Kanina, kinausap ako nina Kristel. Ito na siguro ang unang beses naming nag-usap sa matagal na panahon. Apat na taon kung kakalkulahin mong maigi. At kung mag-usap man kami, tungkol ‘to sa isa’t-isa. Sa pag-aaway namin. Ngayon, tungkol ito sa buhay ng mga kaibigan ko. Tulog na ang lahat nang mag-usap kami. Ako, siya at si Diane. Nagbabantay si Diane kung may magigising man o wala.
“Ano bang tungkol sa kanila?” sabi ko sabay turo sa mga kaibigan kong natutulog.
“Meron akong deal para sayo.” Sabi ni Kristel.
“Ano?”
“Hindi ko papatayin ang mga kaibigan mo. In exchange of the lives of my friends.”
“Ha?” hindi ako makapaniwala sa narinig ko.
“Simple lang naman diba? Hindi ko kayo papatayin hangga’t wala kang ginagalaw sa mga kasama ko.”
“’Yun lang?” tanong ko.
Sinagot niya ang tanong ko nang isa pang kondisyon. Binigyan niya ako ng listahan ng mga taong kagrupo niya. Hangga’t walang namamatay sa kanila, walang papatayin sa amin. At kung meron man, magiging mata sa mata at kuko sa kuko ang patakaran namin. Nagbigay siya ng plano na papatay siya ng tao. May sasabihan akong kasama ko ng mga plano na gawa-gawa ko lang. Sisiguraduhin naming magmumukhang totoo ang lahat.
“Tapos ka na?” sagot ko sa mga kondisyon niya.
Sinagot niya akong muli ng isa pang kondisyon. Maiiwan sa kanila si jessica. Kung saka-sakaling namatay man ako sa unang araw ng plano. Kung hindi, babalikan ko siya sa ikalawang araw kasama ng dalawa kong ka grupo. Sinigurado niyang si Alec ang isa. Papatayin niya si Alec dahil siya ang nakikita niyang pinaka malaki niyang kalaban maliban kay Sarah.
“Oo. So, do we have a deal?” at iniabot niya sa akin ang palad niya.
Napaisip ako ng matagal. Papayag ba ako? Papayag ba akong isakripisyo ang buhay ni Alec para sa nakararami? At sa tanong na iyon, alam ko na ang sagot ko.
“Deal.” Inabot ko ang kamay niya.
Bumalik ako sa pwesto ko. Deal? Kay Kristel? Sa unang tingin palang eh may masama na siyang binabalak. Pero kung para sa mga kaibigan ko, ok lang. Kailangan ko ‘tong gawin para sa kanila. Basta, walang mamamatay sa grupo nila at wala ring mamamatay sa grupo namin. Ang ipinagtataka ko lang, bakit kailangang ako pa ang sabihan nila nito? Bakit kailangan pa nilang ipaalam sa iba kung pwede naman na nila kaming isa-isahin habang natutulog? Bakit?
Dumating ang panahong inaantay ko. Pinatay na ni Kristel si Lovely. Ito na ang pagkakataon. Tumakbo si Alec papunta kay Kristel at sinaksak ang hita nito. Inutusan niyang kunin ang itak na biitawan ni Kristel. Kagaya ng pinlano, kinuha ko ang tinapay at tubig na nakalagay na sa bag ko. Iniabot ko kay Vanessa at Erika ang mga para sa kanila. Sumigaw ako para sundan nila ako papunta sa isang kweba na nakita nina Kristel kahapon.
Pagdating namin doon ay nakikita kong walang nakasunod sa amin. Sinusunod nila ang plano sa ngayon. Natulog kami nang sumapit ang gabi. Kinaumagahan, yinaya ko si Alec at Angelica para mag-obserba kina Kristel. Umaayon sa plano ang lahat. Dumating kami doon. Hindi ko man inasahan na naroroon si Pat at Dorothy, itinuloy pa rin namin ang lahat. Nalaglag si Angelica mula sa puno nang lumabas si Alec. Sinunggaban nito si Kristel. Alam ko na ang gagawin ko.
Kinuha ko ang itak at ibinaon ito sa likod ni Alec. Sa pagbagsak niya ay sinambit ko ang mga huling salita na maaari kong ipabaon sa kanya.
“Paalam.”