik sa kwarto. Habang nakahiga, mataman kong tinitigan ang picture naming dalawa ni Enoh sa cellphone ko. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko, kasabay n'on ay ang pagtulo ng aking mga luha ko.

I fell in love with my best friend, and I didn't know it would be this painful.

HookedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon