Chapter 1
"BAKIT nakasarado ang factory?" tanong ni Riley sa katrabaho na nagkakandahaba ang leeg sa pagtingin sa loob ng factory. Nasa labas sila ng gate ng factory na nakakandado.
"Binenta na itong factory sa lalaking 'yon," turo nito sa isang lalaking matangkad, hindi niya makita ang mukha dahil nakatalikod ito sa puwesto niya. Pero base sa tindig, halata ngang nakakaangat ito sa buhay.
Pero wala siyang pakialam sa lalaki. "Paano na pala tayo? Saka bakit bigla-bigla naman kung magdesisyon si Mr. Chua?" tukoy niya sa nagmamay-ari ng factory ng mga de-latang pagkain
"Aba, ewan! Kaya nga nandito kami, makikiusap doon sa bagong may-ari na huwag tayong tanggalin sa factory. Aba! Ito na ang ikinabubuhay natin. Mahirap maghanap ng trabaho ngayon lalo sa tulad natin na hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral. At alam mo naman ang mga kompanya ngayon, mga bata ang madalas na kinukuha."
Napatango-tango si Riley. Talagang mahirap maghanap ng trabaho lalo na kung undergraduate tulad niya. Second year highschool lang kasi ang tinapos niya. Walang kompanya ang magha-hire sa tulad niya. Saka graduating na ngayong taon ang mga estudyante na may degree holder. Ayaw pa naman niyang makipagsiksikan sa mga job fair sa SM para lang maghanap ng trabaho doon.
Ilang sandali pa silang naghintay. Sa wakas ay palabas na si Mr. Chua kasama ang bumili raw nitong factory. Ang laki ng ngiti nito habang inaalalayan ang kasamang lalaki. Nagsilapitan agad ang mga katrabaho niya sa mga ito at nakikiusap na huwag silang tanggalin sa trabaho.
"Hindi puwede kayo trabaho rito," sagot ni Mr. Chua na may Chinese accent pa. "Ako benta factory Mr. Salvador," sabay turo sa lalaking nasa likod. "Ako utang bangko at para ako bayad, ako benta lupa factory kanya."
Tinitigan ni Riley ang lalaki. Bukod pala sa maganda ang tindig nito ay may maipagmamalaki rin ang lalaki. Guwapo kasi ito at malakas ang dating. Nakaka-intimidate pa nga dahil ngayon na magkatabi ito at si Mr. Chua, nagmukhang alalay itong boss nila.
"Sir, paano ang pamilya namin? Heto na lang ang kabuhayan namin, saka pasukan na ng mga anak namin sa eskwelahan, kailangan namin ng panggastos."
"I'm really sorry but you have to leave this place. Nasa pangalan ko na ang lupang kinatitirikan ng factory na ito at hindi kakailanganin ng bagong management ang mga trabahador na tulad niyo dahil gagawin ko itong restaurant ko. Tamang-tama ang location nito, malapit sa mga prospect guest namin," nakangiting sabi ni Mr. Salvador na mas lalong gumuwapo dahil lumabas ang pantay-pantay at mapuputing ngipin nito. Parang commercial model ng isang sikat na brand ng toothpaste.
Pero hindi siya dapat paapekto sa mukha ng lalaking ito! Kinuha nito ang kabuhayan nila! Kaya naman humakbang siya palapit dito at siya naman ang nakipag-usap.
"Bakit naman po bigla-bigla kung bilhin niyo itong factory na pinagtatrabahuan namin? Hindi niyo ba alam na ito lang ang ikinabubuhay namin? Saka ni wala man lang kayong abiso na aalisin niyo pala kami dito, paano na po ang pamilya namin?" Matapang niyang sabi na sinang-ayunan ng mga kasama niya.
Nakakunot-noo na binalingan ng lalaki si Mr. Chua. "Ano'ng sinasabi nila? Hindi niyo sila binigyan ng abiso?" Hindi nakasagot si Mr. Chua, alanganin na ngumiti ito at parang hindi alam ang isasagot sa lalaki. Napabuntong-hininga si Mr. Salvador. "Kung hindi niya kayo na-inform ay hindi ko na kasalanan iyon. Si Mr. Chua ang kausapin niyo kung saan niya kayo ililipat."
"Ano'ng sinabi mo? Wala kang kasalanan?" Parang umakyat ang dugo ni Riley sa kanyang ulo. "May kasalanan ka! Bakit kasi kinuha mo itong—"
"Correction, legal ko itong binili at hindi ko lang basta kinuha. And this is for business purposes, Miss. Hindi mo maiintindihan dahil wala ka naman sa business world."
"Wow, ha? Sorry naman kung hindi kami tulad mo na nakapagtapos ng pag-aaral at nasa business world, simple lang kasi kaming tao," sabi niya at ipinagdiinan ang salitang business world. "Ang gusto lang namin ay trabaho. Iyon lang. May binubuhay rin kami at kailangan namin itong trabaho kaya ibalik niyo kami sa trabaho. Hindi namin deserve ito dahil marangal kaming nagtatrabaho."
"I'm sorry pero si Mr. Chua ang—"
"Hindi namin kailangan ng sorry mo! Hindi namin makakain 'yan! Trabaho ang kailangan namin! Hindi ba mga kasama?" Mabilis na siyang sinang-ayunan ng mga kasama kaya nagkaroon siya ng lakas ng loob para magsagawa ng reklamo laban sa mga ito.
_____
PAGOD ang katawang naupo si Riley. Tinanggal niya ang kanyang sapatos at iniunat ang mga paa para madaluyan iyon ng dugo.
Hindi natuloy ang protesta nila. Ang mga katrabaho niya ay nasilaw sa pera na binigay ni Mr. Salvador. Twenty thousand ang binigay nito sa kanila. Ang pera na ginamit ay galing sa kalahati ng pera na binayad ni Mr. Salvador para makuha ang lupa na kinatitirikan ng factory. Ang mga kasamahan naman niya, pumayag na bayaran sa gano'ng halaga. Bihira lang daw na makahawak ng ganoong pera.
Pero mawawala rin naman agad ang twenty thousand na binigay ng Mr. Salvador na iyon. Makakapagsimula nga ng negosyo pero 50/50 ang chance kung uunlad ba iyon o hindi, depende kung paano hahawakan ang pera. Bakit ba hindi maunawaan ng mga katrabaho niya na kailangan nila ng mapagkukunan ng income sa araw-araw? Ngayon ay namomoblema siya dahil kailangan niyang maghanap ng trabaho ora mismo.
Kinuha niya ang sobre sa kanyang bag na naglalaman ng pera na binigay ni Mr. Salvador, oo, tumanggap din siya. Tinanggap na niya ang pagkatalo at nilunok ang pride, sa pagkakataon na ganito wala namang magagawa ang pride para may malamon silang magkapatid sa araw-araw.
Dito sila ng kanyang kapatid na si Maru nakatira sa squatters area sa Tondo. Silang dalawa ang magkaramay dahil wala na silang mga magulang. Namatay ang mga ito nang ma-trap sa nasusunog na bahay nila dati sa Makati. Limang taon na ang nakakaraan mula nang maulila sila. May umampon sa kanila noon, ang pinsan ng nanay nila, si Tiya Betty pero minamaltrato sila nito kaya lumayas sila at pinili na lang na tumira sa kalye kaysa ang maltratuhin.
Noong nanirahan sila sa kalye ay todo ang dasal niya na sana ay hindi sila matulad sa ibang naninirahan sa kalye na nag-a-adik kaya gumagawa ng masama. At sa awa ng Diyos ay hindi naman sila naging ganoon.
"Ate, maaga ka 'ata?"
Hindi namalayan ni Riley dumating na pala si Maru sa loob ng bahay. Pinasadahan niya ito ng tingin, pawis na pawis ito at may hawak na bola ng basketball. Napasimangot siya saka tumayo at piningot ang tainga nito.
"Aray ko, Ate! Ano ka ba? Bakit bigla ka na lang nananakit?" Reklamo nito habang hawak ang kaliwang tainga na kumikirot.
"Sina Timo na naman ang kasama mo, 'di ba? Hindi ba't sinabi ko na huwag kang masyadong maglalalapit doon sa mga kalaro mo."
"Ate—"
"Mga adik 'yon, ano ka ba? Baka mamaya—"
"Ate, kung iniiisip mo na naiimpluwesyahan nila ako, hindi mangyayari iyon."
"Kahit na! Adik pa rin sila! Ikaw, ha? Lumayo-layo ka sa mga taong 'yon kasi alam mo naman ang panahon ngayon. Kapag na-tokhang sila, madadamay ka."
Napangiti si Maru saka siya niyakap. "Mahal na mahal mo talaga ako, 'no, Ate? Siyanga pala, bakit nga maaga kang umuwi?"
"Nagsara na ang factory," iiling-iling niyang sabi. Naalala na naman niya ang antipatikong lalaki na 'yon. Nakakainis na por que may pera ay gagamitin na nito iyon para makuha ang gusto.
"Paano 'yan, Ate? Pasukan na sa susunod na buwan? Huminto na lang kaya ako at maghanap ng trabaho para makatulong sa gastusin? Tutal, nakaabot na ako ng second year sa—"
"Hindi ka titigil, igagapang ko ang pag-aaral mo hanggang sa makatapos ka sa koleheyo. Kahit na ano ang mangyari, magtatapos ka sa college. Hindi ka puwedeng magaya sa akin na ganito lang, hindi makahanap ng matinong trabaho."
"Thank you, Ate. Promise, hindi ko sasayangin ang hirap mo."
"Siguraduhin mo lang, ha? Saka layuan mo na rin ang mga adik mong kaibigan."
Natawa ang kapatid niya at muli siyang niyakap.
_____
RILEY Marie Concepcion...
Nalaman ni Aiden ang tungkol sa buong pangalan ng babae dahil kinuha niya ang resume nito doon sa HR ng factory. Gusto niya kasi malaman ang pangalan ng babaeng muntik mag-protesta dahil sa pagbili niya ng factory.
Matapang ang babaeng iyon, kung hindi niya agad naisip na bayaran ang mga trabahador ay siguradong sasama ang mga ito sa babae para mag-protesta. Hindi niya hahayaan na mangyari iyon. Matagal niyang sinuyo si Mr. Chua para makuha ang lupa na kinatitirikan ng factory nito.
Maganda kasi ang lugar na iyon sa Makati. Unang kita pa lang ay alam na niya na magiging source iyon ng magandang income para sa binabalak niyang pag-expand ng restaurant niya. May tatlo nang branch ang La Cusinas—isang buffet restaurant na naghahandog ng mga pagkain mula sa iba't ibang rehiyon ng Pilipinas—na nasa loob ng SM Fairview, Megamall at MOA This time, ayaw niyang sa loob ng mall lang naka-base ang restaurant niya. Gusto niya na mas lumawak ang abot ng mga guest niya.
At dito sa Makati ay nakapalibot sa lupang binili niya ang mga call centers, isang kilalang subdivision, ospital, malls at isang kilalang university. Mabuti na lang at nakuha niya ang lupa na iyon. Nalaman niya kasi na may utang sa bangko si Mr. Chua, hindi pa nito nababayaran ng buo ang lupa na kinatitirikan ng factory kaya naglahad siya ng proposal dito. Babayaran niya ang utang nito kapalit ng pagbibigay nito ng lupa sa kanya. Pumayag ito dahil plano na rin pala nitong umalis ng Pilipinas para sa China na mamalagi, may edad na kasi si Mr. Chua.
"Dad?"
Napalingon si Aiden anak. Nakapasok na pala ito sa loob ng kuwarto. Humarap siya rito at pinaupo sa sofa.
"Bakit? May kailangan ka ba, anak?"
Napabuntong-hininga ito. "Na-bully na naman ako ng mga kaklase ko."
"Gusto mo bang lumipat ulit ng school?"
"Ayoko. Gano'n pa rin naman, ibu-bully nila ako dahil malalaman nila na wala akong mommy."
Napatitig si Aiden sa anak. Si Charlotte, twelve years old na ito at nasa grade 6 na. Hindi na siya magtataka kung mag-reklamo ito na binu-bully dahil sa dati nitong pinapasukan ay gano'n din ang reklamo nito kaya palipat-lipat ito ng school.
Wala na ang mommy nito. Annulled na sila four years ago dahil sa pakikipag-apid nito sa kapwa modelo. Bago niya kasi napangasawa si Stella ay isa itong sikat na modelo. Pero nabuntis niya ito kaya agad na pinakasalan. Nagsama sila hanggang sa maipanganak nito sa Charlotte. Pero hindi niya alam na iniiputan pala siya ng sariling asawa sa ulo. Limang taon niya itong nakasama sa iisang bubong at limang taon din siyang pinagtatawanan nito. Ginagastos ang pera para sa lalaki nito na kapwa modelo.
Nalaman niya ang tungkol sa affair nito dahil din sa kanyang anak, isinumbong sa kanya na nahuli nito si Stella na may kahalikan. Ayaw niyang maniwala noon pero hindi siya matahimik kaya naglagay siya ng hidden camera sa kotse nito. Doon nalaman niya ang totoo. Hindi lang halikan ang nagaganap sa mga ito, mayroon din sexual.
Hindi niya hinintay na makausap si Stella, ora mismo ay kinausap niya ang kanyang abogado para mag-file ng annulment. Pero hindi pala kasama sa ground for annulment ang adultery kaya pinayuhan siya ng abogado para kasuhan ng adultery si Stella. Magagamit iyon as basis sa pagpa-file niya ng annulment sa korte.
Nagmakaawa sa kanya si Stella para hindi niya hiwalayan, ginamit pa nito si Charlotte na kesyo lalaki ang bata sa isang broken family pero buo ang loob niya, kinasuhan niya ito. Para ano't hahayaan niyang manatili ito bilang asawa at ina ni Charlotte kung nagtaksil na ito?
Nakulong si Stella ng anim na taon samantalang ang kalaguyo nito na dapat ay makukulong din ay nagbalak na makatakas pero sa malas ay bumangga ang kotse nito at namatay. Natapos na ang sentensya ni Stella. Isang taon na mula nang lumaya ito pero hindi pa rin nagpapakita sa kanila. At iyon ang ipinagtataka niya.
Pero bakit ba niya iniisip iyon? Anyway, he was twenty-three noong nag-asawa siya. Nang mag-file siya ng kaso laban dito ay twenty-eight years old siya. Hindi madali ang proseso ng annulment sa Pilipinas kaya naman noong nakatatlong taon na si Stella sa kulungan ay saka lang siya nakalaya. Damn! At the age of thirty-one ay annulled na siya samantalang ang ibang ka-age niya ay nagliliwaliw at kung sino-sinong babae ang kasama. Pero balewala na 'yong inggit na nararamdaman niya. Sa tuwing nakikita niya ang kanyang anak ay nawawala ang pakiramdam niyang iyon. Mahal na mahal niya si Charlotte at ito lang ang tanging kayamanan niya.
Mula nang ma-annulled ay hindi na ulit naghanap ng seryosong relasyon. Mahirap na, baka makadale na naman siya ng babaeng katulad ni Stella. Kung magkakaroon man siya ng seryosong relasyon, ang gusto niya ay 'yong magiging magandang impluwensya sa anak, 'yong magiging mother figure nito.
"Dad, bakit hindi ka ulit mag-asawa? Okay lang naman sa akin kung magkaroon ulit ng bagong mommy basta hindi na katulad ni... you know..."
Napangiti si Aiden. Sa totoo lang, tuwing pinag-uusapan nila ang tungkol sa mommy nito ay hindi na siya nakakaramdam ng galit o kaunting inis. Hindi tulad noon ay binababad niya ang sarili sa alak. Mabuti na lang at natauhan din siya nang maaga. Kung hindi pa nagkasakit ng dengue si Charlotte noon ay baka hindi na siya umabot ng seven years dahil sunog na ang atay niya.
"Hindi ganoon kadali maghanap ng babaeng magiging kasama ko. It takes time, anak. Saka masyado na ba akong matanda para kailanganin ko nang maghanap ng bagong asawa?"
"Thirty-five, Dad, you're thirty-five," ipinagdiinan nito ang salitang thirty-five. "You're not getting any younger, I mean, kailangan mo ng makakasama habang-buhay. Paano na lang kapag naging adult na ako? Kapag nagkaroon na ako ng sarili kong family and—"
"Woah!" Gulat na awat niya sa anak. "Where did you get that idea, huh? Ang bata mo pa."
"I-i read pocketbooks. Nagkainteres akong magbasa ng mga ganoon since nakikita ko na tuwang-tuwa ang mga classmate kong babae sa mga kwento roon so..." napalabi ito. "But I'm serious, you know? Mag-asawa ka na, please?"
"Charlotte, sa panahon ngayon, mahirap nang maghanap ng babae na hindi pera ko ang mamahalin. Ayaw kong makakuha ng babaeng katulad ng mommy mo. At tulad ng sabi mo, thirty-five na ako. Sa edad kong ito, naghahanap na ako ng partner na magiging katuwang ko hanggang sa pagtanda."
Napayuko si Charlotte pero biglang napangiti. "May naisip ako bigla, Dad. At sigurado makakahanap ka talaga ng perfect girl dahil sa experimemt natin."
Napakunot-noo si Aiden. "Experiment? What is it?"
Pero imbis na sumagot ay ngumiti lang ito.
YOU ARE READING
Sweet Experiment (Approved under PHR)
Romance(Soon to be published) Aiden and Riley