Chapter 4

302 10 0
                                    

Chapter 4

"NAKU, sis, sorry, ha? Wala akong maipapahiram sa 'yo ngayon. Naibigay ko na kasi kay Mama para panggastos sa hospital bills ng kapatid ko. Alam mo naman, bagong panganak ang Ate ko."
"Okay lang, pasensya na sa abala, ha?"
Malungkot na umalis si Riley sa front desk kung saan nandoon ang isa niyang katrabaho. Pauwi na siya ngayon galing trabaho at nagbabaka-sakali siya na may mahiraman kahit dalawang libo lang. Pero walang-wala rin ang mga ito. Sinubukan din niyang magpa-advance ng sweldo sa accounting office kahit alam niya na hindi siya mapagbibigyan pero balewala pa rin.
Nasa labas na siya ng hotel at nag-aabang ng bus. Nang makakita ay agad niya iyong pinara at sumakay na. Nasa kalagitnaan siya ng biyahe nang biglang mag-ring ang calling alert ng kanyang cell phone. Si Maru ang tumatawag. Siguro ay magtatanong kung nakahiram na siya ng pera. Agad niyang sinagot ito.
"Maru-"
"Hija! Ang kapatid mo, nasa ospital!" Nagpa-panic ang boses na bungad ng nasa kabilang linya. Bigla siyang kinabahan. Bahagya niyang inilayo ang cell phone sa tainga at tiningnan kung sino ang tumatawag. "Si Manang Melay mo ito, ni-load-an ko ang cell phone ng kapatid mo para matawagan ka."
"Ano'ng nangyari sa kapatid ko, Manang?"
"Mahabang istorya. Pumunta ka na lang ng ospital at nandoon din ang mga pulis. Sila na lang ang magpapaliwanag sa 'yo."
"N-nasaang ospital ngayon ang kapatid ko?"
Matapos malaman kung saang ospital dinala ang kapatid niya ay bumaba na siya ng bus at sumakay ng jeep. Malapit na lang kasi ang ospital mula sa binabaan niya. Pagkarating ay sumalubong agad sa kanya ang mga pulis. Mabilis siyang nagpakilala bilang kapatid ni Maru at tinanong kung ano ang kinasangkutan nito kaya nandito sa ospital.
"Ms. Concepcion, nabaril ang kapatid niyo dahil sa operation na ginawa namin sa Pasay. Napag-alaman namin na isinama siya ng mga kaibigan para maghatid ng droga kapalit ng malaking halaga ng pera. Pero nagkahulihan dahil nasa watchlist namin ang drug lord na paghahatiran nila. Napatay ang mga kaibigan niya nang manlaban habang ang kapatid mo ay nagtangkang tumakas pero hinostage siya ng drug lord at binaril nang manlaban."
"Hindi magagawa ng kapatid ko na sumama sa mga adik na 'yon!"
"May CCTV po na kuha kung saan nakita na sumama siya sa mga kaibigan niya. May mga saksi rin kami na nakakita nang ibigay sa kanila ang droga. May asset din po kami doon mismo kung saan nangyari ang palitan ng droga at pera."
Ayaw paniwalaan ni Riley ang mga narinig mula sa pulis pero may CCTV camera at may mga saksi pa. Hindi pa man niya nakikita o nakakausap ang mga sinasabi nito ay may bumubulong sa kanya na maaaring totoo iyon.
"A-anong mangyayari sa kapatid ko? M-makukulong ba siya?" Doon na bumuhos ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya makakaya kapag nakita niya si Maru na nasa likod ng mga rehas.
"Maaari siyang makulong kapag napatunayan na user o pusher siya. Sasailalim pa ang kapatid mo sa urine test para malaman natin kung user ba siya."
"Hindi user ang kapatid ko. Nasisiguro ko po 'yan sa inyo."
"Kung sakali na hindi nga siya user ay kailangan pa rin namin siya sa aming custody para malaman kung sino-sino ang mga nag-utos sa kanya. Kapag pumayag siyang makipagtulungan sa amin ay maaaring hindi na siya makulong dahil siya na ang magiging primary witness namin."
Napatango-tango si Riley. Naiintindihan niya ang sinabi ng pulis. Sa oras na magising si Maru ay sesermonan niya ito agad. Ilang sandali pa ang lumipas at sa wakas lumabas na ang doktor na sumuri sa kanyang kapatid. Agad niya itong nilapitan at tinanong.
"Natanggal na namin ang bala sa kanyang likod. Maswerte siya dahil walang natamaan na vital organ at ngayon ay kailangan na lang niyang masalinan ng dugo." Nakangiting imporma ng doktor sa kanya.
"Thank you," nakahinga siya nang maluwag.
Nasa maayos nang sitwasyon kanyang kapatid. Ngayon ay paano niya babayaran ang hospital bill ng kapatid niya? Wala siyang kapera-pera ngayon. Siguradong kailangan din niyang bumili ng mga gamot nito. Napahawak siya sa kanyang ulo. Hindi niya mapigilan ang mapaiyak na lang.
_____
"CONGRATULATIONS, Aiden. Next week ay magbubukas na ang restaurant mo," masayang bati sa kanya ni Felip matapos siyang kamayan.
"Thank you. Hindi magiging mabilis ang pagtatayo nito kung hindi dahil sa 'yo at sa masisipag mong mga tauhan."
Nakangiting tumango ang kaibigan niya habang siya ay napatitig sa bagong tayo niyang restaurant. Excited na siya sa darating na linggo dahil siguradong maraming darating para sa opening nito. Sigurado rin na dadagsain ng media ito dahil may mga kakilala at kaibigan din siyang mga celebrities na personal niyang inimbitahan para mag-perform dito.
"Bro, nag-aaya ng inuman ang foreman ko, sama ka?" aya sa kanya ni Felip.
Napaisip si Aiden. "Next time na lang, bro, may kailangan kasi ako asikasuhin sa bahay. Anyway, next time ay treat ko naman."
"Okay, next time, ha? Hindi namin kalilimutan 'yan."
Natatawang nagpaalam na si Aiden sa kaibigan saka nagpunta sa kotse at pinaandar iyon. Totoo na may aasikasuhin siya, si Charlotte kasi ay dumaing ng sakit sa tyan kaya dinala niya ito kanina sa ospital. Ngayon ay aasikasuhin naman niya ito.
Kapag ganitong wala siyang trabaho ay sinisiguro niya na nagkakaroon siya ng oras para sa anak. Gusto niya kasing maramdaman nito na puwede rin siyang maging mother figure nito.
Habang nasa biyahe ay biglang tumunog ang calling alert ng kanyang cell phone. Ang kanyang kaibigang doktor ang tumatawag. Mabilis niya iyong sinagot.
"Napatawag ka? Kumusta si Charlotte?" Agad niyang kinumusta ang anak.
"Okay na si Charllote, pare. Actually, pinauwi ko na siya since hindi naman malala ang lagay niya."
"Thanks God! Anyway, ano ba ang cause kaya nanakit ang tyan niya?"
"Aerophagia or Air Swallowing ang naging cause ng pananakit ng sikmura niya. Mahirap i-discuss ito through phone pero kung may oras ka ay puwede ko ipaliwanag ito sa 'yo. Sasabihin ko na rin kung paano maiiwasan ito."
"Sige dadaan na lang ako sa ospital, pare. Tutal dyan din ang way ko."
Matapos na magpaalam sa kaibigan ay mabilis na niyang pinaandar ang kotse. Nang makarating ay dumeretso siya agad sa office ng kaibigan. Doon sinabi nito ang tungkol sa Aerophagia o Air Swallowing. Ito pala ay nangyayari kapag mabilis kumain ang isang tao, nakukuha rin sa pag-inom ng mga carbonated beverages at sa palagiang pagnguya ng chewing gum. Napailing na lang siya. Gawain pa naman ng kanyang anak iyon. Sinabi rin sa kanya ng kaibigan na dapat ay mabantayan niya ang bawat pagkain o kinakain nito para hindi na maulit ang pananakit ng sikmura nito. Pag-uwi niya mamaya ay pagsasabihan niya ito agad tungkol doon.
Matapos makausap ang doktor ay lumabas na siya ng opisina nito para makauwi pero biglang nahagip ng tingin niya ang isang babae na umiiyak habang nakaupo sa waiting area sa may cashier. Nakatingin din ito sa pera na hawak. Si Riley. Lumapit siya at naupo sa tabi nito. Hindi man lang siya napansin.
"Hindi 'yan dadami dahil sa pag-iyak mo."
Nang magsalita siya ay doon lang napatingin sa kanya ang dalaga. Gulat na gulat at napakurap pa ng ilang ulit bago siya nakilala.
"Ikaw? Anong ginagawa mo dito?" Garalgal ang boses na sabi nito.
"Wala lang. Ikaw? Anong ginagawa mo rito at bakit ka umiiyak?"
Inisnaban siya nito at hindi sumagot.
Napangiti siya. "But seriously, bakit ka umiiyak?"
_____
HMP! Bakit ba tanong nang tanong ang lalaking ito?
Hindi magawang magtaray ni Riley, mas nananaig sa kanya ang sama ng loob na nararamdaman. Kanina ay nagpunta siya sa bahay ng kanyang tiyahin na nasa Makati. Nanghiram siya ng pera. Oo at sinabi niya na hinding-hindi siya hihingi rito pero wala na talaga siyang choice kundi ang kainin ang pride at lunukin ang panghahamak ng tiyahin sa kanya.
Kanina nang nasa bahay siya nito ay kung ano-ano ang pinagsasabi. Kinarma raw silang magkapatid dahil sa paglalayas nila noon, na ang kapal daw ng mukha niyang bumalik sa bahay nito para manghingi ng pera. Pero nilunok niya lang iyon at hindi siya nag-abala na ipaalala rito kung bakit nila nagawang magkapatid na lumayas noon. Sa totoo lang, kanina ay hindi niya naramdaman ang pag-aalala nito nang sabihin niyang na-aksidente si Maru, tinawanan pa nga siya na talaga namang ikinainsulto niya.
Pero binaliwala niya iyon at hinintay na bigyan siya ng limang libo. Diyos ko! Matapos ang panglalait at panenermon ay itong halaga lang ang mahahawakan niya. At ang magaling niyang tiyahin, tinubuan pa na sa bawat buwan na hindi siya makakabayad ng utang ay may dagdag na one hundred ang five thousand na pautang nito.
Kung tutuusin ay kulang itong limang libo na hawak niya para pambayad ng hospital bill ng kapatid niya. Baka nga puro sa gamot lang nito mapunta itong pera na hawak niya.
"Gamitin mo muna itong panyo ko," napatingin siya sa katabi. Si Aiden, kitang-kita niya sa mga mata nito ang pag-aalala sa kanya. Napatingin siya sa inaalok nitong puting panyo. Malinis iyon at plantsado pa, halatang hindi pa nagagamit. "Malinis 'yan," nakangiting inilagay na nito ang panyo sa kamay niya.
Atubili naman na ginamit niya iyon para punasan ang luha sa pisngi. Hindi rin siya nagdalawang-isip na suminga ng sipon sa panyo dahil kanina pa siya nahihirapan na huminga, tumutulo na rin kasi ang sipon niya gawa nang kakaiyak niya kanina. Sa pagkakataon na ganito, wala na siyang pakialam kung mawalan siya ng pose. Aarte pa ba siya?
"Pasensya ka na, ha? May sipon ko na itong panyo mo, lalabhan ko na lang tapos ibabalik ko sa 'yo. Saka lalagyan ko ito ng downy, promise."
Ngumiti ito. "So, bakit ka nga nandito?"
"'Yong kapatid ko, nandito sa ospital." Hindi alam ni Riley kung bakit siya napapakwento sa lalaking ito, hindi naman sila magkaibigan.
"Bakit ano ba ang nangyari sa kapatid mo?"
May pagdadalawang-isip si Riley kung sasabihin ba rito ang tungkol sa kapatid niya. Ano ba ang pakialam nito sa kanila? Hindi naman sila close nito.
"Come on! Don't look at me that way," bigla itong natawa. "Puwede mo sabihin sa akin ang problema mo. Malay mo makatulong ako."
"N-nasangkot kasi ang kapatid ko sa isang drug operation ng mga pulis. Sumama siya sa mga kaibigan para maghatid ng droga. Nasa ospital siya kasi nabaril ng drug lord matapos i-hostage. Ngayon okay na siya, successful ang operation ng pagtatanggal ng bala pero ang problema ay wala akong pambayad sa ospital. Heto ngang pera na hiniram ko sa tiyahin ko may kasama pang panunumbat at malulutong na mura dahil sa paglalayas namin noon." Hindi na naman niya napigilan ang pag-iyak. Pakiramdam niya ay kailangan niya itong ilabas dahil ang sama talaga ng loob niya sa kanyang tiyahin. "Alam mo, gustong-gusto ko sabihin sa tiyahin ko na ang kapal ng mukha niya na sumbatan ako, na karma raw ang nangyari sa kapatid ko kasi nilayasan namin sila. Eh, paano na hindi kami lalayas? Minamaltrato nila kami noon. Nang namatay ang mga magulang namin, sila ang umampon sa amin pero 'yong tulugan namin doon sa tabi ng manukan nila. Hindi kami makatulog doon kasi ang baho-baho tapos maaga pa kami gigising para pagsilbihan ang pamilya niya. Ginawa nila kaming utusan doon tapos kapag nagkamali kami, sasaktan nila kami."
"Riley..." inalo siya ng lalaki sa pamamagitan ng paghaplos sa kanyang likod.
"Tapos sasabihin niya na karma raw ito? Minura-mura pa ako na parang deserve ko 'yon kasi pinapalamon niya?" Garalgal ang boses na sumbong niya sa binata.
"Sshh, tahan na. Huwag ka maniwala sa tiyahin mo. Hindi karma ang nangyari sa inyo, isa 'yong pagsubok galing sa itaas para mas tumibay ka pa. Saka hindi ka naman bibigyan ng pagsubok ng Diyos kung alam niyang hindi mo kaya, 'di ba? So, just trust Him and everything will be alright. Maniwala ka sa akin, may pinagdaanan na rin ako noon na isang pagsubok at nalagpasan ko iyon, tingnan mo kung nasaan ako ngayon."
Napatitig siya sa lalaki. Hindi niya alam kung ano ang pagsubok na sinasabi nitong nalagpasan dahil hindi naman niya ugali ang makiusisa sa buhay ng iba pero tumatak sa kanyang isip ang sinabi nito. Na hindi nagbibigay nang pagsubok ang Diyos kung alam naman Nito na hindi iyon kakayanin.
Ngumiti na lang siya at nag-iwas ng tingin dito. "Thank you," sabi niya saka muling suminga ng sipon sa panyo. "Pasensya ka na talaga, punong-puno na ng sipon ko itong panyo mo. Kasi alangan naman na hayaan kong tumulo ang sipon ko, 'di ba? Mas nakakadiri 'yon?"
Natawa si Aiden saka puno ng amusement ang mga matang tumitig sa kanya. "Okay lang, ano ka ba? Lahat naman ng tao ay sinisipon matapos na umiyak, 'di ba? Anyway, you're welcome."
"Gumaan ang loob ko matapos kong sabihin ang sama ng loob ko. Kanina feeling ko down na down ako dahil sa mga sinabi ng tiyahin kong damulag."
Napangiti ang lalaki. "Maganda rin talaga 'yong naglalabas ka ng sama ng loob kasi kapag itinago mo 'yan ay makakaapekto 'yan sa buhay mo. Parang 'yang sipon mo, hindi naman puwede na nandyan lang sa ilong mo 'yan, lalabas at lalabas talaga 'yan."
Biglang natawa si Riley. Ikumpara ba ang sama ng loob niya sa sipon? Pero may punto naman ito, eh. May umiyak na ba na hindi sinipon? 'Yong mga napapanood nga niya sa movie at teleserye, sinisipon din 'yong mga umaakting.
"Anyway, nasaan na ang kapatid mo? Puwede ko ba siyang makita?"
Napatitig si Riley rito. Bakit naman nito gustong makita ang kapatid niya? Pero pumayag na rin siya. Gusto lang nito makita ang sitwasyon ni Maru, hindi naman masama iyon.

Sweet Experiment (Approved under PHR)Where stories live. Discover now