Chapter 2
NAPATINGALA si Riley sa ginagawang constraction ng restaurant dito sa Makati. Giniba na ang factory na pinagtatrabahuan niya noon at heto na ang papalit. Dalawang buwan na ang nakakaraan nang mawalan siya ng trabaho. Hanggang ngayon ay naiinis pa rin siya dahil talagang nahirapan siya maghanap ng trabaho. Mabuti na lang talaga at mabait sa kanila si Lord dahil matapos ng isang buwan ng pagiging tambay ay sa wakas may trabaho na siya. Nasa isang hotel siya sa UN Avenue bilang isang room attendant. Ipinasok siya doon ng dati niyang kaklase at malapit na kaibigan sa highschool na si Toneth, housekeeping manager ito sa hotel.
"Look who's here?"
Napaigtad siya sa gulat nang makita ang lalaking iniisip kanina. Si Mr. Salvador, nakapagkit sa mukha nito ang ngisi nang makita siya. Siguradong naaalala siya nito.
"Pinagmamasdan ko lang po ang dating kinatitirikan ng factory na pinagtatrabahuan ko."
Napatango-tango ito. "Well, as you can see, nagiba na iyon at pinatatayuan ko na ng bago."
Yabang talaga ng taong ito!
"May trabaho ka na ba? Baka gusto mong ipasok kita bilang waitress ko dito sa restaurant."
"Hindi na po. Salamat na lang kasi may trabaho na ako. Mabuti na lang kasi hindi naman sapat 'yong bente mil na binigay mo," pang-uuyam niya.
"Pero atleast nagbigay pa rin ako, 'di ba? Twenty thousand din 'yon. Hindi ganoon kadali kumita ng pera."
"Wow, ha? Parang ang laki pa ng utang na loob ko sa 'yo? Bente mil? Pinagmamalaki mo? Hoy, inagrabyado mo kaming mga nananahimik na nagtatrabaho sa factory. Kung tutuusin kulang pa nga 'yon, eh!" Tumitik ang mata niya. "Sarap mong sampalin, leche ka." Bulong niya pero narinig pala ng lalaki.
"Bakit hindi mo ako sampalin ngayon para makita mo ang hinahanap mo."
"Ano'ng gagawin mo?" Bahagya siyang umatras na mas ikinangisi naman ng lalaki.
"Wait, iniisip mo bang hahalikan kita?" Iiling-iling na sabi nito. "Hopeless romantic, huh? Hindi kita hahalikan, ipapakulong kita."
"Pwe! Hindi ko inisip 'yon, 'no? Feeling ka masyado! Assumero!" Nagmartsa na siya palayo sa lalaki.
_____
NATATAWANG nasundan ng tingin ni Aiden ang palayong dalaga. Aaminin niyang natutuwa siyang asarin si Riley dahil gustong-gusto niyang makita ang magkabila nitong biloy na malalalim. Kaunting kibot lang ng mukha nito ay lumalabas na iyon, ano pa kaya kung nakangiti ito?
Nitong nakaraang araw ay iniisip niya ang tungkol sa dalaga at ngayong nakita niya itong muli ay natuwa talaga siya. Ewan ba niya. Pero nasisiguro niya sa kanyang sarili na wala siyang gusto dito, natutuwa lang talaga siya.
Ilang sandali pa ay pumasok siya sa loob ng kino-constract na building. Suot ang hard hat para maprotektahan siya kung sakali na may mahulog na matigas na bagay ay kinausap niya ang architect at malapit niyang kaibigan na si Felip.
"Mabuti at nakarating ka rito, bro!" Nagtapikan ng balikat ang dalawang lalaki. "Kumusta ang inaanak ko?" tukoy nito kay Charlotte.
Napangiti si Aiden. "Makulit pa rin siya."
"Malapit nang magdalaga ang anak mo, Aiden. Naghahanap na siya ng mother figure," pagkuway sabi nito matapos na maupo sa improvised chair na gawa sa makapal na kahoy at dos por dos wood na ipinako lang sa magkabilang dulo.
Nakakunot-noo na binalingan niya ang kaibigan. Napangiti ito. "Nagkwento sa akin ang anak mo, sabi niya ayaw mo raw pumayag sa plano niya para makahanap ng babaeng hindi katulad ni Stella."
"Hindi gano'n kadali ang plano niya. Ang akala ni Charlotte ay katulad sa isang romance novel na may happy ending ang story ng buhay ko." Sa susunod ay kailangan na niyang kausapin si Charlotte para limitahan na ang mga binabasa nitong romance novels.
"Subukan mo lang, bro. Wala naman mawawala sa experiment na gusto niya. Saka para tigilan ka na rin niya sa pangungumbinsi."
"I really don't like her idea, honestly."
"Pero anak mo 'yon, bro. Gano'n talaga mag-isip ang mga bata, believe me."
Natawa si Aiden. "Kung makapagsalita ka parang may anak ka na, ha?"
Nagkibit-balikat ito. "Pumayag ka na lang sa gusto ni Charlotte. Suit her curiosity at kusa na siyang titigil kapag walang napala sa experiment niya."
Napatango-tango si Aiden. Siguro nga ay tama ang kaibigan niya. Dalawang buwan na rin siyang kinukumbinsi ng anak at kapag tumatanggi siya ay sisimangot ito at hindi siya papansinin ng buong araw. Kaya naman bago matapos ang araw na ito ay tinawagan na niya si Charlotte para sabihin na pumapayag na siya sa experiment nito.
_____
NANGGIGIGIL na pinagpag ni Riley ang bed sheet sa single bed ng kuwartong nililinis niya. Nasa check-out room siya ng isang petite type na kuwarto. Last check-out na ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin niya naaalis sa isip ang nakakainis na ngisi ng Mr. Salvador na iyon. Pakiramdam niya ay ipinagmamalaki nito ang bente mil na binigay nito para lang matahimik sila sa pagpoprotesta.
Tss, kung alam lang ng lalaking iyon na kulang na kulang ang pera na iyon para sa mahihirap na tulad namin. Palibhasa mayaman at isang pitik lang ng kamay ay nasa harapan na ang pagkain. Samantalang kami, mag-iisip pa kung anong murang ulam ang puwede namin lutuin.
"Ma'am Lei, bakit po kayo nakasimangot?" tanong sa kanya ng OJT na kasama niya. Lei ang tawag nito sa kanya dahil iyon ang palayaw niya.
"Wala, may naalala lang ako. Isang antipatiko at ubod ng yabang na lalaki," malakas ang loob niya na magsabi ng saloobin sa OJT na ito dahil close na rin naman niya ito at palaging ito ang kasama niya kapag naglilinis ng mga rooms.
"Ay, namumuong pag-ibig ba ito?"
Natawa si Riley sa sinabi nito. "Sira! Anong namumuong pag-ibig ka dyan? Anyway, tapos ka na 'ata linisan ang CR, mag-dusting ka na tapos mamaya kain tayo sa McDo. Tamang-tama, ang laki ng tip natin ngayon." Ngayong araw ay naka-six hundred silang tip mula sa check-out at occupied room na nilinisan nila.
"Ililibre niyo ako?"
"Oo, kaya bilisan mo na dyan."
Napasuntok sa hangin ang OJT niya at binilisan na ang paglilinis. Nang matapos ay bumaba na siya ng housekeeping office para mag-update ng status ng mga kuwartong hawak niya at nang magawa ay umalis na rin siya para maghanda sa pag-alis. Naghihintay na ang kasama niyang OJT sa labas, sabay na silang nag-out at nagpunta sa kalapit na McDo. Katapat lang ng hotel ang McDo. Nang makatawid ay nahagip ng tingin niya ang isang taong-grasa na nakaupo sa may gilid, nakayuko ito at parang pagod na pagod.
"Ma'am?" untag sa kanya ng kasamang OJT.
"Tara, pasok na tayo."
Nauna na siyang pumasok sa loob ng McDo at nag-order ng kakainin. Dalawang for dine-in at isang take-out. Matapos makuha ang mga inorder ay lumabas siya saglit at ibinigay ang take-out meal sa taong-grasa sa labas.
"Kainin mo ito habang mainit pa." Nakangiting nilapag niya ang pagkain sa tabi nito.
Saglit siya nitong tiningnan pagkuway nag-iwas din agad ng tingin. May nakita siyang kakaiba nang tingnan siya nito pero binaliwala niya. Baka nailang ito, ang alam niya sa mga taong-grasa ay maiilap at parang laging takot.
Napag-aralan niya ang anyo nito. Kulot-kulot ang buhok na parang hindi nagsusuklay, maitim ang balat na parang uling, butas-butas ang damit at nakapaa pa. May dala-dala rin itong sako na madumi, sa hula niya ay may laman iyong basura. May kalakihan din ang katawan nito. Madumi ang kabuuan ng lalaki pero hindi niya maamoy na mabaho ito, 'yon bang amoy putok na ewan.
"Sige, kainin mo na 'yan. Masarap 'yan." Hindi ito sumagot kaya umalis na rin siya sa harapan nito at binalikan sa loob ang kasama niya.
"Ang bait niyo naman po, Ma'am Lei." Puri sa kanya nito.
Napangiti siya. "Alam mo, 'yong mga katulad nila dapat binibigyan ng pagkain. Iyon kasi ang mas kailangan nila kaysa 'yong bigyan mo sila ng pera. Kaya ikaw, kapag may makita kang pulubi na nanghihingi ng pera, huwag mong bigyan. Pagkain, 'yon ang ibigay mo dahil mas makakatulong iyon sa kanila."
Nang dahil sa naging karanasan nilang magkapatid noong nanirahan sila sa kalye ay naging gawain na ni Riley ang magbigay ng pagkain sa mga pulubing namamalimos at taong-grasa. Alam niya kasi ang pakiramdam ng nagugutom. Hindi siya nagbibigay ng pera kapag may nanghihingi sa kanyang pulubi. Ano ba naman kasi ang mabibili kung bibigyan niya ito ng piso, limang piso o sampong piso? Saka may ibang namamalimus na hawak ng sindikato, wala man siyang patunay pero alam niya na may ganoong gawain sa lansangan.
"Tatandaan ko po palagi 'yan, Ma'am."
Napangiti siya at muling tumingin sa labas. Wala na roon ang taong-grasa. Saan kaya siya nakatira? Teka, bakit ba niya tinatanong kung saan nakatira 'yon? Syempre pagala-gala lang ang taong-grasa na 'yon dito sa paligid. Sigurado bukas ay makikita niya ulit ang taong-grasa na 'yon.
YOU ARE READING
Sweet Experiment (Approved under PHR)
Romance(Soon to be published) Aiden and Riley