Chapter 5 - Raphael

16 0 0
                                    

August 5, 2011. Gusto ko nang sabihin kay Angelica lahat ng nararamdaman ko para sa kanya, pero sa loob ng tatlong taon, hindi ko pa rin nailabas ang tunay kong damdamin. Kaya nakapagdesisyon akong sabihin kay Angelica lahat. Gusto kong malaman niya na mahal ko siya. Na hindi ako nagmahal ng ibang babae maliban sa kanya.

Pero nasira ang lahat ng dumating ang kalbong nagsabing kailangan naming sumama sa kanya. Natawa ako sa balitang iyon. Tignan mo nga naman ang swerte ko. Buong araw akong asar at kabado. Lalo na nung binaril ang sundalong nasa harapan nila ni ate Pat kanina. Akala ko ay siya ang binaril, lalo na nung nakita ko ang dugo sa mukha niya. Buti na lang at hindi naman pala.

Kinaumagahan. Tapos na ang orientation namin. Alam na naming lahat na kailangan naming magpatayan. Kailangan naming patayin ang isa’t-isa. Kailangan naming bahiran ng kanya-kanyang dugo ang mga kamay namin. Ayokong mangyari ‘to. Lalo na para kay Angelica. Ayokong pumatay siya. Pero mas ayaw kong mamatay siya. Kaya gagawin ko ang lahat para protektahan siya.

Matapos ang atake kila Mario, narinig ko ang sigaw ni Crislie. Sabay kami ng naisip ni Gerald at tumakbo papunta sa kanila. Pagdating doon ay hindi ko inaasahan ang nakita ko. Si Olive, may hawak na armas na may dalawang talim. May dugo ito. Nakita naming may tatlong mababaw na saksak si Crislie. Sa braso, binti at hita. Lumapit kami ni Gerald, sinisigurong may distansiya kami kay Olive.

“Olive, bakit mo ‘yan ginawa?” tanong ko.

“Simple lang naman. Gusto kong mabuhay. At ayokong mamatay si Crislie sa kamay ng ibang tao. Kaya minabuti ko nang ako ang kumuha ng buhay niya.” Sagot ni Olive.

Lumapit si Gerald kay Crislie.

“Humihinga pa siya.” Sabi sa akin ni Gerald.

“Dahil yan sa hindi pa kumakalat sa katawan niya ang lason. Asahan niyo bukas nang umaga. Pagkagising niyong lahat, patay na siya.” Sagot muli ni Olive.

“Ha?” hindi ako makapaniwala sa sinabi niya.

“Ito ngayon ang gagawin niyo. Babalik kayo doon dala ang katawan niya. Sasabihin niyong nakagat siya ng ahas sa isang malaking hukay. Hindi ako nakaligtas.” Utos niya.

“At bakit naman namin gagawin iyon?” sabi ni Gerald.

“Dahil iyon ang kailangan para mailigtas natin ang nakararami. Para mabuhay sila. Para kaunti lang ang mamatay. Siguraduhin niyong maniniwala silang lahat. At siguraduhin niyong mabubuhay si Ann. Si Ann ang kailangan niyo para hindi kayo mamatay. At para hindi mamatay ang marami.” Paliwanag ni Olive.

“Bigyan mo ako ng isang magandang dahilan para paniwalaan ka namin.” Hiningan ko siya ng paliwanag.

“Dahil si Ann lang ang pag-asa niyo. Please Raph. Maniwala kayo sa akin.” Sabi ni Olive.

Nakita ko sa mga mata niya ang sakit na nararamdaman niya sa mga nangyayari ngayon. Pumayag ako. Dinala namin si Crislie at umalis siya. Mas lumayo sa aming lahat. Umayon ang lahat sa plano, pero nagkagulo ang lahat nang pinatay ni Kristel si Lovely. Nakita kong umalis sila Ann. Papunta na rin si Alec at Angelica kaya minabuti ko na ring sumunod. Nakadating kami sa isang kweba. Doon kami tumuloy.

Dumating sa puntong napagdesisyunan nina Karen na bumalik sa dating kampo. Pumayag ang lahat. Pagkalabas palang nila, nagkatinginan kaming lima. At sa mga tinging iyon, isa lang ang ibig sabihin. Kailangan naming patayin ang magpapabagal sa aming lahat. Binuhat namin ang natutulog na si Hazel. Ako, si Ann at si Sarah ang magkakasama. Mas pinili kong sila ang kasama ko para mayn sumuporta sa akin na kagaya ni Sarah, para may isa pang lalakeng maiwan sa iba, at para mapagmasdan ko si Ann ng malapitan. Kailangang hindi mawala ang tingin ko sa kanya.

Itinapon namin si Hazel sa isang bangin na nakita namin. Paalis na kami nang nakita sina Jane at Imerey. Para makaiwas sa gulo, minabuti namang tumakbo na lang pabalik at huwag nang magpakita. Pagbalik sa kweba ay inabutan namin ang limang katawang nakahandusay sa lupa. Mga bangkay. Sinabi sa amin nina Venus ang lahat ng nangyari. Na inatake sila nina Leo at namatay si Jemina sa pagtaas ng lagnat nito.

Ilang oras lang ang nakalipas nang bumalik sina Angelica. Isinalaysay ni Venus at Ann ang lahat. Humantong din kami sa pagdedesisyon na aatake kami kina Kristel para ipaghiganti ang mga pinatay nila. Sa pagkakataong ito, kailangan kong protektahan si Ann. Kailangang hindi siya mamatay. Dahil alam kong siya lang ang pag-asa para hindi mamatay si Angelica. Para maportektahan ko siya.

Sumunod ang mga napaka bilis na mga pangyayari. Nabaril ako ni Kristel. Walo na lang kaming natira. At natagpuan ko ang sarili kong may kutsilyong nakabaon sa lalamunan ko pagkatapos ng pagsabog ng granada. Si Angelica ang huli kong nakita nun. At alam kong nabigo ako sa misyon ko. Sa misyon kong protektahan siya. Sa misyon kong panatilihin siyang buhay.

FAMES LUDI: Mendacium Octavo (Ang Walong Kasinungalingan)Where stories live. Discover now