Chapter 5

309 8 0
                                    

Chapter 5

NAPATITIG si Aiden kay Riley na alalang-alala sa kapatid habang panay ang haplos sa buhok nito. Ngayon ay nasa charity ward sila ng ospital. Lihim siyang napabuntong-hininga sa nakikitang sitwasyon ng kapatid nito. May mga nakakabit pa ritong mga aparato at kahit hindi nito sabihin ay alam niyang natutulog ito sa sahig ng ospital, patunay roon ang nakita niyang extrang unan at kumot sa gilid.
Nararamdaman ni Aiden, kailangan nito ang tulong niya. Tamang-tama dahil ito na ang pagkakataon para makabawi siya sa ginawa nitong tulong sa kanya noong nag-taong-grasa siya.
"Mr. Salvador, okay na ako dito."
Nakangiting umupo siya sa katabi nitong silya. "Pinapaalis mo na ba ako?"
"H-hindi naman pero—"
"Anyway, gusto ko sanang Aiden na lang ang itawag mo sa 'kin. Masyadong pormal kasi kung may Mister pa, hindi naman ako ganoon katanda. Thirty-five pa lang ako, ikaw?"
"Twenty-five."
"Ten years age gap. Puwede pa naman, 'di ba?"
Litong napatingin ito sa kanya. "Anong puwede?"
Biglang napakurap si Aiden. Ano ba itong lumalabas sa bibig niya? Puwedeng ano ang ibig niyang sabihin doon? "I mean, puwedeng first name na lang ang itawag mo sa akin, gano'n." And he lied. Alam niya sa sarili na hindi iyon ang ibig sabihin nang sinabi niyang puwede. "Anyway, gusto ko sana ilipat ang kapatid mo sa private room at magkaroon ng sarili niyang nurse."
"H-ha?" Bigla itong napatanga. "Naku, private room? Huwag na, mahal doon saka wala akong pambayad para—"
"Sinong may sabi na ikaw ang magbabayad? Syempre ako," magsasalita pa sana ang dalaga pero mabilis niya itong pinigilan. "Basta tutulungan kita. Nakikita kong nasa hindi magandang sitwasyon ang kapatid mo. Look at him, napaka-vulnerable niya, unconcious at unstable. Ang mga katulad niya na kakatapos lang ng operation ay hindi nararapat dito. Dapat ay mas bigyan nang maayos na atensyong medikal ang kapatid mo. Do you get me?"
Hindi nakasagot ang dalaga. Parang iniisip pa kung papayag ba sa suhesyon niya. Tumingin muna ito sa kapatid saka hinaplos ang buhok nito.
"Tama ka. Hindi dapat nandito ang kapatid ko," sabi nito saka siya binalingan. "Mr. Sal—I mean, A-aiden, bakit ang bait mo sa amin? Huwag ka sana ma-offend pero iba ka kasi ngayon kaysa doon sa nakilala ko noon. Alam mo na, 'yong antipatiko at mayabang, gano'n."
Napangiti si Aiden. Nakuha niya ang ibig sabihin nito. "Sabihin na lang nating karapat-dapat ka sa swerteng hatid ko."
Biglang natawa si Riley at hayon na naman, namamangha na napatitig siya sa mga dimples nito. Parang ang sarap pisilin ng magkabila nitong pisngi. Damn! Kung puwede lang sana pero baka kung ano'ng isipin niya. Actually, kanina pa nga niya gustong gawin iyon habang naglalabas ito ng sama ng loob sa kanya. Kaya nga pinapatawa niya ito para lumabas nang natural ang dimples nito. Kaya nga nagawa kong ikumpara ang sipon sa sama ng loob niya dahil alam ko na mapapatawa ko siya.
"Wow, ha? Maka-swerte ka naman sa sarili mo. Genie lang ang peg? May three wishes, gano'n?" Natatawang sabi nito saka natigilan, seryoso ang mga mata na tumitig sa kanya. "Pero salamat talaga sa pagtulong mo sa akin. Siguro nga ay swerte ka para sa akin. Aiden, hindi ko alam kung paano kita mababayaran. Alam ko na malaking halaga ang ilalabas mong pera saka—"
"Huwag mo muna isipin iyon. Makakabayad ka rin sa akin."
"Paano naman?"
Ngiti lang ang sinagot ni Aiden. May naisip siyang plano. Makakabayad ito ng utang sa kanya at maipapakilala na niya ang dalaga sa kanyang anak.
What a great plan...
_____
HINDI alam ni Riley kung para saan ang ngiti na iyon ni Aiden kanina habang nasa charity ward sila. Parang may plano ito na hindi niya alam. Sa ngayon ay wala na sila sa ward, nasa isang private room na sila. May aircon, sariling banyo at malaking sofa bed na puwede niyang tulugan kapag magdamag siyang magbabantay.
Maganda ang kabuuan ng kuwarto, hindi na mananakit ang likod niya dahil sa pagtulog sa sahig. Pero nagtataka pa rin talaga siya nang sabihin nito na makakabayad din daw siya.
Diyos ko! Paano ko mababayaran ang lalaking iyon? Sa ganda ng kuwarto na ito siguradong libo ang bawat araw na mananatili kami rito!
Dalawang buwan na deposit ang sinabi nito para manatili sila sa magarang private room na ito at alam niya na malaking pera iyon. Ano ba ang ginawa niya para mangyari ito? Hindi naman sa nagrereklamo siya, syempre ay masaya siya pero sobra-sobrang blessing ito. Nakakataba ng puso, feeling niya ay sasabog na ito anumang sandali.
"Okay na ba ang kuwarto na ito sa inyo?"
"O-oo, ang ganda-ganda rito. Thank you," Diyos ko! Wala talaga siyang ibang masabi kundi buong pusong pasasalamat.
"You're welcome. Masaya akong nakatulong sa 'yo."
"P-pero paano pala kita mababayaran? Hindi ba at sinabi mong makakabayad din ako?"
"Yeah! About that." Nangislap ang mga mata nito. Parang ngayon lang nito naalala iyon. Umupo ito sa sofa at inaya siyang tumabi rito, sumunod naman siya. "I want you to be my friend."
Napangiti si Riley, simple lang pala ang hiling nito. "Friend? S-sige. Tapos? Paano ako makakabayad?"
"And later you will pretend as my girlfriend."
Napakurap nang ilang ulit si Riley. Teka, tama ba ang narinig niya? Magiging magkaibigan sila tapos ay magpapanggap siya na girlfriend nito? Parang naalog 'ata ang utak niya. Hindi niya na-gets.
"Bakit ko naman kailangan na magpanggap? Marami ka bang flings at gusto mo silang alisin sa buhay mo kaya ako ang gagamitin mo para isipin nilang taken ka na for good?" May biglang umahon na inis sa puso niya dahil sa isiping balak siya nitong gamitin sa isang walang kakwenta-kwentang bagay.
Napabuntong-hininga ito. "Alam kong nabigla ka sa alok ko pero sana pakinggan mo muna ang side ko," may pagsusumamo sa mata nito nang tumitig sa kanya kaya wala siyang nagawa kundi ang tumango. "Totoo na may mga flings ako pero hindi sila 'yong tipong clingy, alam mo 'yon?"
"Hindi," wala pang isang segundo na sagot niya. Malay ba niya kung anong clingy na sinasabi nito. Never pa siyang nagkaroon ng boyfriend o manliligaw dahil maaga siyang namulat sa responsibilidad na nasa kanyang balikat.
"I mean, no strings attached. Nandyan lang sila para tugunan ang pangangailangan ko bilang lalaki, na-gets mo na?"
Biglang namilog ang mga mata ni Riley. Na-gets niya iyon. Wala man siyang idea tungkol sa pakikipagrelasyon ay hindi naman siya inosente sa sinasabi nito. Malinaw niyang nai-imagine ito habang kasama ang mga ka-flings nito at—Teka! Bakit ba naging mahalay ang takbo ng utak niya?
"So, ano pala ang dahilan?"
"Ang anak ko. Gusto ka niyang makilala."
Napakurap siya. "May anak ka na?" Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. Hindi halata sa hitsura nitong may anak na. Kung hindi nga lang nito sinabi kanina na thirty-five na ito ay iisipin niyang kasing-edad niya lang ito o mas matanda ng dalawa o tatlong taon. In all fairness naman kasi, ang ganda ng tindig nito at maganda magdala ng damit. Napatingin sa kamay nito. Walang kahit anong singsing sa ring finger nito palatandaang kasal na ito.
"Annulled na kami, four years ago pa," sabi nito na parang sinagot ang tanong sa isip niya. "Alam mo ba na nagustuhan ka ng anak ko?"
"Paano? Wala naman akong naalala na may nakasalubong akong bata."
"Noong nakaraang linggo, hindi ba't binigyan mo ng pagkain ang isang taong-grasa na nakaupo malapit sa McDo? Ako ang taong-grasa na 'yon."
"I-ikaw 'yon?" Namilog ang mga mata niya at dinuro pa ito. "Pero paano nangyari 'yon?"
"Gusto kasi ng anak ko na mag-asawa na ako. Alam mo, mahilig magbasa ng romance novels si Charlotte at dahil doon naniniwala siya na magkakaroon ako ng happy ending tulad sa mga nababasa niya. So, nag-isip siya ng isang social experiment. Pinag-portray niya ako bilang isang taong-grasa para malaman kung sino ang babaeng karapat-dapat sa akin. Hindi kasi naging maganda ang pagsasama namin ng dati kong asawa, si Stella. May kalaguyo siya at dinadala sa bahay namin kapag wala ako roon. Nakikita iyon ng anak ko na limang taon noon."
"Grabe naman siya. Hindi niya ba inisip kung ano ang magiging epekto niyon sa bata?"
"Sadly, hindi niya inisip iyon dahil wala siyang pakialam sa anak namin. Nalaman ko pa na verbally and emotionally abused si Charlotte kaya mas lalo kong pinursige ang annulment namin. Ginamit ko lahat ng koneksyon at pera ko para maging mabilis ang annulment process namin. Anyway, wala na akong pakialam sa kanya kaya heto, four years na akong single."
"So, klaruhin ko lang, ha? Gusto mong magpanggap akong girlfriend mo para tigilan ka na ng anak mo tungkol sa pag-aasawa ulit kasi hindi ka pa handa na magkaroon seryosong relasyon, gano'n?"
"Well, iyon nga ang gusto ko. So, please? Magpanggap ka na girlfriend ko. Sandali lang 'yon, gusto ko lang makita niya na may relasyon tayo tapos kapag kampante na siya ay saka tayo kunwaring maghihiwalay."
"Hindi kaya ma-dissapoint ang anak mo?"
"Alam kong mararamdaman niya iyon pero gusto ko kasi na ipakita sa kanya na nasa tamang panahon ang lahat. Na hindi nadadaan sa isang social experiment ang paghahanap ng babaeng makakasama ko habang-buhay. Na darating siya sa buhay ko na hindi ko ini-expect. Magiging lesson din ito para sa kanya kaya sana tulungan mo ako."
Sa totoo lang ay may point naman itong si Aiden. Gusto nitong ipakita sa anak na hindi minamadali ang pag-aasawa, nasa tamang oras at panahon iyon pero bakit parang iba ang nararamdaman niya sa isipin na sandali lang ang pagpapanggap nila? Lihim siyang napailing. Hindi puwede na magkaroon siya agad ng attachment sa mga ito. Inaalok lang siya ng binata para mabayaran niya ang utang niya rito. Hindi ito humihingi ng pera pambayad, isang pagpapanggap lang at patas na sila.
"Riley?" untag nito sa kanya.
"Sige, sandali lang naman, 'di ba?"
"Yes, sandali lang. Basta ma-satisfy lang ang anak ko. Anyway, siguradong matutuwa si Charlotte kapag nakita ka."
Kimi lang na ngumiti si Riley. Sa totoo lang kinakabahan siya pero keri lang. Napatingin siya sa kapatid na mahimbing pa rin ang tulog. Sana magising ka na para maikwento ko sa 'yo itong nangyayari sa akin ngayon at para mapagalitan na rin kita.
_____
NAPAKURAP si Riley nang pagkabukas niya ng pinto ng private room ay nabungaran niya si Aiden na may dalang bungkos ng mga bulaklak. Napangiti siya saka pinapasok ito.
"Wow! Para ba sa kapatid ko 'yang mga bulaklak?"
"Silly," natawa ito. "Para ito sa 'yo. Pasasalamat ko dahil pumayag ka sa gusto ko. Here." Binigay nito sa kanya ang bulaklak.
Tinanggap niya iyon agad. "Thank you. Pero alam mo, hindi mo naman ako kailangan bigyan ng bulaklak. I mean, ako ang dapat na magpasalamat sa 'yo, ang laki nang naitulong mo sa amin. Tingnan mo itong bagong kuwarto ng kapatid ko, maganda, hindi tulad noong nasa charity ward kami. Mainit saka wala pang privacy."
"Deserve mo ang lahat ng ito, Riley. Ito ang kapalit ng pagiging Good Samaritan mo."
Napangiti ang dalaga, bahagya pang namula ang pisngi dahil sa papuri nito. Ilang sandali pa ay bigla nitong hinawakan ang kamay niya, naramdaman niya ang pagpisil nito roon. Napatitig doon si Riley. Para namang nakahalata si Aiden kaya binitawan agad ang kamay niya.
"Sana pala nagustuhan mo ang mga bulaklak na bigay ko."
"N-nagustuhan ko. Actually, first time kong makatanggap ng ganito kaya salamat." May ngiti sa mga labi na sabi niya saka inamoy ang bulaklak.
"May bayad 'yan."
Napakunot-noo siya, hindi niya mapigilan na taasan ito ng kilay. "Akala ko ba pasasalamat mo ito?"
"Hindi pera ang gusto ko. Ito," sa pagkabigla ni Riley ay bigla nitong pinisil ang magkabila niyang pisngi.
"Baliw 'to! Masakit 'yon, ha?" Hindi niya mapigilan na suntukin ito sa balikat pero tinawanan lang siya nito.
_____
"MAGIGING okay lang kaya na magpakita ako sa kanya ngayon? Hindi niya alam na uuwi kang kasama ako, baka hindi siya matuwa?"
Natawa si Aiden. "Anong sinasabi mo? Matutuwa iyon, sigurado ako."
Hindi na sumagot si Riley at huminga nang malalim. Ngayon ay nasa loob siya ng kotse ng lalaki. Nasa harap siya ng bahay nito sa malawak na solar. Hinihintay na lumabas ng bahay si Charlotte. May inutusan kasi si Aiden kanina para pababain sa kuwarto ang anak.
"She's here," mayamaya ay untag nito sa kanya.
Napatingin siya sa labas ng bintana. Nakita niya ang batang babae katabi ng yaya nito. Sabi ni Aiden ay nasa dose na ang edad nito pero sa tingin niya ay nasa eighteen na ito. Maganda kasi itong magdala ng damit at kahit na naka-flip flop lang ay nagmukha iyong mamahalin. Maamo ang mukha ng bata, malaki ang hawig nito kay Aiden. Maputi ito at makinis ang balat. Mahaba ang buhok nitong naka-tirintas.
"Ang ganda naman ng anak mo," hindi niya mapigilan ng purihin ang anak ni Aiden.
"Saan ba magmamana ang anak ko? Syempre sa akin na guwapo."
"Wow, ha? Yabang agad?"
"Nagsasabi lang ako ng totoo," pilyo siya nitong nginitian. "Anyway..." umangat ang kamay nito at inayos ang buhok niya para ilagay iyon sa likod ng kanyang tainga. "Maayos na ang buhok mo."
"Thank you."
"Nararamdaman kong kinakabahan ka."
"Natural kasi iniisip ko ang magiging reaksyon ng anak mo."
Napangiti ito. "Just act naturally and believe me, everything will be alright."
Kimi siyang ngumiti at tumango. Sa pagkagulat niya ay pinisil nito ang kaliwa niyang pisngi, naramdaman pa niya na may panggigigil iyon na ewan ba niya. 'Tapos ay ngumiti ito at lumabas ng kotse. Lately ay feel na feel nitong pisilin ang pisngi niya. Kung ihahambing nga niya si Aiden ay para itong lola na sabik sa isang apo.
Sinundan niya ng tingin si Aiden hanggang sa makalapit ito sa anak. Lumuhod ito saka hinalikan sa pisngi ang bata. Sandaling nag-usap ang mga ito. Tumingin ang binata sa puwesto niya. Nakita niya na parang nagtaka ang anak nito. Mayamaya lang ay tumayo na si Aiden at lumapit sa pinto ng kotse at pinagbuksan siya.
Bago lumabas ay huminga muna siya nang malalim. Nang makalapag ang paa niya sa lupa ay tumitig siya kay Charlotte na namimilog pa ang mga mata habang nakatitig din sa kanya.
"H-hi," alanganin niyang sabi. Hindi niya alam kung ngingiti ba o magpapaka-pormal.
"Dad! She's here!"
"Yes, she's here." Nakangiting sagot naman ni Aiden.
"Oh, my! Thank you, Dad! Tinupad mo ang promise mo na dadalhin siya dito." Pagkasabi niyon ay bigla siya nitong niyakap nang mahigpit.
Napatingin siya agad kay Aiden. Tumango lang ito na parang sinasabi na hayaan lang na yakapin siya ng anak nito. Kaya naman niyakap din niya ito at hinaplos ang buhok.
"Sobrang saya ko na nandito ka na. Oh, my God! You're so pretty! Finally, may maipapakilala na ako sa mga classmate ko na mommy ko."
"M-mommy?" Teka, anong mommy ang sinasabi nito? Akala ba niya ay friend muna tapos girlfriend later?
"Yes, 'di ba, friends na kayo ni Daddy then later on liligawan ka niya and magiging girlfriend ka niya and lastly, magiging mag-asawa na kayo at tatawagin kitang mommy ko."
Kulang pa ang salitang shock para mailarawan ang nararamdaman ni Riley, siya magiging mommy? Diyos ko! Ang lawak ng imagination nito!
"Charlotte, hindi ito ang tamang oras para sabihin 'yan. We are still in the stage of getting to know each other."
"Pero magiging mommy ko rin naman siya soon, 'di ba? I mean, I really want her" sabi nito saka siya binalingan. "Please, I want you. Kapag inalok ka ni Daddy ng kasal just say yes, okay? Mabait ang daddy ko and—"
"Charlotte." Pinal at matigas ang boses na tawag ni Aiden sa anak. Natahimik naman ang bata saka humiwalay ng yakap sa kanya. Anyong napahiya pa dahil napayuko ito at tumulis pa ang nguso.
"Charlotte," tawag niya rito saka lumuhod sa harapan nito. "Yes, kapag nag-propose ang daddy mo, oo agad ang isasagot ko. Huwag ka nang malungkot, okay?" Hindi alam ni Riley kung bakit niya nasabi iyon pero ayaw niya kasing nakikitang malungkot ito. Alam niya na masyadong naging mabilis ang attachment niya sa bata pero natutuwa kasi siya sa pagiging jolly nito kaya hayon, nakuha nito agad ang puso niya.
"Thank you. Hindi ako nagkamali noong una pa man kitang nakita. Alam ko na ikaw ang perfect wife para sa daddy ko."
Ngiti lang ang sinagot niya.

Sweet Experiment (Approved under PHR)Where stories live. Discover now