SELOS.
LIMANG letra. ISANG salita. Ang hirap bigyan ng kahulugan. Ang hirap sabihin ang tamang depinisyon. Sapagkat isang emosyon na ang hirap tanggapin at damdamin.
Nagsimula sa S. SAKIT. Ang sakit makita na nagsasaya kayong dalawa. Tila bang walang makakagulo sa mundong inyong ginawa. Ang sakit magising sa realidad na wala akong karapatan. Sapagkat ikaw ay sa malayo ko lamang namamasdan.
Sinundan ng letrang E. EWAN. Ewan ko nga ba't nagpapakatanga ako sa isang katulad mo. Di mo nga makita ang tunay na ako. EWAN. Bat ko piniling maramdaman ito sayo. EWAN. Ang sagot ko tuwing tinatanong nila kung bakit kita gusto.
At agad sinundan ni L. LUHA. Ilang balde ng luha ang nalabas ko sayo. Ilang balde ng luha ang iniyak ng tangang si ako. Wala akong karapatan ngunit bakit kung maghinagpis ako'y tila ba tayo minsay naging magkasintahan at tila ba' may malalim na pinagsamahan.
Pagkatapos ay letrang O. OO. Sagot ko sa tanong nilang ikaw ba ay gusto ko. Oo. Masakit ngunit lumalaban padin ako. OO. Napapagod na ngunit di ko kayang itigil ito. At OO. Akoy umaasa parin na sana, sanay pwede magkaroon ng salitang tayo.
At ang panghuli ay si letrang S na naman. SANA. Sana, ako nalang. Ako nalang siya. Sana makita mo ang paghanga ko sayo. Sana mapansin mo ang damdamin ko. Sana pwede tayo. Sana gusto mo rin ako. Sana sana sana talaga.
SELOS. Ang hirap bigyan ng tamang kahulugan. Ang hirap sabihing tama nga ba o hindi maramdaman. Pero normal naman ito diba? kung nagmamahal ako ng taong tulad mo na may mahal na iba.
Isang emosyon na ang hirap pigilin. Isang emosyon na winawasak ang puso mo ng paulit ulit. Ganon talaga, magselos man ako, alam ko sa sarili ko. Ikaw ay walang pakielam sapagkat hindi ako ang gusto mo.