Hinabol ko si Jane. Kailangan ko siyang patayin. Kailangan ko siyang mapatahimik, taliwas sa mga utos sa akin ni Ann. Taliwas sa mga sinabi niya sa akin na huwag ko siyang patayin. Wala na akong pakialam. Pare-pareho lang kami ngayon dito. Mga dagang nagpapatayan para sa isan piraso ng keso.
Pero sinunod ko pa rin ang utos niya na ipadala sina Leo sa lungga nila. Para patayin sila. Pagkatapos kong laslasin ang leeg ni Jane, dapat kong malaman kung ano man ang nangyari sa kanila. Natapos ang laban namin at napuruhan ako. Nakatakas si Jane. Hindi na bumalik sina Leo. Dalawa lang ang ibig sabihin nito. Kung hindi sila napatay, kumampi sila kila Karen at kami ngayon ang papatayin nila.
Kailangang mamatay ni Ann. Siya ang puno’t dulo ng lahat ng ‘to. Siya ang may kasalanan, kaya dapat niya itong pagbayaran.
Dumating ang araw ng pagtutuos. Lima na lang kaming natitira at buo ang loob ko. Papatayin ko si Ann. Direkta na akong lumapit pero nakatakbo sila. Si Sarah ang nakaharap ko, ang pinakamahirap kong kalaban. Sinangga niya ang itak ko. Alam kong oras na lang ang binibilang bago ako matamaan ng mga tira niya. At nang dumating ang pagkakataong iyon, sinabi ko ang dapat kong sabihin. At sana, hindi pa huli ang lahat.
“Patayin mo si Ann.”